Papaalis na sa kanyang opisina si Ramir nang tumunog ang telepono. Dinampot niya ang awditibo at saka nag-hello. Nagulat siya nang marinig ang tinig ni Maribeth.
“Paalis na ako,” singit niya sa pagsasalita ng dalaga, “medyo nga atrasado ako dahil may kaunting bagay ditong inasikaso ako na may...”
“Hindi naman ‘yon ang dahilan kung bakit ako napatawag.” Putol ng dalaga sa pagsasalita ni Ramir. “Tumawag ako para sabihing mayroong nanloob dito sa bahay samantalang ako’y wala.”
“Nanloob?!” Pasigaw na ulit ng binata. “Meron bang nawala?”
“Hindi ko pa alam. Nang makita ko kasi ay tumawag ako agad sa iyo. Hindi pa ako nagtse-check.” Paliwanag ng dalaga. “Hindi ba’t dapat na may tuminging pulis muna bago ko galawin ang anumang bagay dito.”
“Gan’un nga,” nawika ni Ramir, “tatawag ako ng mag-iimbistiga at pagkatapos ay tutuloy ako dyan.”
Sa kanyang paglabas ng silid ay sinabihan si Sofia na ipagbigay alam sa robbery section ang nangyari sa bahay ni Maribeth. Iniwan nito ang address ng dalaga at ibiniling kailangang makarating doon ang mga imbistigador sa lalong madaling panahon dahil hihintayin niya ang mga iyon..
Matapos ang pagbibilin ay agad nagtungo at kinuha ang kotse sa paradahan at minaneho iyon hanggang sa apartment ng dalaga. Nagmamadali itong pumasok sa apartment.
Nagulat siya nang makita ang nakakalat na kasangkapan at kung ano-ano sa sahig ng bahay. Halos lahat ng muebles at mga kabinet ay binuksan, hinalughog at inalisan ng laman. Hanggang sa dining room at kusina ay ganoon ang makikita. Para bang may hinahanap ang mga nagsipasok.
“Ano ang nangyaring ito?” Patanong na wika ni Ramir nang makitang nakaupo sa harap ng hapag kainan ang dalaga.
“Lalo kang magugulat kung makikita mo ang ginawa sa mga kwarto sa itaas.” Wika ng dalaga at saka tumayo para samahan si Ramir sa itaas.
Pumanhik ang dalawa. Nauuna ang dalaga, kasunod si Ramir. Nang marating ang unang silid at mabuksan ang pinto ay natambad sa binata ang nakakalat na damit, unan at kutson sa sahig. Nakabukas na lahat ang pinto at kahon ng kabinet at tukador.
“Hindi pagnanakaw ito.” Nasabi ni Ramir. “Meron silang hinahanap. May naisip ka ba kung ano ‘yun?”
Umiling ang dalaga. “Wala, wala akong alam.” Sagot niya.
“Doon tayo sa ibaba,” ani Ramir matapos sumilip sa ikalawang silid, “doon natin hintayin ang pagdating ng mga imbistigador ng robbery section.”
At ganoon nga ang ginawa nila. Habang naghihintay ay kumuha si Maribeth ng malamig na beer sa refrigerator at naupo silang kapwa may hawak na bote.
“Ang laptop mo, nakita kong nakabukas.” Ani Ramir sa dalaga. “Dinadala mo ba ‘yon sa opisina sa tuwing papasok ka?”
“Dinadala ko lang iyon kung may i-interview-hin ako.”
“Meron ka bang in-interview ngayong araw na ito?”
“Wala! Ang pinakahuling na-interview ko ay ang Presidente, several days ago.” Wika ng dalaga.
“Nakabukas ‘yon, ang ibig bang sabihin ay tiningnan nila kung ano ang laman niyan?”
“Maaari,” ani Maribeth na nag-iisip, “maaari ding gusto nilang malaman kung ano ang napag-usapan namin ni President sa aking interview sa kanya. Nakabukas kasi doon sa Presidents Interview na isinulat ko.”
Tumayong nag-iisip si Ramir. “Siguro nga’y gusto nilang malaman kung ano ang napag-usapan ninyo ng pangulo.” Mahina niyang wika. “Ano kaya ‘yon. May kinalaman kaya ito sa operation ‘mj’?”
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (5 to 8)
Start from the beginning
