Isang mataas na gusali ang nakita ng dalawa sa dakong likod sa gawing kanan ng simbahan. Ito ang napagtuunan nila ng pansin. Ang gusali ay hindi pa tapos. Sa kasalukuyan ay finishing na ang trabahong ginagawa ng mga trabahador. Ayon sa namamahala ay aabutin pa iyon ng mga ilang buwan bago matapos.
Nagpanggap si Rudy at Roland na sila ay naghahanap ng opisinang mauupahan kung kaya’t pinayagan silang pumanhik at umikot sa loob ng gusali. Tanaw na tanaw mula sa ikalimang palapag pataas ang paglalagyan ng entablado sa plaza. Kaya naniwala ang dalawa na ang gusaling iyon ang tamang lugar para isagawa ang isang assasination attemp sa buhay ng isang opisyal ng gobyerno.
Nang sila ay bumaba at lumakad papalabas ng bakuran ng gusali ay natanaw nila na kausap ng isang gusgusing lalaki ang security guard. Ang lalaki ay may dala-dalang sako na may lamang mga basyong plastic na bote.
“Sige na,” narinig nilang pakiusap ng gusgusing lalaki sa bantay, “minsan lang naman sa maghapon ko gagawin ang pamumulot sa loob eh.”
Nakita nila ang pagtango ng bantay. “Sa umaga mo lang gagawin ‘yan ha?” Wika pa ng gwardya. “Ayokong maabutan ka dito ni Boss na dumarating ng mga alas diyes.”
“Areglado, basta sinabi mo!”
Hindi pinansin ng dalawa ang narinig nilang usapan. Ang laman ng kanilang isipan ay ang pagre-report ng bagay na iyon sa kanilang pinuno na si Rey. Alam nila kasing tatanggap sila ng papuri sa kanilang sasabihin.
Sa Malacanan, matapos ang pagpupulong na idinaos doon dahil sa mga proyekto ng Unang Ginang, ay hindi kaagad umuwi si Solidad Salitre. Tulad ng dati niyang ginagawa, ay nagpaiwan siya para makipag-tsikahan sa asawa ng Pangulo na kanyang kaibigan.
“Ano ba ‘yung sinasabi ng isang PSG na may kausap daw si Presidente na pulis Maynila?” Tanong nito habang lumalakad sila patungo sa silid ng First Lady.
Hindi agad sumagot ang Unang Ginang. Nilimi niya sa isipan kung ano ang dapat isagot sa tanong na iyon. Walang dapat makaalam ng tungkol sa pakikipag-usap na iyon ng Pangulo.
Minasdan ng Unang Ginang ang kaibigan. “Hindi ko yata alam ang tungkol diyan.” Nasumpungan niyang sabihin.
“Hindi mo alam?” Patanong na ulit ni Solidad. “Ang sabi ay isa ka raw sa naroon nang kausapin ng pulis ang Pangulo.”
“Ahhh.., ‘yun pala.” Nakatawang banggit ni FL Rosita. “Tungkol ‘yon sa ginawang pagtambang sa sasakyan ng Vice President. Napunta lang ako doon ng hindi sinasadya.”
“Wala bang itinanong sa iyo ‘yung pulis?” Usisa ni Solidad.
“Wala naman.” Sagot ng Unang Ginang. “Informal lang naman kasi ang ginawang pagbisita n’ung Tinyente, kaya nga nakapasok ako habang naroon siya.”
Iniba na ni Solidad ang paksa ng kanilang usapan nang mahalata niyang ayaw ng First Lady na magsabi ng tungkol sa dalaw at pagtatanong ng pulisya. Ang hinala niyang ang pagdalaw na iyo’y may kinalaman sa mga naganap na pagtatangka sa buhay ng Pangalawang Pangulo at Pangulo ng Senado ay nanatili sa kanyang isipan. Ang gusto sana niyang malaman ay kung may itinanong ang Tinyente tungkol sa kalusugan ng Pangulo.
Marami pa silang natalakay na paksa hinggil sa mga proyekto ng Unang Ginang. Mga gawaing sa palagay niya ay kanyang ipagpapatuloy sa sandaling maging matagumpay ang kanilang ginagawa ng pamangking si Alipio.
Ang mga balak ni Solidad, sakaling siya ang maging Unang Ginang, ay totoo namang magaganda at pakikinabangan ng maraming mahirap na pamilya. Ang kalooban niya ay nakatuon sa ikabubuti ng taong bayan, higit ang mahihirap. Ang masama lamang, dahil sa kanyang hangarin at pagnanasang marating ang kinalalagyan ng kaibigang si Rosita, ay naisip niyang gawin ang balak na kasalukuyang pinagkakaabalahan nila ng kanyang pamangking si Alipio.
DU LIEST GERADE
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (9 to 12)
Beginne am Anfang
