Operation: 'MJ' (9 to 12)

Start from the beginning
                                        

“Sang-ayon ako.” Masayang wika ng asawa ng Speaker. “Pero kailangan ang maingat na pagpaplano.., ayaw nating pumalpak sa pagkakataong ito.”

“Ako ang bahala..., mayroon pa naman tayong sapat na panahon.”

Ang kasong isinampa kina Antonio Lukas at Nomer Hipolito ay frustrated murder at illegal entry. Nang umagang iyon ay dinidinig ang inihaing pitisyon para sa pansamantalang paglaya ng dalawa. Hindi naman nagtagal at naabrubahan ng korte ang pitisyon at ang halaga ng dapat ilagak. Kaya’t ng hapon din ng araw na iyon ay nakalabas ang dalawang bilanggo.

Isang van ang naghihintay nang lumabas ang dalawa. Pinapasok sila ng abugado sa sasakyan bago ito umalis. Sa loob ng van ay nakita nila doon si Alipio. Sinenyasan nito ang driber na patakbuhin na ang sasakyan. Nang yaon ay tumakbo na ay inabutan sila ng itim na tela para ipiring sa kanilang mga mata.

“Bakit kailangan pa ito?” Tanong ni Antonio kay Alipio.

“Kailangan ‘yan para hindi ninyo malaman kung saan kayo dadalhin.” Sagot na kanilang tinanggap.

“Pero bakit? Bakit kailangang piringan kami, wala ba kayong tiwala?” Si Nomer naman ang nagtanong.

“Hindi sa ganon,” ani Alipio, “kailangan itong gawin para hindi ninyo alam kung saan kayo naroon. Gusto kasi naming itago kayo sa otoridad. At kung hindi ninyo alam kung saan kayo naroon ay hindi rin kayo makababalik sa ating pinanggalingan.”

Kunot ang nuo ni Antonio dahil hindi niya naunawaan ang katwiran ni Alipio. “Eh di.., para din kaming nakabilanggo nito?” Tanong niya.

“Tama!” Matatag na sagot ni Alipio. “Mas mainam na iyan kaysa sa bilibid kayo nakakulong, di ba?”

“Ano ang kaibhan nuon?” Ani Nomer. “Tiyak na may magbabantay din sa amin.”

Tumawa si Alipio. “May magbantay man sa inyo ay dapat lang. Hindi ba’t kayo naman ang nagkamali kaya kayo nahoyo?”

“Nagkamali man kami ay hindi sinasadya, kaya sa palagay ko’y hindi kami dapat makaranas ng ganitong pagtrato.” Madiing wika ni Antonio.

Tinapik siya sa balikat ng kasamang si Nomer. “Wala tayong magagawa, ‘yan ang gusto nila..., kaya huwag ka na lang kumibo. Wala namang mangyayari sa ating pagtutol.”

Tiningnan siya ni Alipio. “May ibig ka yatang sabihin..,” wika nito, “paalala lamang...., kung binabalak ninyong pumuga ay huwag na ninyong gawin.., mapapahamak lamang kayo.”

Hindi na kumibo ang dalawa. Inilagay na lamang ang itim na tela para takpan ang kanilang mga mata. Patuloy pa rin ang pagpapatakbo ng driber sa sasakyan. May tatlong oras itong nagpaikot-ikot sa daan. Walang malay ang dalawang nakatakip ang mga mata na sila ay nasa loob pa rin ng Metro Manila.

Ipinasok ang van sa isang loteng nababakuran ng mataas na pader. Ang gate ay solidong bakal na walang butas na masisilipan. Sa gitna ng lote ay may isang bahay na di naman kalakihan. Isang palapag lamang ito at yari sa hollow blocks at nabububungan ng yero.

Nang huminto ang van ay saka lamang inalisan ng piring ang dalawa. Bumaba sila na kinukusot ang mga mata dahil sa liwanag na bumulaga sa kanila. Nagpalinga-linga sila sa paligid. Sa isang sulok ng lote ay natanaw nila ang dalawang pulang kotse na may plakang numero otso. Sa makapal na alikabok na nakita nila ay nahinuha na ang mga sasakyang iyon ay matagal na ring hindi nagagamit.

Ilang tao ang nagbabantay sa lote. Dalawa ang nasa gate at mayroon pang dalawang palakad-lakad. Marami pa sana silang gustong malaman nguni’t narinig nila ang tawag ni Alipio.

Pumasok sila sa bahay na kasama si Alipio. Itinuro nito sa kanila ang isang silid kung saan sila dapat matulog. Itinuro din ang kusina at lugar ng kainan, ang banyo at CR. At ibinilin sa kanilang hindi pwedeng lumabas ng bahay kung wala silang kasama.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now