Operation: 'MJ' (9 to 12)

Start from the beginning
                                        

Hindi na kumibo pa si Solidad. Ayaw na niya kasing maungkat pa ang mga bagay na may kinalaman sa mga kasama ni Alipio at sa operation mj. Natatakot siyang baka kung saan pa makarating ang kanilang pag-uusap ay mahalata ng kanyang asawa ang ginagawa nilang magtiyahin.

Kausap ni Ramir ng umagang iyon si Det. Sgt. Rey Ignacio. “Malapit na ang Independence Day.” Wika niya nang silang dalawa’y nakaupo na ng magkaharap sa kanyang mesa. “Ang Bise ay doon sa Plaza Miranda yata naka schedule na magsalita. Alam mo naman na, kung tama ang ating hinala, ay isa siyang target sa operation mj.”

Mahinang tawa ang isinukli ng Sarhento sa narinig na sinabi ng kaharap. “Totoo kang maalalahanin,” aniya, “hindi ka dapat magkaganyan. Marami siyang mga bodyguard na mangangalaga sa kanyang kaligtasan. Bakit mo iintindihin ‘yon?”

Sumandal si Ramir sa kanyang inuupuan. “Hindi nila alam ang tungkol sa operation mj at saka, bilang pulis, ay tungkulin nating pangalagaan ang kaligtasan ng bawa’t mamamayan, hindi ba?”

“Tama ka!” Kasama ang pagkibit ng balikat na wika ni Rey. “Ang sa akin lamang ay paalala. Kung mayroon kang gustong ipagawa ay okay lamang.”

“Kadalasan,” ani Ramir na parang hindi pinansin ang huling sinabi ng kausap, “ay sa tapat ng simbahan nila inilalagay ang entablado. Siguro ‘yon ang una nating dapat alamin, kung ganoon din ang gagawin nila. Ikalawa, kung alam na natin ang paglalagyan ng entablado, ang atin namang titingnan ay ang pinakamainam na pwesto sa isang assasin para maisagawa ang kanyang pag-atake with minimum risk of being apprehended.”

Tumayo si Det. Sgt. Rey Ignacio. “Sige,” wika niya, “aalamin ko muna sa namamahala ng programa kung saan nila balak ilagay ang entablado. At yaon ang pagbabasihan ko para alamin ang sinasabi mong magandang pwesto sa isipan ng isang mamamatay.”

“Sa pagkakataong ito,” tumatawang biro ni Ramir, “ay ipagpapalagay mong ikaw ang mamamatay tao.”

Tumawa rin si Rey bago tumalikod at lumabas ng silid-tanggapan ni Ramir.

Hapon din ng araw na iyon ay nakatayo sa harap ng simbahan ng Quiapo ang isang gusgusing lalaki. Nakasumbrero ito ng balanggot at nakatingalang minamasdan ang kampanaryo. Kasalukuyang inihuhudyat ng mga sandaling iyon ang ika-anim ng hapon sa pamamag-itan ng kampana. Nang matapos ang pagbatingaw ay saka ito lumakad patungo sa binababaan ng kampanaryo.

Nakangiting sumalubong ang gusgusing lalaki sa kampanaryo. “Ikaw pala ang bumabatingaw dito.” Wika niya. “Nag-iisa ka ba?”

“Oho, bakit ninyo naitanong?” Sagot ng kampanaryo.

Tumawa ang gusgusing lalaki. “Kasi pangarap ko rin ang maging kampanaryo noong ako ay bata pa.”

“Ganoon ho ba?” Anang kampanaryo. “Bakit, hindi ho ba natuloy?”

“Hindi nga eh,” kasabay ng hingang malalim ay wika ng lalaki. “Lumuwas kasi ako ng Maynila at dito nakipagsapalaran.”

“Kaya naman pala.” Nasambit ng kampanaryo. “Eh ano ngayon ang trabaho ninyo at saan kayo nakatira?”

“Wala.., wala akong trabaho. Nakikitulog lamang ako sa ilalim ng tulay.”

“Bakit kayo narito?”

“Lagi naman ako dito tuwing hapon.” Nakangti pa ring turing ng lalaki. “Tumatanaw sa pagbatingaw mo at pagkatapos ay nagsisimba.”

Nabakas sa mukha ng kampanaryo ang pagkahabag sa kausap. “Pwede naman ho kayong pumanhik sa itaas kung gusto ninyo, huwag lang kayong gagalaw ng kahit na ano doon.”

“Gan’un ba?” Nakatawang badya ng lalaki. “Naku salamat ng marami. Pio nga pala ang pangalan ko.” At iniabot ang kanang palad sa kaharap.

Kinamayan naman ang lalaki ng kampanaryo. “Efren po ang itawag ninyo sa akin.”

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now