Operation: 'MJ' (9 to 12)

Magsimula sa umpisa
                                        

Napatingin si Efren sa kausap. Hindi niya mawari kung ano ang naging dahilan at pinigil siya ni Rudy sa pagsasalita.

“Hindi na kailangang magpatuloy ka pa. Alam na namin kung sino siya.” Pagkawika noon ay hinila si Roland palabas ng simbahan.

Kausap noon ni Ramir si Rey nang tumunog ang kanyang mobile radio. Kinuha niya iyon sa kanyang lukbutan at saka sumagot.

Pinindot ni Ramir ang buton at saka nagsalita. “May kailangan ka?” Tanong niya.

“Papunta kami ni Roland sa bagong mataas na building.” Narinig na sabi ni Rudy. “Kailangan namin ang back-up. Naroon na ang sa palagay ko’y suspect natin.”

Napatingin si Ramir kay Rey. “Pupunta na kami diyan!” At ipinamulsa ni Ramir ang kanyang radyo.

Si Rey naman habang tumatakbong kasunod ni Ramir ay tumawag sa ilan pang kasamahan. Ipinagbiling paligiran ang nasabing gusali at humanda sa inaasahang paggamit ng sandata.

Naihanda na ni Alipio ang gagamitin niya sa pagtakas pagkatapos na maisagawa ang kanyang balak na pagpatay sa Pangalawang Pangulo. Nasa ikapitong palapag siya. At mula doon ay tinanaw niya sa ibaba ang kudradong konkreto na itinali sa dulo ng lubid na paglalambitinan at magbababa sa kanya pagkatapos maisagawa ang balak. Ang konkreto ay mas magaan sa kanyang timbang ng may pitong kilo, timbang na inaakala niyang magbababa sa kanya sa bilis na kailangan bago makarating ang mga pulis. Simple lang ang kanyang plano. Ang Konkreto ay nakatali sa isang dulo ng lubid at sa kabilang dulo naman siya bibitin para bumaba. Dalawang puliya, na may isang metro ang pag-itan at nakasabit sa konkretong medya agua ng gusali, ang humahawak sa lubid na siya ring magpapabilis sa kanyang pagtakas.

Matapos masuri ang kanyang mga ginawa, ay nilapitan ang salansan ng mga floor tiles, kung saan niya inilagay ang mga parte ng mahabang riple na galing sa sako ng mga bote. Pumaibabaw siya sa salansan ng mga nakakahong tiles, at in-assemble ang riple. Nang matapos ay sinipat ang podium na gagamitin ng sino mang magsasalita sa entablado.

Inabutan ni Ramir at Rey na kausap nina Roland at Rudy ang security guard sa ibaba ng gusali. “Hinahanap namin ang magbobote.” Wika ni Rudy na narinig ni Ramir. “Naparito ba siya ngayong umaga?”

Ngunot ang nuong tiningnan sila ng gwardya. “Sino ba kayo?” Tanong nito at hinawakan ang nakasukbit niyang sandata.

“Pulis kami,” si Ramir ang nagsalita at ipinakita ang ID na nakakwintas sa kanya. “Sagutin mo ang tanong niya.” Dugtong nito pagkatapos.

Muling tinanaw ng security guard ang ipinakitang ID. Bumitiw ito sa kanyang baril nang masigurong hindi peke ang ipinakita sa kanya. “Nariyan siya sa loob, naghahanap ng mga boteng plastic.”

“Alam mo kung saang floor?” Tanong na mula kay Rey.

“Lahat po ng floor ay pupuntahan niya. Hindi ko alam kung saan na siya naroon.”

“Sige, dito ka lang. Huwag kang magpapapasok ng kahit sino, maliban sa pulis. Naiintidihan mo?”

“Opo, masusunod po.”

Sampung minuto bago mag-ika sampu nang tanggapin ng iba pang pulis ang tawag ni Rey. Mabilis silang tumalima sa panawagan ng Sarhento. Tatlong grupong binubuo ng dalawang katao bawa’t isa ang sabay-sabay halos nagsikilos patungo sa mataas na gusali.

Dahil sa halos patakbong pagtalima ng grupo sa tawag ni Rey, ay napuna iyon ni Pio na noon ay nasa salansan ng mga tiles. Ibinaling niya ang hawak na riple sa nakitang tumatakbong mga lalaki, at sa pamamag-itan ng teleskopyong panipat ay kinilala niya ang mga iyon. Nagulat siya nang makita ang mga naka-kwintas na ID sa bawa’t isa sa mga lalaki.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon