Operation: 'MJ' (9 to 12)

Start from the beginning
                                        

May tinanggap na report ang pulisya na may nakitang riple at sumbrerong balanggot sa bangketa ng daang Dagupan sa Tundo. Kinuha iyon ng mobile patrol at dinala sa laboratoryo para masuri. Nakakuha sila ng mga bakas ng daliri sa riple pero walang ‘yung makapareho sa mga nasa talaan ng pulisya at NBI.

Tapos na sa kanyang pagluluto si Maribeth nang dumating si Ramir. Matapos humalik ay naupo ang binata sa upuan sa harap ng hapag kainan. Sa malas ng dalaga ay tila hapong-hapo ang kasintahan. Kaya’t kumuha siya ng serbesa sa fridge bago lumapit.

“Pagod ka ano?” Tanong nito at iniabot ang malamig na beer sa binata. “Kailangan mo ito.” Dugtong pa bago naupo sa kalapit na upuan.

“Thanks,” ani Ramir naman at tumungga sa bote. Matapos malunok ang malamig na beer ay parang nawala ang kanyang pagod. “Malaking ginhawa talaga ang naidudulot ng malamig na inumin..., lalo pa’t galing sa iyong mahal!”

Kurot ang iginanti ng dalaga sa kanyang narinig. “Tama ka na,” wika niya, “ang gusto kong malaman ay kung bakit tila napagod ka ng ganyan? Marami ba kayong ginawa?”

Huminga ng malalim si Ramir. “Hindi naman gaano.” Sagot nito. “Galing kami sa Oroqueta sa Sta. Cruz. Humahanap kami doon ng kahit anong indikasyon na magsasabi kung saan namin maaaring makita yaong dalawang suspect sa pagtatangka sa buhay ng Senate President at yaong naghalungkat dito sa apartment mo.”

Napatingin ang dalaga sa binata. “Bakit..., tinakasan ba nila ang kanilang piyansa?”

“Ganoon nga lumalabas.” Tugon ni Ramir. “Dinala kasi ng sheriff ang subpoena sa bahay nila sa Oroqueta, pero wala sila doon at ayon sa katulong ay hindi naman naparoroon mula nang sila ay maaresto.”

“Ang ibig sabihin,” hula ng dalaga, “ay nang makalabas sila ay hindi na sila doon tumuloy dahil talagang balak nilang magtago.”

Tumango lamang si Ramir. “Pero, siguro ay hindi magtatagal at may magtuturo sa kinaroroonan nila.”

“Ano naman ang dahilan at tila siguradong-sigurado ka sa sinabi mo?” Usisa ni Maribeth.

Muling tumungga ng beer ang binata bago sumagot. “Kasi’y nagbigay ng pabuyang five hundred thousand pesos si Misis Canete, ang asawa ni Senate President, sa sino mang makapagtuturo sa kanilang kinaroroonan.”

Tumango ang dalaga. “Gan’un pala,” bulong niya, “madali ngang mahuhuli ang mga iyon dahil sa pera.” 

Inubos ni Ramir ang laman ng hawak na bote at saka tumayo. “Isang bote pa bago tayo kumain,” aniya at lumapit sa palamigan, “ikaw, ikuha ba kita?”

Tumango ang dalaga kaya’t dalawang malamig na bote ang binuksan ni Ramir.

Tumunog ang telepono sa mesa ni Det. Lt. Ramir dela Serna. At nang iyon ay iangat niya ay narinig ang salita ni Sofia. “Sir, tawag mula kay NBI special agent Mirasol nasa line two.”

Pinindot ni Ramir ang numero dos sa kanyang telepono at saka nag-hello. “Napatawag ka?” Dugtong niya.

“May tumawag dito, Kardo Tamayo raw ang pangalan. Alam daw niya kung saan makikita sina Nomer at Antonio.” Paliwanag ng special agent ng NBI.

“Sa palagay mo ba ay totoong alam niya?”

