“Narito ba kayo nang mangyari ang sakuna?”
“Opo, narito ako. Nasabi ko na nga sa isang pulis na naunang nagtanong ng tungkol doon.”
“Ah, nakausap na pala kayo ng ibang pulis.”
“Gan’un nga Tenyente, kaya siguro ay tanungin na lang ninyo ang inyong kasamahan.”
“Si Pepe, wala ba siyang naikukwento sa inyo bago ‘yung sakuna?” Muling tanong ni Ramir.
“’Yun lang tungkol sa kanyang iniimbentong spy machine kung tawagin niya.”
“Pwede bang sabihin mo sa akin kung ano ang ikinwento niya tungkol doon?”
Nagkamot ng ulo at tumayo ang kausap ni Tenyente. “Meron daw kotseng pula sa banda roon,” at itinuro ng kausap ang isang bahagi ng kalsada na may layong mga tatlumpong metro mula sa sinabing pwesto ni Pepe. “Narinig daw niya na nag-uusap ang dalawang lalaki tungkol sa balak na pagpatay sa mataas na pinuno ng gobyerno.” Nagkibit ng balikat ang kausap ni Tenyente bago nagpatuloy. “Alam kong nakakarinig nga ang imbento niya, pero hindi ako naniniwala sa kanyang sinabi.”
“Tungkol sa pagkakapatay sa kanya, narito ka rin ba nang mangyari ‘yon?”
“Narito, mas marami ngang putok ang ginawa noong papunta sa Jones bridge kaysa doon sa nasa kabila. Parang isang putok nga lang yata ang tanda ko.” Paliwanag ng kasama ni Pepe. “Pero nasapul pa si Pepe, pambihira.”
“Salamat,” at inilahad ni Ramir ang kanyang kanang kamay. Nagkamay sila. “Malaking bagay ang sinabi mo sa akin. Salamat uli at paalam.”
Pagkawika noon ay bumalik sa kanyang opisina. Ipinagbilin sa sekretarya na gusto niyang makausap kinabukasan ng umaga ang lahat ng kanyang tauhan.
“Sabihin mong hintayin nila ako bago sila magsialis.” Wika niya at muling lumabas ng opisina.
Madilim na ang gabi nang iparada ni Ramir ang kanyang kotse sa tapat ng isang apartment. Madalas siya sa apartment na iyon dahil doon nakatira ang kanyang mahal na si Maribeth Kapulong, isang political reporter ng pahayagang Bagong Silahis na nakatalaga sa Malacanan.
Sa unang timbre pa lamang ay nabuksan agad ang pinto ng apartment at sumalubong sa kanya ang magandang si Maribeth. “Medyo atrasado ka yata ngayon. Marami bang trabaho?” Anang dalaga bago idinampi ang halik sa kanyang pisngi.
“Naatraso lang ako ng dahil sa traffic.” Sagot ni Ramir. “Bakit, kangina ka pa ba?”
“Nakapaligo na nga ako, eh.” Malambing na sagot ng dalaga.
“Kaya pala kay bangu-bango mo.” Ani Ramir habang sila’y lumalakad papasok. “Ako’y amoy pawis pa, kaya huwag kang masyadong lumapit sa akin.”
Tumawa si Maribeth at saka yumakap ng mahigpit. “’Yun nga yatang amoy ng pawis mo ang nagustuhan ko,eh. Game ako basta isang araw lang na hindi naliligo.., pag lagpas doon ay sorry na lang.” At saka humalakhak.
“Salbahe!” Tanging nasabi ni Ramir.
Sa kusina sila nagtuloy at kumuha ng malamig na serbesa sa refrigerator bago naupo sa sa silyang nakapalibot sa dining table. Ganoon ang gawi nila habang naghihintay sa oras ng pagkain. Halos gabi-gabi ay naroon si Ramir. Kapwa kasi silang naninirayan ng solo dito sa siyudad. Ang pamilya nila ay sa probinsya naroroon.
Matapos basain ng beer ang kanyang lalamunan ay nagtanong si Ramir sa kasintahan.
“Wala ka bang naririnig sa palasyo tungkol sa assasination plot?” Wika niya na ikinagulat ng dalaga.
“Ha?! Ano ang sabi mo?” Nandidilat ang mga matang tanong ng dalaga kay Ramir.
“Meron akong kasong iniimbistigahan,” paliwanag ng binata, “na nagsimula nang may marinig ang isang inbentor sa kanyang machine ng tungkol sa isang assasination plot. Kaya ganoon ang naitanong ko sa iyo.”
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (1 to 4)
Start from the beginning
