“Alam mo namang ang iyong Tito ay Speaker lamang,” sa malungkot na tinig ay wika ni Solidad, “pang-apat siya sa hanay..., kaya malayong matupad ang aking pangarap kung hindi magagawan ng paraan.”
Ngumisi si Alipio. Parang nahiwatigan niya ang ibig mangyari ng kanyang tiyahin. At dahil sanay siya sa mga baluktot na gawain, ang ganoong mga bagay ay parang panghimagas lamang niya.
“Madaling gawan ng paraan ‘yan, Tita.” Wika ni Alipio na nakatawa.
“Madali?” Ulit ni Solidad.
“Para si Tito ang maging Pangulo,” nakatawa pa ring turing ni Alipio, “ay kailangang mawala ang Bise at ang Senate President, di ba?”
“Ang ibig mong sabihin ay...,” hindi natapos ang sasabihin ni Solidad dahil pinutol iyon ng pagsasalita ni Alipio.
“Iligpit ang dalawa....,” dugtong niya.
“Madaling sabihin, pero mahirap gawin.” Pahayag ni Solidad.
“Ibahin mo ako Tita.” Pagyayabang na wika ni Alipio. “Ang sabihin mo ay mangangailangan ito ng malaking halaga, baka hindi mo kayaning maibigay.”
Si Solidad naman ang natawa. “Hindi mo dapat isipin ang gastos. Nasa pwesto yata tayo. Basta gawin mo ang nararapat ako ang bahala sa pera.”
Tumayo si Alipio. “Sabi mo eh.., kaya ngayon din ay sisimulan ko ang tatawagin nating ‘operation 23’.”
“Aba, maganda ang ipinangalan mo ah,” ani Solidad, “kaya lang parang halatang-halata ang ibig sabihin. Wala na bang iba kang maisip?”
“Oh sige, gawin nating ‘operation mj’.”
“Mj? Ano ang mj?”
“Michael Jordan.., ang basketball player na 23 ang numero ng jersey.”
Natuwa si Solidad. “Oh sige, ‘operation mj’ ang itawag natin.”
Walang makitang pagkakamali si Solidad sa unang bahagi ng ‘operation mj’. Kaya binalikan niya ang nakaraang pangyayari.
Nalaman nila sa pamamag-itan ng isang mandurukot na naglalagi sa Rizal Avenue ang ang mga sumusunod: Ang tungkol sa ‘spy machine’, na sa pamamag-itan noon ay narinig ang usapan sa loob ng isang sasakyan tungkol sa balak na pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan, ang pagkakaalam ni Lery sa lahat ng iyon. Ayon sa kanilang impormante, ang lahat ay nalaman niya dahil sa kadaldalan ng imbentor na si Pepe. Dahil doon ay kinailangang patayin si Pepe at ang imbistigador na si Lery. Wala ring makitang pagkakamali si Solidad sa mga ginawang ito.
Tiyak ni Solidad na bagamat nakaligtas ang Vice President sa ambush na ginawa ni Alipio, ay masasabing matagumpay iyon dahil walang kahit isang ebidensiyang nakuha ang otoridad na makapagtuturo kung sino ang utak ng nasabing pangyayari. Ang paghahalughog sa tahanan ni Maribeth at ang pagbangga sa sasakyan ng Senate President ang dalawang bagay na gumugulo sa kanyang isipan.
Paano nalaman ng mga pulis na sina Antonio at Nomer ang nagsagawa noon? Maaaring dahil sa finger prints. Pero ang dalawang iyon ay hindi pa nabibilanggo, na ang ibig sabihin ay wala pa silang record sa pulisya, wala pa silang finger print na maaaring pagparisan. Paano natiyak na sila nga ang nagsagawa ng paghahalughog at pagbangga? Ito ang kailangan niyang alamin. At walang ibang makasasagot nito kundi ang kanyang pamangking si Alipio.
Kinuha ni Solidad ang kanyang cellphone at tinawagan si Alipio. “Kailangang magkita tayo ngayon din. Sa dating lugar.” Wika niya matapos marinig ang boses ng pamangkin.
Naupo si Ramir sa kanyang silya sa opisina. Kararating lamang niya mula sa Palasyo. Laman pa ng isipan ang nalaman tungkol sa taglay na sakit ng Pangulo. Ang taning na apat hanggang anim na buwan. Ilang buwan na lamang ang nalalabing araw sa buhay ng Pangulo.
