Operation: 'MJ' (9 to 12)

Mulai dari awal
                                        

12                                                   

Kausap ni Det. Sgt. Rey Ignacio ang kanyang pinunong si Tinyente Ramir dela Serna ng umagang iyon. Pinag-uusapan nila ang mga bagay na dapat gawin pagdating ng Araw ng Kalayaan. Magtatalaga sila ng mga tao sa lahat ng lugar na inaakala nilang maaaring gamitin ng salarin sa kanyang hangarin. Sa balak na ito ay kasang-ayon nila ang pinuno ng bodyguard ng Pangalawang Pangulo.

Kasama sa balak nila na ibahin ang oras ng pagtatalumpati ng Pangalawang Pangulo. Sa halip na alas diyes ng umaga ay gawin iyong alas onse. Sa ganitong paraan ay magkakaroon sila ng ekstrang isang oras para masigurong walang panganib sa paligid. At maaari ring dahil sa pagkainip ay makagawa ng kamalian ang salarin.

Nagkalat ang bandila ng Pilipinas sa lahat ng lansangan. Ang bawa’t poste ng kuryente ay may watawat na pumapagaspas dahil sa hihip ng hangin. Ganoon talaga sa Siyudad sa tuwing sasapit ang Araw ng Kalayaan.

Ika-sampu ng umaga ang oras na alam ng lahat na nakatakda sa pagsasalita ng Pangalawang Pangulo sa Plaza Miranda. Marami ng tao na naghihintay sa sasabihin ng mga magtatalumpati sa ibabaw ng entablado. Kasalukuyang tinutugtog noon ang isang martsa ng naroong banda ng musiko. Maingay sa paligid, hindi lamang dahil sa malakas na pagtugtog ng banda, kundi gayon din naman ang malakas na usapan ng mga taong naroon.

Maagang dumating ang gusgusing lalaki sa nakasarang pintong yero ng bakod sa paligid ng ginagawang gusali. Bitbit ng lalaki ang sako na halos puno na sa basiyong plastic na bote nang buksan ng bantay ang pintong yero.

“Kay aga mo? At saka bakit puno na yata ang sako mo” Puna ng gwardya nang makita ang lalaki. “Saan mo pa ilalagay ang mapupulot mong bote?”

“Huwag kang mag-alala, may dala pa akong isang bakante dito.” Sagot ng gusgusing lalaki.

“Ganoon ba? Sige pasok na..., pero huwag kang paaabot ng alas diyes ha?” Bilin ng bantay bago isinara ang pinto.

Abala ang lahat ng tao sa loob ng simbahan. Ang marami ay nangakaluhod at nagdarasal. Ang iba naman ay nakapila para humalik sa imahe ng Puong Nazareno. Si Efren ay abala sa pag-aayos ng altar. Lumapit sa kanya si Roland.

“Good morning,” bati ni Roland na nagpalingon kay Efren.

“Ikaw pala,” nasabi ni Efren sa kabila ng kanyang pagkakabigla. “Independence day na nga pala ngayon.., mayroon ba akong maipaglilinkod sa inyo?” Dugtong niya na nakamasid sa kasama ni Roland.

“Nag-iisa ka yata, wala kang kasama. Hindi ba’t may nabanggit ka noon tungkol doon sa lalaking gusgusing lumapit sa iyo?” Tanong ni Roland. “’Yon bang sabi mo ay may hilig ding maging kampanaryong katulad mo.”

“Ah si Pio,” tugon ni Efren, “dito nga siya natutulog gabi-gabi. Pero ngayong umaga ay wala na siya nang ako’y magising. Maaga siyang umalis. Bakit mo naitanong?”

“Wala naman.” Ani Roland at tinapunan ng tingin si Rudy.

“Maaga pa lang umalis?” Ani Rudy naman matapos ibaling ang paningin kay Efren. “Pwede bang makita namin kung saan siya natutulog?”

“’Yun lang pala eh, halika ‘yo!” At lumakad si Efren kasunod ang dalawang alagad ng batas.

Unang nakita ni Roland ang mahabang bag sa ilalim ng tulugan. Matapos hingin ang pahintulot ni Efren ay hinila ang bag at saka binuksan. Nakita niya ang laman noon ay mga brief, ilang sando, twalya, sepilyo at tooth paste. Ang mga iyon, hindi man bago, ay maaayos naman ang itsura na masasabing hindi gamit ng isang gusgusin.

Tumayo si Roland at hinarap si Efren. “Pwede bang i-describe mo sa amin ang itsura nitong si Pio?” Wika niya.

“Marusing ang kanyang pananamit, nakasumbrero siya ng balanggot at siguro’y mga 5 feet 7 inches ang kanyang taas. Matipuno ang kanyang...” Hindi naituloy ni Efren ang kanyang sinasabi dahil itinaas ni Rudy ang kanyang kamay.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang