Nang gabing iyon, nasa isang restaurant ang magkasintahang Ramir at Maribeth. Sa labas nagyaya ang binatang kumain dahil hindi pa lubos na naaayos ang apartment ng dalaga na ni-ransack noong nagdaang araw.
“Okay ba sa iyo ang lugar na ito?” Tanong ni Ramir matapos silang makaupo.
“Okay na okay,” sagot ng dalaga, “maganda ang paligid, malamlam ang ilaw at ang musika ay banayad, tamang-tama sa dalawang pusong nagmamahalan. Para bang ibig makibahagi sa ating nararamdaman.”
Huminga ng malalim si Ramir. “Hindi ko alam na magaling ka palang managalog. At ngayon ko lang nalaman ang katotohanan sa iyong sinabi. Ayos nga ang lugar na ito sa dalawang nagmamahalan.”
“Umorder na tayo.” Nakatawang badya ng dalaga. “Baka kung saan pa mauwi ang ating usapang ito.”
Sumenyas si Ramir sa isang tagapagsilbi at saka nagtanong sa dalaga. “Ano ang gusto mong inumin?”
“Mag-wine tayo.” Anang dalaga. “Gusto mo ba?”
“Kung ano ang nasa isip mo ay gayon din ang sa akin.”
“Wine kung ganoon.”
Dinala ng tagapagsilbi ang wine na kanilang hiningi. Matapos salinan ng wine ang dalawang baso ay iniabot sa kanila ang menu book. Nag-toast sila bago tiningnan ang menu at hiningi ang kanilang gustong kainin.
Habang hinihintay ang pagdating ng kanilang inorder ay nagsayaw sila. Doon sinabi ni Ramir sa dalaga ang pinagawa niya kay Rey.
“Kaya bukas ay kukuha si Det. Sgt Rey ng warrant para maaresto ang dalawa.” Patuloy ni Ramir. “Malalaman na natin kung ano ang kanilang hinahanap at kung bakit sa apartment mo sila naghalughog.”
“Sabihin naman kaya nila ang gusto mong malaman?” May pangambang wika ng dalaga. “Hindi ba’t ang mga taong ‘yun ay may ugaling hindi magsalita ng tungkol sa kanilang mga gawain?”
“Maraming paraan kaming ginagawa para sila magsalita.”
“Huwag mong sabihing pahihirapan mo sila?”
“Kung talagang matigas sila ay pwedeng mangyari ang gan’un.”
“Hindi ba labag ‘yon sa batas?”
“Huwag kang mag-alala, ‘yun ang pinakahuling paraang aming gagawin.” Paniniyak ni Ramir kay Maribeth. “Meron pang iba na naaayon sa batas, kaya hindi ka dapat mabahala.”
“Sana nga ay hindi na kailanganing gamitin ninyo ang pananakit.”
“Tutol din ako sa paggamit noon. Bayaan mo’t hangga’t maaari ay iiwasan ko ang isang iyon, alang-alang sa iyo.”
Pinisil ng dalaga ang balikat ni Ramir pahiwatig na nagustuhan nito ang huling sinabi sa kanya. “Oh, ayun na ang ating pagkain,” wika ng dalaga nang matanaw na ibinababa na ng tagapagsilbi ang kanilang order, “maupo na tayo. Gutom na ako.”
Bumalik sila sa kanilang mesa. Matapos ang pagkain at maubos ang wine ay nagbayad si Ramir. Halos hatinggabi na nang maihatid ni Ramir ang dalaga sa kanyang apartment.
Mag-aalas diyes ng umaga, kinabukasan, nang malagdaan ng huwes ang warrant of arrest na kinuha ni Det. Sgt. Rey Ignacio para sa dalawang John Doe na naninirahan sa 73 Oroqueta Street sa Sta. Cruz, Manila. Mula sa husgado, dala ang warrant at kasama ang dalawang pang pulis, ay lumakad ang Sarhento para isagawa ang paghuli sa dalawang lalaki.
Namangha ang dalawang lalaki nang malamang si Rey pala ay isang pulis. Sumama naman ang mga iyon ng walang pagtutol nang makita ang warrant of arrest na ipinirisinta sa kanila. Bago umalis ay ipinagbilin sa isang katulong na sabihin sa kanilang amo ang nangyari.
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (5 to 8)
Start from the beginning
