Chapter 19

18.1K 295 12
                                    

Chapter 19

Luna

Nag-abang ako ng bus sa labas ng mall.

     Pero ang sabi noong isang konduktor ay nakaalis na raw ‘yung bus na hinihintay ko. Tiningnan ko ‘yung cellphone ko. Four o’ clock PM na pala. Kaya naman pumunta nalang ako doon sa may crossing para mag-abang ng jeep.

     Sa kamalas-malasan naman ay bigla nalang umulan. Wala pa naman akong dalang payong. Nakita kong nagtakbuhan ‘yung mga tao papasok sa mga tindahan at mga bahay nila. Nakakita ako ng isang tindahan. Tumatakbo ako papunta doon para makisilong noong may naramdaman akong humatak sa akin papasok sa isang eskinita.

     Naramdaman kong may panyong tumakip sa bibig ko. Nakakita ako ng dalawang lalaki na hindi ko naman kilala. Tinapakan ko ‘yung paa noong lalaking may hawak ng panyo sa may likuran ko.

     “Ugh!” ungol niya. Napabitaw siya sa pagkakahawak sa akin. Sinubukan akong hawakan noong isang lalaki sa harapan ko pero nakayuko ako at agad na tumakbo palabas ng eskinita.

     Ang bilis-bilis ng tibok ng puso ko. Kinuha ko kaagad ‘yung cellphone ko at saka binuksan ‘yung call log ko. Agad kong tinawagan ‘yung kauna-unahang number na nakalista. Hindi na ko nagdalawang-isip pa kahit na siya pa ‘yung tawagan ko.

     Patingin-tingin ako sa likod habang hinihintay ko ‘yung pagsagot niya. Hindi ako sinundan noong mga lalaki pero natatakot pa rin ako. Kailangan kong makalayo.

     “Sagutin mo, please,” pagmamakaawa ko.

     Pagkaraan ng ilang segundo ay may sumagot sa kabilang linya.

     [Oh?]

     “Jessie?” hinihingal na sabi ko. “Tulungan mo ko. May mga lalaking humahabol sakin!”

      [Huwag ka ngang mag-imbento diyan. Ibababa ko na ‘to.]

     “Huwag!” sigaw ko at pakiramdam ko ay maiiyak na ko. “Huwag! Please! Nandito ako malapit sa may crossing ng SM! Please, tulungan–AH!” Nabitawan ko ‘yung cellphone ko at nahulog iyon sa lupa.

     Hindi ko namalayan ‘yung susunod na nangyari dahil naramdaman ko na lamang na may isang paris ng kamay na nakahawak sa magkabilang braso ko. Hinila nila ulit ako papasok sa isang eskinita at muli nilang tinakpan ng panyo ang bibig ko.

     “Akala mo matatakasan mo kami?” sabi noong isang lalaking may kaunting balbas sa mukha niya.

     Nagpupumilit akong kumawala sa pagkakahawak niya. Hindi rin naman ako makasigaw dahil tinatakpan noong isang lalaki ‘yung bibig ko. Naramdaman kong kinakaladkad nila ako papasok sa loob ng eskinita. Itinatali noong isang lalaki ‘yung parehong kamay ko.

     At dito na nga nagsimulang tumulo ‘yung mga luha ko. Hindi ko sila malabanan. Ang lakas nila. Ang akala ko ay wala na akong pag-asa. Pero pagkaraan ng ilang sandali ay biglang nawala ‘yung panyo na tumatakip sa bibig ko. Napaupo ako sa semento.

     Nakarinig ako ng mga kalabog, ng mga sigaw at ng suntukan. Sinubukan kong umupo ngunit nahihirapan ako dahil magkatali ‘yung parehong kamay ko.

     “Shit!” Narinig ko ‘yung pagtakbo noong dalawang lalaki. May naaninag akong pigura ng tao sa gitna ng malakas na ulan. Lumapit siya sa akin. Lumuhod siya sa harapan ko at inalis ‘yung tali sa mga kamay ko.

     “Jessie,” mahinang banggit ko sa pangalan niya.

     “Sorry,” sabi niya. “Sorry kung hindi ako naniwala agad.” Pagkatapos noon ay bigla niya akong niyakap. Humigpit ‘yung pagkakahawak ko sa tela ng polo niya.

     “Salamat, Jessie,” bulong ko habang nakapatong ang mukha ko sa dibdib niya. Kasabay ng pagbuhos ng ulan ang pagtulo ng mga luha ko. Pakiramdam ko ay ligtas ako ngayon dahil kasama ko si Jessie. Pakiramdam ko ay protektado ako.

     Naramdaman ko ang kamay ni Jessie sa ulo ko at ang mahina niyang bulong. “Let’s get you home.”

My Drummer Boy [AVAILABLE IN ALL BOOKSTORES NATIONWIDE!]Where stories live. Discover now