Ngayong alam na niya ang tungkol dito at natitiyak na ito ang dahilan kung bakit tinangkang patayin si Vice President at Senate President, ang unang hakbang na dapat gawin ang kailangan niyang maiplano. Ang makikinabang, sakaling magawang mailigpit ang Pangalawang Pangulo, ay walang iba kundi si Speaker Salitre, sapagka’t ang Senate President, dahil sa amnesiang naging resulta ng pagkakaumpog ng ulo, ay nawalan ng karapatang maging Pangulo ng bansa. Pero, sa kabila nito, ay hindi niya maaaring ibintang na lahat ito kay Speaker. May posibilidad na ito’y kagagawan ng isang taong makikinabang sakaling maging Pangulo nga ang Speaker.
Kailangan niya ang katulong. Tinawagan niya si Det. Sgt Rey Ignacio na agad namang dumating.
“Tulad ng alam mo,” simula ni Ramir matapos umupo ang Sarhento, “ay galing ako sa Palasyo.”
Tumango lamang ang Sarhento kaya nagpatuloy si Ramir sa pagsasalita.
“Ibig kong makatulong ka sa kasong ito. At dahil sa ito’y isang maselan na bagay, inaasahan kong ang lahat ng tungkol dito ay mananatiling tayo lamang ang makaaalam. Ayos ba sa iyo ang gan’un?”
“Areglado..,” anang Sarhento, “dati naman nating ginagawa ‘yon, di ba?”
“Alam ko.” Sang-ayon ni Ramir. “Ngayon gusto kong malaman mo na may sakit nga ang Pangulo. Ilang buwan na lamang ang nalalabi sa kanyang buhay.”
Nabakas sa mukha ni Rey ang kalungkutan sa narinig na pahayag ni Ramir. “Gan’un ba?” Nasabi niya. “Kung gan’un ay tiyak na may kinalaman si Speaker sa lahat ng mga nangyayari?”
Tumayo si Ramir at lumakad na nag-iisip. “’Yun din ang unang pumasok sa aking isipan.” Pagtatapat niya sa kasama. “Pero nanaig ang hinala kong maaaring ito ay kagagawan ng ibang tao. Isang taong maaaring makinabang ng malaki kung si Speaker ang pumalit na Pangulo.”
“Ngayong sinabi mo ‘yan,” tumatangong sabi ng Sarhento, “ay parang namulat ang aking mga mata sa katotohanang sa ugali ni Speaker, na alam ng lahat, ay hindi siya makakaisip gumawa ng bagay na tulad ng iniisip ko.”
“Ako man ay gayon din.” Amin ni Ramir. “Kaya nga naisip kong ito’y malamang na kagagawan ng isang makikinabang kung siya ay maging Pangulo.”
“Totoo nga marahil ang iyong hinala.” Anang Sarhento. “Ngayon, ano sa palagay mo ang unang hakbang na dapat nating gawin?”
“Mayroong binanggit ang dalawang bihag natin na naghalughog sa apartment ni Maribeth sa utos ng isang nagngangalang Alipio Coronel. Siguro’y ang taong ito ang dapat nating matanong. Tiyak kong alam niya ang tungkol sa ‘operation mj’.” Paliwanag ni Ramir.
“Tama ka,” ayon ni Rey Ignacio, “pero alam mo ba kung saan natin siya makikita?”
“Ang address niya ay sa 73 Oroqueta Street, nalimutan mo na ba? Ikaw ang nagreport nito sa akin at sinabi mo pang siya ay pamangkin ni Solidad Salistre na asawa ni Speaker.”
“Naalala ko na, nalito kasi ako sa pangalan, ngayong banggitin mo na pamangkin siya ni Solidad Salistre ay naalala ko na..” Wika ni Rey na nagkakamot ng ulo.
Napatingin si Ramir sa kanyang kausap. “Malilimutin ka na pala, bunga iyan ng pagtanda.” Nakatawang biro nito sa kasama. “In the meantime,” dugtong nito, “ay magsama ka ng dalawang tao para madala dito si Alipio Coronel. Kailangan nating magtanong sa kanya ng tungkol sa ‘operation mj’. At papasukin mo dito ang isa sa tauhan natin bago kayo umalis.”
Lumabas si Rey at di nagtagal ay dumating si Benji.
“Pinatatawag mo raw ako.” Wika ni Benji nang maharap sa Tinyente.
“Oo,” sagot ni Ramir. “Gusto kong magpunta ka sa City Hall at alamin mo kung bukod sa 73 Oroqueta Street sa Sta Cruz ay may iba pang property dito sa lunsod si Speaker at ang kanyang asawang si Solidad Salistre.”
“’Yun lang?”
“’Yun lamang!”
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (5 to 8)
Start from the beginning
