Sinenyasan ni Alipio si Kardo na hilahin ang dalawang bangkay at ihulog sa hukay. Siya rin ang inatasang magtabon sa hukay at pitpitin ang lupa para maitago ang pinagbaunan sa dalawa.
Walang nagawa si Kardo kundi ang sumunod sa iniutos sa kanya. Nang gabing iyon, sa kanyang higaan ay hindi makatulog si Kardo. Ang laman ng kanyang isipan ay ang naganap sa dalawang alam niyang alagad ni Alipio. Kung nagawa iyon sa dalawa, ay magagawa rin sa kahit sinong kumontra sa kanyang kagustuhan. Paano ang kanyang gagawin? Ang bagay na naganap ay labag sa kanyang kalooban..., pero paano ang kanyang asawa at anak kung ipakikita niya ang kanyang pagtutol? Kailangang maging matalino siya. Hindi ngayon ang oras, maghihintay siya ng tamang panahon..., at tiyak niyang darating iyon sa araw na hindi niya inaasahan.
11
Tumunog ang cellphone na nakapatong sa ibabaw ng mesa na siyang naging dahilan kung bakit nagmulat ng mata si Solidad. Ang una niyang tinanaw ay ang orasang nakasabit sa pader sa tapat ng kanyang kama. Sampung minuto na lamang bago mag-ika sampu ng gabi. Siguro’y gagabihin na naman kung kaya’t nagpadala ng text ang kanyang asawa.
Dinampot niya ang cellphone at tinunghayan ang dumating na text. Nagulat siya nang makitang ang pangalan ni Alipio ang nakalagda sa text. Ganito ang nabasa niya.
“Nalibing na sa limot ang dalawang pinuproblema mo, kaya ngayon siguro ay mapapanatag ka na. Al.”
Nangiti si Solidad sa kanyang nabasa kaya agad niyang sinagot iyon. At ganito ang laman ng kanyang ipinadala.
“Salamat, ngayong tapos na ang problemang iyon, siguro naman ang aasikasuhin mo ay ang dapat ihanda bago dumating ang independence day. Ayokong magahol sa panahon, kaya’t hanggang maaga’y dapat ka ng kumilos. At tulad ng bilin ko, ayoko ng maulit na magte-text ka sa akin. Maliwanag ba?”
Pagkatapos maipadala ang text na iyon ay bumalik sa kanyang higaan. Masayang yumakap sa unan at ipinikit ang mga mata para muling matulog.
Muli siyang nagising nang maramdamang may nahiga sa kanyang tabi. Dumilat siya at nang matanaw si Speaker ay pumihit at muling pumikit.
“Gising ka pala,” narinig niyang wika ng asawa, “mabuti naman.., dahil gusto kong ibalita sa iyo na kasamahan yata ni Alipio ang mga taong naghalughog sa apartment ng isang reporter.”
Hinarap ni Solidad ang kanyang asawa. “Saan mo naman nalaman ang tungkol diyan?” Tanong nito sa Speaker.
Hinila ng Speaker ang kumot at itinakip sa paang tinatamaan ng hanging buhat sa aircon. “Dumalaw sa akin ang isang Tinyente ng pulis at tinanong ako kung may narinig na ako ng tungkol sa operation mj. Sinabi kong wala. At bago siya umalis ay naitanong kung may kilala akong Alipio Coronel.”
“Ano ang sabi mo?”
“Ano pa.., eh di sinabi kong pamangkin mo siya.”
“Bakit mo sinabi ang ganoon.” May pagtutol sa pagsasalita ni Solidad. “Anong malay mo baka kapangalan lamang ang hinahanap nila.”
Sa sinabing iyon ng kanyang asawa ay nangiti ang Speaker. “Ikaw talaga, oo..., parang hindi mo kilala ang iyong pamangkin. Ang mga kaibigan niya at kasa-kasama ay puro may mga record at lasenggo. Hindi ko nga alam kung bakit mahal na mahal mo ang isang iyon.”
“Mahal ko siya dahil pamangkin.” Katwiran ni Solidad. “Ikaw naman, ang hirap sa iyo..., ay kulang ka sa pasensiya. Baka nga kaya ganoon iyon ay dahil walang nakikitang pagmamalasakit sa iyo eh.”
Huminga ng malalim ang Speaker. “Naku, mabuti pa’y matulog na tayo. Baka pag-awayan pa natin ang bagay na iyan. Gusto ko lamang sabihin sa iyong itinatanong na ng pulis ang iyong pamangkin. Hindi ko alam, pero siguro’y may nagawa na namang kalokohan iyan.”
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (9 to 12)
Start from the beginning