“Hindi ko alam, kaya nga itinawag ko sa iyo. Patay na raw ‘yung dalawa at mayroon siyang binanggit na isa pang pangalan, baka alam mo kaya kita tinawagan.”

“Patay na? Anong pangalan?”

“Alipio!”

Alipio?” Halos pasigaw na ulit ni Ramir. “Paano mo muling makokontak ang Kardong ‘yan? May iniwan bang numero?”

“Meron..., meron! Ibibigay ko sa iyo.., ikaw na ang kumausap sa kanya.”

Nang matanggap ni Ramir ang cellphone number ni Kardo ay agad niya itong tinawagan. Nagkasundo silang luluwas si Kardo at magkikita sila para ituro ang lugar na pinaglibingan sa dalawang nakasakdal sa salang frustrated murder at illegal entry.

Kausap ni House Speaker Gaspar Salitre ang kanyang asawang si Solidad habang sila ay nag-aalmusal. Ang paksa ng kanilang usapan ay ang napabalitang paghabol ng mga pulis sa isang lalaking pinagsuspetsahang may ibig patayin sa Plaza Miranda noong Indepandence Day.

“Hindi raw matiyak ng pulis kung sino ang pakay ng lalaki. Pero ayon kay Det. Lt. Ramir dela Serna,” anang Speaker sa kanyang asawa, “ay si Vice President daw ang pangunahing magsasalita doon. Baka raw si Bise nga ang target dahil nangyari ng tambangan ang kotse nito noong una.”

Hindi nagsalita si Solidad. Sukat ang tapunan lamang ng tingin ang asawa.

“Alam mo,” patuloy ni Speaker Gaspar, “sa nangyayaring ito.., ang tangkang pagpatay sa Bise at Pangulo ng Senado ay talagang hindi ko mawari ang dahilan. Totoong malalim para sa akin. Ano ang motibo ng gagawa nito? Ang masasabi ko lamang ay tungkol sa ginagawang paghihigpit nila sa mga negosyante, tulad ng mga loggers, huweteng at drug lords. Ano sa palagay mo?”

Nagkibit ng balikat si Solidad. “Hindi ko alam.” Wika niya. “At ayokong magsalita ng kahit ano tungkol diyan.”

“Bakit naman?”

“Wala lang!”

Inubos ng Speaker ang laman ng kanyang bibig bago muling nagsalita. “Alam mo ba,” aniya, “nang kausapin ako ni Lt. dela Serna noon at banggitin ang pangalan ni Alipio ay wala akong inisip na ano man. Pero ngayon, nang mabasa kong ang lalaking tumakas ay nakasumbrero ng balanggot at nakasakay sa isang motorsiklo, ay naalala ko ang dating gawa ni Alipio noon. Para tuloy nagkaroon ako ng pagdududa na may alam siya tungkol sa mga nangyayaring ito.”

Napahinto sa kanyang pagkain si Solidad. Tinitigan niya ang asawa. “Siryoso ka ba sa iyong sinabi?” Tanong niya.

“Hindi ba pwedeng mangyari?” Patanong na sagot ng Speaker.

“Dahil lang sa na-involved siya sa masamang gawain noon?”

“Nilakad ko ang kaso niya noon dahil nga hindi ako naniniwala na magagawa niya ang ganon.” Paliwanag ng Speaker sa asawa. “Pero bakit binanggit ni Tinyente ang kanyang pangalan kung wala siyang hinalang may kinalaman siya sa mga nangyayari?”

“Ah..., ewan ko..., hindi ko alam.” Ani Solidad at sinabayan ng pagtayo at pag-alis matapos magsalita.

Tinanaw lamang ng Speaker ang nagalit na asawa. Marahil nagalit dahil sa kanyang mga sinabi na kontra sa kalooban nito. Sana nga, naisaloob niya, na hindi totoo ang mga bagay na pumasok sa kanyang isipan.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now