Tumango si Ramir. “Sang-ayon po ako sa sinabi ninyo.” Pahayag niya. “At alam ko pong dahil doon, ay maaaring ipaglihim sa publiko ang lahat ng bagay na sisira dito.”
Lumayong tila nag-iisip si Executive Secretary Arnulfo Lumiwag. Pumihit ito at muling hinarap ang kausap na Tinyente. “Gusto ko sanang hingin sa iyo na anuman ang mapag-usapan natin dito ay mananatiling sa atin lamang.”
“Handa po akong sumunod sa anumang gusto ninyong mangyari.” Pangako ni Ramir.
Tinapunan ng tingin ni Mr. Lumiwag si Pangulong Benipayo. “Kung ganoon ay aaminin naming mayroon ngang sakit ang Presidente. Cancer sa atay at tinaningan na ang kanyang buhay ng apat hanggang anim na buwan.”
Malungkot na tinanaw ni Ramir ang Pangulo. “Sorry po.” Wika niya at saka ibinaling ang paningin kay Mr. Lumiwag. “Marami po bang nakaaalam ng tungkol sa sakit na ito?” Muli niyang tanong.
“Sa pagkakaalam ko ay walang iba kundi ako, ang Pangulo, si First Lady at si Dr. Mario Atienza lamang. Hindi nga ako makapaniwala na ang mga tangkang pagpatay sa Vice President at Senate President ay may kinalaman sa pagkakasakit ng ating Pangulo.”
“Ngayong malaman kong may sakit nga pala si President Benipayo, ay lalong tumindi ang aking paniwalang yaon ang motibo kung bakit kailangang mawala ang dalawang mataas na pinuno ng ating bansa.” Pahayag ni Ramir.
“Talagang nasa isip mo na si House Speaker Salitre ang may plano ng lahat.” Ani President Benipayo.
“Hindi naman po gan’un,” ani Ramir naman, “maaari pong may ibang taong nagsasagawa nito na hindi alam ni Speaker. Maaaring isang kaibigang makikinabang kung maging Pangulo ang Speaker.”
“Pwede..., pwedeng mangyari.” Sang-ayon ni Exec. Sec. Lumiwag. “Ngayon ay alam mo na ang lahat.., siguro’y maaari na tayong maghiwa-hiwalay?”
“Kung maaari po sana,” pakiusap ng Tinyente, “naririto na rin lamang ako, ay kung pwedeng matanong ko na rin si Dr. Atienza at ang First Lady kung wala silang napagsabihan ng tungkol dito?”
Magsasalita pa sana si Exec. Sec. Lumiwag nguni’t hindi iyon natuloy dahil narinig niyang nagsalita ang Pangulo pindot-pindot ang buton ng intercom. “Linda, nariyan na ba si Doc.?”
“Nasa library po, hinihintay na matapos kayo diyan.”
“Papasukin mo siya dito at sabihan mo si First Lady na kailangan ko rin siya dito kaagad.”
“Ngayon din po.”
Hindi naman nagtagal ay nakarinig kami ng katok sa pinto. Binuksan iyon ng sekretarya at pinapasok ang First Lady at si Dr. Atienza.
Nagbatian ang lahat. Naupo ang dalawang bagong dating sa mga upuang itinuro ng Pangulo sa kanila matapos maipakilala si Ramir.
“Pinatawag ko kayo dahil may gustong itanong si Det. Lt. Ramir dela Serna sa inyo. Go ahead Tinyente.” Utos ng Pangulo.
“Gusto ko lamang pong malaman, mula sa inyo, kung may napagsabihan kayo ng tungkol sa sakit ng Presidente?” Tanong ni Ramir.
“Ako’y wala..., wala akong napagsabihan tulad ng ating kasunduan.” Maagap na sagot ni First Lady Rosita.
“Wala rin akong napagsabihan.” Wika naman ni Dr. Atienza. “Ang mga request nga for laboratory examination ay hindi ko nilagyan ng pangalan, puro case number lang ang inilagay ko.”
Tumayo si Det. Lt. Ramir dela Serna. “Kung gan’un,” sabi niya, “ay magpapaalam na ako. Marami pong salamat sa pagbibigay ninyo ng oras. Mula ngayon ay titiyakin kong makakatanggap kayo ng report tungkol sa kasong ito. Marami pong salamat Mr. President, First Lady, Executive Secretary, gayon din po sa inyo Dr. Atienza. At kung maaari po sana, ay hihilingin kong ipagpatuloy nating ilihim ang tungkol sa inyong sakit, at least, hanggang matapos ang kaso.”
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (5 to 8)
Start from the beginning
