“Salamat Efren,” tila hindi magkantututong wika ng lalaki, “salamat at nagkaroon ako ng kakilalang kampanaryo.”
“Kung gusto ninyong pumanhik sa itaas, ay sige. Iiwanan ko na kayo.” At tuluyan ng umalis si Efren.
Matapos pumanhik ay umalis si Pio. Bumalik siya sa bahay na napaliligiran ng mataas na pader. Walang kibong pinapasok siya ng mga nagbabantay sa gate dahil alam nilang ganoon ang kasuutan niya ng siya ay umalis. Si Kardo ang nag-usisa tungkol doon nang iyon ay masalubong niya sa loob ng bahay.
May pagtatakang napahinto si Kardo sa kanyang paglakad. “Ikaw ba ‘yan boss?” Tanong niya nang makita ang gusgusing lalaki.
Umirap si Alipio. “Bakit, hindi mo ba ako nakilala?”
“Nagulat nga ako boss eh, akala ko’y may pulubing nakapasok dito sa bahay.”
Natuwa si Alipio sa kanyang narinig. Ang ibig sabihin ay naitago niya ang tunay niyang pagkatao sa ginawang pagpapanggap.
Araw-araw, mula noon, ay laging dinadalaw ni Alipio ang simbahan ng Quiapo bilang isang gusgusing lalaki. Hanggang magtiwala sa kanya si Efren. At isang araw nga ay napapayag niya ang kampanaryo na doon siya matulog, tuwing gabi, sa tinitirhan nito sa likod ng simbahan.
Bitbit ang isang mahabang bag, ay lumipat si Pio sa tinitirhan ni Efren. Inilagay ang bag sa ilalim ng papag na sinabing tutulugan niya.
“Salamat sa alok mo.” Di magkantututong wika ni Pio. “Araw-araw naman ay nasa labas ako. Uuwi lang ako dito sa hapon para matulog.”
“Huwag kang mag-alala, talaga lang gusto kong matulungan ka kahit paano. Nakakagaan kasi sa kalooban.” Ani Efren naman at tinapik pa ang balikat ni Pio.
Kasama ni Rey ng araw na iyon ang tatlo sa kanyang mga tauhan, si Rudy, Benji at Roland. Nagdalawang grupo sila. Kasama niya si Benji na tumawid sa kabila ng Quezon Blvd para tingnan ang mga gusali doon. Si Roland naman at Rudy ay pumasok sa simbahan ng Quiapo para alamin kung may posibilidad na ang kampanaryo ang mapili na gamiting lugar sa balak na iligpit ang Pangalawang Pangulo.
Nang makaharap ni Rey ang namamahala sa isang gusaling may apat na palapag ay inalam niya kaagad kung may bakanteng silid na pinauupahan doon.
“Naku wala na po kaming bakante.” Sagot ng namamahala. “Diyan po sa kabila, alam kong mayroon silang bakante, kaya lang ay nasa fourth floor.”
“Ang lahat ba ng umuupa ay matatagal na dito?” Muling tanong na nagkaroon ng ibang kahulugan sa namamahala. Agad namang napuna iyon ni Rey kung kaya’t napilitan niyang ipakita ang kanyang tsapa.
“Alagad kami ng pulis,” wika niya habang nakalahad ang kanyang tsapa. “Sinisiguro lamang namin ang siguridad sa paligid. Alam mo na, malapit na ang Independence day, at ang plaza ay isa sa ginagamit para iyon ay ipagdiwang.”
Nagkamot ng ulo ang namamahala. “Pasensiya na kayo, hindi ko alam na yaon pala ang pakay ninyo. Matagal na dito ang lahat ng nangungupahan, kaya tiyak kong wala kayong dapat alalahanin sa gusaling ito.”
“Salamat kung gan’un. Sige lilipat na kami sa kabila.” Ani Rey. “At siyenga pala, sana ay mailihim mo ang tungkol sa aming ginagawa.”
“Masusunod po!” Pangako ng sinabihan.
Sa kabila, ay nalaman nilang ang silid na bakante ay nasa sa likod na bahagi ng gusali. Walang bakante sa harap at ang mga nangungupahan ay pawang matatagal na doon.
Nakausap ni Rudy at Roland ang kampanaryong si Efren. Nabatid din nila ang tungkol sa gusgusing si Pio. Pero hindi nila iyon pinansin matapos makapanhik at makita ang itaas ng kampanaryo. Nabuo sa kanilang isipan na hindi pipiliin ang lugar na iyon dahil walang paraan para makatakas pagkatapos ng gawain.
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (9 to 12)
Start from the beginning
