Operation: 'MJ' (1 to 4)

Start from the beginning
                                        

“Ayun sa likod ang spy machine at ang mesang pinagtatrabahuhan niya. Kayo na ang bahalang tumingin. Narito lamang ako kung meron kayong ibig itanong.”

“Salamat.” Wika ng Tenyente, tumayo ito at lumapit sa mesang itinuro sa kanya.

Masinop ang pagkakaayos ng mesa. Sa ibabaw noon ay nakapatong ang isang aluminyung tila nakatagilid na palanggana na may suportang poste. Ang aluminyo ay naigagalaw ng pataas, pababa, pakaliwa at pakanan. Sa gitna noon ay mayroong maliit na mikropono na konektado naman sa isang headphone. Mayroong switch at baterya na nakalagay sa posteng humahawak sa palanggana.

Naupo si Ramir sa silyang naroon. Inilagay sa kanyang taynga ang headphone, inilagay ang switch sa on at saka pinaikot-ikot ang aluminyong palanggana. Narinig niya ang boses ng mga batang naglalaro. Tumayo siya at tinanaw sa bintana ang mga naglalarong bata sa bangketa. Sa kanyang kalkula ay may mga apatnapu hanggang limampung metro ang layo ng mga bata. Pinatay niya ang switch at inalis ang headphone sa kanyang taynga. Muli siyang naupo.

Wala siyang makitang maaaring pakinabangan sa mga nakasabit na kagamitan kaya binuksan niya ang kahong nasa kanyang harapan. Maraming papel doon na kanyang inilabas. Isa-isa niya itong iniksamin. Isang papel ang tumawag sa kanyang pansin. Nasusulatan iyon ng ‘red—8—calapan’ at sa bandang ibaba ay ang mga letrang ‘OPN-MJ’. Maliban doon ay wala na siyang nakita na nagkaroon siya ng interes.

Tumayo siya at nagpaalam sa biyuda ni Pepe. Inihingi niya ng pahintulot na madala ang papel na kinasusulatan ng OPN-MJ at ipinangakong ipagbibigay alam ang anumang kalabasan ng ginagawang imbistigasyon. Bagay na ikinagalak ng maybahay ni Pepe.

2

Pagdating sa kanyang tanggapan ay tinawag ni Det. Lt. Ramir ang sekretarya at pinakuha ang file ng napatay na si Jose Martires. Ibig niyang malaman ang buong kwento tungkol sa pagkakapatay kay Pepe.

Sa mga isinulat doon ni Det.Lery Montes, na siyang may hawak ng kaso, ay napag-alamang ayon sa mga nakakita ay ligaw na bala ang pumatay kay Pepe. Nakita, di umano, ng mga nakasaksi na may dalawang motorsiklo na tumatakbo sa magkabilang panig ng Rizal Avenue. Nang magkatapat ay pinaputukan ng patungo sa blumentrit ang sakay ng pa Jones bridge. Pero hindi iyon tinamaan, sa halip ay kay Pepe tumama ang bala. Nilagyan ni Lery ng question mark ang bagay na iyon, siguro dahil hindi ito naniniwalang hindi tinamaan ang patungo sa Blumentrit samantalang automatic ang baril na pinaputok ng pa Jones bridge.

Nasusulat din doon ang mga bagay na nalaman niya tungkol sa spy machine. Ang wala doon ay ang nakita niyang papel kung saan nakasulat ang salitang red, ang numero otso at ang salitang calapan. Nakasulat din doon ang maaaring tinutukoy na presidente, ang presidente ng bansa, bise presidente at presidente ng senado. Naroon din ang tungkol sa anyaya niya kay Ben de Castro.

Matapos basahin ang file ni Pepe ay tumayo si Ramir at lumabas ng opisina. Pupunta siya sa Rizal Avenue kung saan nagre-repair ng lighter si Pepe. Gusto rin niyang magtanong sa mga kasamahan nito, baka sakaling sa ganoong paraan ay may malaman siyang makatutulong sa pagresulba sa misteryong bumabalot, hindi lamang sa pagkamatay ni Pepe kundi gayon din ng kay Lery.

Isinampa ni Ramir ang kanyang kotse sa bangketa at saka bumaba. Lumapit siya sa isang lighter repair man na nasa isang tabi.

“Magandang hapon po.” Bati niya na ikinataas ng ulo ng lalaki.

“Magandang hapon naman.” Wika ng lalaki. “Meron ba kayong ipagagawa?” Tanong nito.

“Ah, wala,” sagot ni Ramir at ipinakita ang kanyang tsapa sa kausap, “ako si Det. Lt. Ramir, gusto ko lang magtanong tungkol kay Pepe. Kilala mo ba siya?”

“Si Pepeng nadisgrasya ba ang tinutukoy ninyo?”

“Siya nga. Saan ba ang pwesto niya?”

“D’yan sa kabilang bloke.” At itinuro ang pwestong nasa kanyang kaliwa.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now