Kinuha ni Maribeth ang susi ng apartment sa kanyang bag. Sandaling tumingin ito sa binata at saka nagwika. “Naalala ko....,ilang ulit kong nakita si Dr. Atienza na lumalabas sa opisina ng Pangulo. Nang tanungin ko ay sinabing regular check up lamang daw ni President ang kanyang ginawa.”
“Ngayon ay naghihinala ka na ring may sakit nga si President?”
“Nagkibit ng balikat ang dalaga. “Ewan ko.” Wika niya at saka ipinagpatuloy ang pagbubukas sa pinto.
Iksaktong alas otso ng umaga nang dumating si Ramir sa opisina ni President Gabriel Benipayo. Pinaupo siya ng private secretary ng Pangulo. “Darating na siya at ang Executive Secretary..., maghintay lang kayo sandali. Can I offer you something..., a cup of coffee?”
“No, thank you. Don’t bother..., I am alright!”
Tumalikod ang sekretarya para bumalik sa kanyang mesa, at bago pa ito makaupo sa kanyang luklukan ay tumunog ang intercom. “Narito na kami.., papasukin mo na siya.”
Hindi na hinintay ni Ramir na sabihan siya ng sekretarya, tumayo na siya at lumakad patungo sa pinto ng opisina ng Pangulo. Binuksan ng sekretarya ang pinto bago pa marating iyon ng Tinyente.
“Det Lt. Ramir dela Serna ng Manila Police Department.” Anang sekretarya at binigyan daan si Ramir para pumasok.
“Good morning Mr. President..., Mr. Secretary.” Bati ni Ramir sa dalawang opisyal ng pamahalaan.
“Good morning!” Tugon ng Pangulo. “Please sit down.”
Naupo si Ramir sa itinurong silya sa kanya. Matapos maiayos ang sarili sa upuan ay saka nagsalita. “Hiningi ko ang panayam na ito dahil sa paniwalang makatutulong kayo sa pagresulba sa kasong hawak ko sa kasalukuyan.” Wika niya na nakatingin sa Pangulo.
Tumingin ang Pangulo sa kanyang Executive Secretary bago nangusap. “Anong kaso ang sinasabi mo?”
“Ang tungkol po sa ‘operation mj’ na pinaniniwalaang may kaugnayan sa tangkang pagpatay sa Bise Presidente at Pangulo ng Senado.” Paliwanag ng binatang Tinyente.
Ang Executive Secretary naman ang sumulyap sa Pangulo bago nagsalita. “At ano naman ang tulong na inaakala mong makapagbibigay liwanag sa kaso?” Tanong nito.
Hindi agad sumagot si Ramir. Mula sa Executive Secretary ay inilipat niya ang kanyang paningin sa Pangulo. “Gusto ko pong alamin kung may sakit kayong itinatago sa kaalaman ng publiko?”
Sumandal ang Pangulo sa kanyang upuan. Huminga ito ng malalim. Sa halip na sagutin ang katanungan ng Tinyente ay ipinukol ang paningin sa kanyang Executive Secretary na noon ay tumayo at lumapit kay Ramir.
“Bakit mo naman nasumpungang itanong kay President kung siya ay may sakit?” Usisa nito kay Det. Lt. dela Serna.
Si Ramir naman ang huminga ng malalim. “Itinanong ko po ‘yon dahil naniniwala akong ‘yun lamang ang maaaring maging motibo sa tangkang pagpatay sa Senate President at kay Vice President.”
Napatayo ang Pangulo sa narinig na sinabi ng Tinyente. Lumapit ito sa kinauupuan ni Ramir. “Ang ibig mong palabasin,” halos pabulong na wika nito, “ay si Speaker ang nasa likod ng lahat ng ito?”
“Wala po akong sinabi o’ ipinahiwatig na ganoon.” Sagot ni Ramir. “Pero posible pong mangyari ang tinuran ninyo.”
Bumalik ang Pangulo sa kanyang upuan. Mula doon ay tumingin siya sa kanyang Eecutive Secretary. “Ano sa palagay mo,” wika niya, “ito na ba ang oras?”
Sa halip na sagutin ang Pangulo ay si Ramir ang hinarap ng Executive Secretary. “Isang maselan na bagay ang gusto mong malaman. Alam mo bang ang ekonumiya ng bayan ay nakasalalay sa pagpapalakad ng pamahalaan? Na kung maayos ang kalagayan ng namamahala ay maayos din ang magiging takbo nito?”
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (5 to 8)
Start from the beginning
