“Sinong inbentor?”
“Jose Martires ang pangalan niya.”
“Parang narinig ko na ang pangalang iyan.”
“Siguro nga,” sang-ayon ng binata, “siya kasi yaong napatay na lighter repairman.”
“Natatandaan ko na.” Amin ni Maribeth. “Siya yaong tinamaan ng ligaw na bala.”
“Siya nga.”
“Pero wala akong naririnig tungkol sa assasination.”
Muling uminom ng beer si Ramir. “Basta talasan mo lang ang iyong pandinig.” Wika niya. “Sa palagay ko, hindi magtatagal ay meron kang maririnig tungkol doon.”
“Bayaan mo’t gan’un ang gagawin ko.” Pangako ng dalaga. “Ngayon siguro ay oras na para tayo kumain, maaga pa akong aalis bukas.”
Naroon na at naghihintay ang ilang detektib sa tanggapan nang dumating si Ramir. Bumati ang lahat sa kanya na ginantihan naman niya ng ngiti. Sumunod sa kanyang pagpasok sa opisina ang lahat, alam nila kasi na sa conference room kadalasan ginagawa ang mga miting.
Bago pumasok sa conference room si Ramir ay nagbilin muna siya sa kanyang sekretaryang si Sofia. “Magpadala ka ng request by fax sa LTO. Hingin mo ang listahan ng mga kongresistang mayroon pulang sasakyan na may plakang otso.” Wika niya. “Sabihin mong ito’y kailangan natin urgently.”
Pagka wika noon ay pumasok sa conference room na kalapit lamang ng kanyang opisina. Limang detektib ang nakaupo sa palibot ng isang mahabang hapag.
“Good morning gentlemen.” Bati niya bago naupo sa dulo ng mesa. “Inipon ko kayo dahil sa kaso ni Lery.” Simula niya. “Alam naman ninyong lahat na siya ay pinatay ng walang kalaban-laban at in line of duty. Ibig kong matulungan ninyo ako para mabigyan ng katarungan ang kanyang pagkamatay sa lalong madaling panahon.”
“Handa kami sir, sabihin lamang ninyo kung ano ang dapat naming gawin.” Wika ni Rudy na sinang-ayunan naman ng kanyang mga kasamahan.
“Sa ngayon ay tatlong tao pa lamang ang aking kailangan.” Aniya at inikot ang kanyang paningin sa mga naroon. “Kung sino sa inyo ang merong bakanteng oras sa araw na ito ang siya kong kailangan.”
Nagtaas ng kamay ang tatlo sa limang naroon.
“Kung gan’un, kayong tatlo ang tumulong sa akin sa araw na ito. Kayong dalawa”, at itinuro ang dalawang hindi nagtaas ng kamay, “ay pwede ng bumalik sa inyong mga assignment. Tatawagan ko lang kayo sa mga susunod na araw.”
Tumayo ang dalawa at lumabas ng conference room. Naiwan sina Benji, Roland at Dante.
“Ang gusto kong gawin ninyo, Benji at Roland, ay magtungo sa Rizal Avenue, malapit sa Carriedo, at bantayan ninyo ang mga sasakyang nagdaraan doon. Ibig kong malaman kung ilang kotseng may plakang otso at kulay pula ang dumaraan doon. Itala ninyo ang modelo ng kotse, kung anong oras dumaan at saan ang dereksyon. Pumwesto kayo sa magkabilang panig ng daan. Maliwanag ba?”
“Hanggang anong oras mo kami ibig na magtagal doon?” Tanong ni Benji.
“Ayon sa nalaman ko ay mga alas diyes ng umaga ng magdaan doon ang naringgan ni Pepeng nag-uusap. Hindi ko lang matiyak kung bumalik ng badang hapon. Basta dumoon kayo hanggang alasingko ng hapon. Doon na kayo manggaling papauwi.”
“Kung ganoon ay lalakad na kami.”
“Oo and good luck!” Wika ni Ramir sa dalawa at nang ang mga iyon ay makaalis ay saka lamang hinarap si Dante.
“Ang gusto kong gawin mo,” wika niya, “ay magpunta ka rin sa Rizal Avenue. Ang sabi ng mga nakakita ay maraming putok daw ang ginawa ng nakamutor na patungong Jones bridge. Kaya ibig kong tingnan mo ang mga building doon sa kabilang panig ng Rizal Avenue. Hanapin mo kung saan tumama ang mga bala, baka may makuha pa tayong tingga doon na makukunan ng ballistics.”
ESTÁS LEYENDO
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
AcciónAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (1 to 4)
Comenzar desde el principio
