Nakamasid lamang kay Ramir ang dalaga. Tumayo lamang ito nang may marinig na katok sa pinto. Lumapit ito at binuksan ang pinto sa harap ng apartment. Nakita niya ang dalawang nakunipormeng alagad ng batas.
“Kayo po ba ang tauhan ng robbery section?” Tanong ng dalaga sa dalawang pulis.
“Kami nga po,” tugon ng isa, “nariyan po ba si Det. Lt. Ramir dela Serna?”
“Pasok kayo, nasa loob siya.”
Pumasok ang dalawa. Matapos makapagbigay galang sa Tinyente ay agad inilabas ng isa ang kanyang kamera at nagsimulang kunan ng larawan ang nagkalat na kasangkapan sa lahat ng silid sa apartment. Ang ikalawang pulis naman ay kinunan ng mga finger prints ang lahat ng kasangkapang sa palagay niya ay nahawakan ng mga taong pumasok sa bahay. Ilang oras ding nagtrabaho ang dalawang pulis at ilang bote ng beer naman ang naubos ni Ramir bago natapos ang pagsisiyasat. Nagpaalam ang tauhan ng robbery section.
Bago nakaalis ang dalawa ay nagbilin si Ramir. “Gusto kong bigyan ninyo ako ng kopya ng mga finger prints na nakuha ninyo.”
“Masusunod sir.” Pangako ng dalawa.
Noong ding gabing iyon, sa numero 73 Oroqueta Street sa Sta Cruz, ay kausap ni Alipio Coronel ang isang mestisahing babae na nakaupo sa loob ng isang itim na Mercedes Benz.
“Nagawa na ba ang ipinagbilin ko?” Tanong ng babae.
“Opo Mum,” sagot ni Alipio na nakayuko sa tapat ng nakabukas na bintana ng kotse. “Wala po sa interbyung nabanggit tungkol sa sinasabi ninyo.”
“Natitiyak mo ba ang tungkol sa sinabi mo?” Muling tanong ng babae.
“Tiyak po, nakita kasi ng tao ko ang record ng interview sa laptop. Hindi po nabanggit ang tungkol sa sinasabi ninyo.”
“Magaling kung ganoon.” Anang mestisahing babae. “Keep up the good work. Ayoko na.., na mangyari uli ang katulad ng sa EDSA.., maliwanag ba?”
“Hindi na mauulit.” Pangako ni Alipio.
“Good!” At umandar palabas ng bakod ang itim na Mercedes Benz.
Naiwan si Alipiong nakatingin sa lumalayong sasakyan. Batid niyang sa nangyaring banggaan sa EDSA, hindi man namatay ang Senate President ay nawala naman ang katinuan ng isip nito, bagay na para na ring maituturing na tagumpay ang kanilang ginawa. Ang hindi lamang niya malaman ay kung bakit sa paningin ng kanyang Tita ay lumalabas na bigo sila sa nangyari.
6
Tanghali na nang maupo si Ramir sa kanyang opisina. Dinatnan na niya sa in box ang mga finger prints na kinuha sa apartment ni Maribeth. Nang makita ay kinuha iyon at muling lumabas ng opisina. Diretso siya sa laboratoryo kung saan nag-uupisina ang kanilang eksperto sa finger prints.
Iniabot niya ang hawak na prints mula sa apartment ni Maribeth. “Pakitingnan mo nga ito,” wika niya, “gusto kong malaman kung ang mga prints na ito ay may katulad doon sa kinuha sa truck na bumangga sa van ni Senate President. Meron kang prints na kinuha doon, hindi ba?”
Kinuha ng eksperto ang hawak ng Tenyente at mula sa pinagtataguan ang prints na buhat sa truck. Ipinasok ang mga iyon sa microscope at ilang sandaling sinilip. Nagtaas ito ng ulo mga ilang sandali ang nakaraan.
“Match ang prints na kuha sa truck at sa apartment.” Anang eksperto kay Ramir. “Prints ito ng dalawang tao, na ang ibig sabihin ang dalawang iyon ang may dala ng truck at sila rin ang naghalughog sa apartment.”
“Thank you...,” anang Tinyente, “markahan mo ang mga prints na iyan at itago, kakailanganin natin ang mga iyan sa darating na mga araw.” Pagkawika noon ay nagpaalam at saka umalis.
KAMU SEDANG MEMBACA
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
AksiAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (5 to 8)
Mulai dari awal
