Operation: 'MJ' (1 to 4)

Mulai dari awal
                                        

“’Yun lang, sir?”

“’Yun lang.”

At umalis si Dante.

Makakain ng tanghali ay lumabas si Ramir. Babalik siya upang muling kausapin ang asawa ni Pepeng si Lolita. Mayroon siyang karagdagang impormasyong nais na malaman.

Lumabas siya ng opisina at nagtuloy sa likod ng building kung saan naroon ang parking area. Sumakay sa kotse at marahang pinatakbo iyon papalabas sa kalsada. Sandali siyang huminto sa bukana ng kalsada para padaanin ang ilang kotseng nagyayaot doon. Nang maging maaliwalas ang daan ay saka lamang siya pumagitna.

Dalawang lalaki ang natanaw niyang nagmamadaling sumakay sa kanilang kotse na nakaparada sa kabila ng daan. Noong una ay hindi niya pinansin ang mga iyon. Pero nang makita niyang nasa kanyang likod ang mga iyon ay nagkaroon siya ng masamang kutob. At para masiguro na siya ay sinusundan ay iniliko niya ang kotse ng ilang ulit. Noon niya natiyak na siya’y sinusundan ng mga lalaking sakay ng kotse.

Dahil doon ay inihinto niya ang kanyang sasakyan sa isang tabi. At nang lumagpas sa kanyang sinasakyan ang sumusunod na kotse, ay kinuha niya’t inilista ang plate number noon. Bumaba siya at nagkunwang may sinisilip sa mga goma, alam niya kasing minamasdan siya ng dalawang lalaki. Muli siyang sumakay at nagpatuloy sa kanyang lakad.

Pagdating sa tahanan ni Lolita, ang tanging ginawa ni Ramir ay hiramin ang spy machine na ginawa ni Pepe. Alam niyang pagdating ng araw ay kakailanganin niya iyon bilang ebidensya, kaya’t nais niyang maitago iyon bago mapabayaan.

Nang siya ay magbalik sa kanyang tanggapan ay napansin niyang kasunod pa rin ang dalawang lalaki.

3

Kapulong ng Pangulo sa kanyang tanggapan sa Malacanan ang kanyang pribadong duktor na si Mario Atienza at ang Executive Secretary na si Arnulfo Lumiwag ng araw na iyon. Makikita sa mukha ng Pangulo na may dinadala itong malaking suliranin.

“Noong wala pa sa atin ang resulta ng medical examination, ay pumayag akong ilihim natin sa lahat ang bagay na ito.” Anang Pangulo. “Pero ngayong narito na at tiyak na natin ang lahat, ay wala akong makitang dahilan para ipaglihim ito, lalo na sa bise presidente.”

“Alalahanin mo,” katwiran naman ni Secretary Arnulfo Lumiwag, “na ang vice president ay hindi natin kapartido. Sa palagay ko’y sapat na dahilan iyon para ilihim sa kanya ang lahat.”

Pumalatak ang Pangulo. “Pero hindi ba dapat na malaman niya ang programa natin para sa bayan ng yaon ay maipagpatuloy niya kung sakali.”

Ilang hakbang ang ginawa ni Secretary Lumiwag paikot sa harap ng hapag ng Pangulo na nag-iisip bago huminto at nagwika. “Siguro’y dapat pa nating bigyan ng mga ilang araw na pag-iisip ang maselang bagay na ito bago tayo magpasiya. Ang iniiwasan ko ay baka kung malaman ng marami ang tungkol dito ay magkaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa.”

“Ano sa palagay mo dok?” Tanong ng Pangulo sa kanyang manggagamot.

Nagkibit lamang ng balikat ang duktor. “Hindi ako makapagkumento ng tungkol diyan. Sa palagay ko’y kayong dalawa ang dapat magdesisyon.”

“Mayroon pa ba tayong oras para maghintay?” Muling tanong ng Pangulo.

“Oo naman,” sagot ng manggagamot, “tatlo hanggang apat na buwan siguro.”

“Mahaba pa pala ang panahon. Maghintay tayo.” Pawakas na wika ng Pangulo.

Doon natapos ang kanilang pagpupulong. Sabay lumabas ng silid si duktor Atienza at Secretary Lumiwag. Inihatid ng sekritaryo ang manggagamot hanggang sa ibaba ng Palasyo. Sa ibaba, habang hinihintay ang pagdating ng sasakyan, ay dumaan ang ilang reporter kabilang si Maribeth.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang