Operation: 'MJ' (5 to 8)

Start from the beginning
                                        

“Masusunod kung yaon ang iyong gusto. Salamat at mag-ingat ka.” Wika ng Pangulo at iniabot ang kanan niyang kamay sa Tinyente.

Nagdaop-palad sila. “Paalam.” Ani Ramir bago yumuko ng pamamaalam sa mga naroon at saka tumalikod at lumakad palabas ng tanggapan ng Pangulo.

8                            

Sa mga oras na iyon, nang dumating si Alipio Coronel, ay agad sumunod sa kotse ang katulong na pinagbilinan ni Nomer matapos nitong maisara ang gate na bakal ng bakuran. Kaya pagbaba sa sasakyan ay hinarap niya ang katulong.

“Mayroon ka bang kailangan?” Paangil niyang tanong sa babaing katulong.

“Gusto ko lang pong sabihin ang bilin ni Sir Nomer.” May pangamba sa tinig na wika ng katulong.

“Bilin? Anong bilin?”

“Sabihin ko raw po sa inyong inaresto sila ng mga pulis.”

“Inaresto? Alam mo kung bakit?”

“Hindi po,” anang katulong, “pero nakita ko pong may papeles na ipinakita sa kanila bago sila pinosasan.”

“Gan’un ba? Sige salamat.” Wika ni Alipio at lumakad na papasok ng bahay.

Sa sala ng bahay ay ilang ulit na pabalik-balik itong naglakad na nag-iisip at bumubulong. “Bakit kaya? Ano ang dahilan? Saan kaya kami nagkamali?” Pauli-ulit na tanong sa sarili.

Di kaginsa-ginsa ay dinukot sa kanyang lukbutan ang cellphone. May numerong hinanap at saka tinawagan.

“Si Alipio ito.” Wika niya nang may sumagot sa kabilang dulo. “Inaresto daw sina Nomer at Antonio.”

“Alam mo kung bakit?” Tanong ng kanyang kausap.

“Hindi nga eh, sinabi lang sa akin ng katulong nang ako’y dumating.”

“Kailangang malaman natin kung bakit. Magpadala ka ng isang tao kung saan man sila dinala. Padalawin mo para malaman natin kung ano ang dahilan at sila’y inaresto.”

“Pero Tita, paano ko malalaman kung saan sila dinala?”

“Huwag mong sabihing ganyan ka ka-istupido...., umisip ka ng paraan. Huwag mo namang iasa sa akin ang lahat.”

“Sige Tita..., ako na ang bahala.”

“At Alipio..., umalis ka diyan. May kutob akong ikaw ang susunod nilang kukunin.”

“Bakit mo naman nasabi ‘yun?”

“Wala akong tiwala sa dalawa mong tauhang iyon. Tiyak na mahuhulog sila sa patibong ng pulis. Kaya hangga’t may oras ay umalis ka diyan. Huwag mong sasabihin kung saan ka naroon kangino man. Kahit na sa akin. Maliwanag ba?”

“Oo, Tita.” Ani Alipio at saka pinutol ang kanilang koneksyon.

Ibinaba ni Mrs. Solidad Salitre, asawa ng Speaker, ang hawak na cellphone sa center table sa sala ng kanilang bahay. Sumandal siya sa kanyang kinauupuan. Sa isip niya ay naglalaro ang maraming bagay na may kaugnayan sa sinabi ng kanyang pamangking si Alipio.

Bakit nga kaya naaresto ang dalawa nilang tauhan? Ano ang naging dahilan noon? May nagawa ba silang pagkakamali? Wala siyang maisip. Kaya isa-isa niyang binalikan ang mga pangyayari. Sinimulan niya iyon nang araw na naroon siya sa Doctor’s Medical Laboratory.

Nakaupo siya noon sa harap ng hapag ng kanyang duktor, na sa laboratoryong iyon nagsisilbi, nang makita niyang palabas sa pintuan ng gusali ang isang kakilala.

“Hindi ba si Dr. Atienza ‘yon? Tanong niya sa kanyang duktor.

Tinanaw ng kanyang duktor ang lalaking palabas sa pinto. “Oo, siya nga ‘yon.” Anito pagkatapos.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now