Operation: 'MJ' (1 to 4)

Comenzar desde el principio
                                        

Bumalik sa kanilang mesa si Ben. Nagulat siya nang makitang nakahandusay ang duguang si Lery. Agad niyang nilapitan ito at pinangko. May tama si Lery sa kaliwang balikat. Binuhat niya ito kapagdaka at bago umalis ay pinagbilin na huwag galawin ang anuman doon hangga’t hindi dumarating ang mga inbestigador na pulis.

Isinakay ni Ben si Lery at matuling pinatakbo ang kanyang kotse. Habang nagmamaneho ay tumawag siya sa Homicide Section at sinabi ang nangyari. Binanggit din niya ang kanyang ginawa at kung saan niya balak dalhin si Lery.

Sa restaurant ay walang nakita si Det. Lt. Ramir kundi ang mga nakatumbang silya, mesang nawala sa lugar at mga basag na plato at poswelo. Basa ng kape ang sahig at ng dugo ang lugar na kinatumbahan ni Lery.

Nalaman ni Det. Lt. Ramir na ang bumaril ay isang lalaki na nakamaong na pantalon at jacket na itim. Na matapos ang pagbaril ay agad itong tumalilis at sumakay sa naghihintay na motorsiklo. Walang nakakuha sa plate number ng mutor na ginamit sa pagtakas.

Umalis si Ramir sa restaurant matapos kunin ang lahat ng impormasyong iyon at maibilin sa ibang kasama ang mga dapat pang isagawa. Nagtuloy siya sa ospital na pinagdalhan kay Detektib Lery.

Mayroon pang buhay si Lery nang dumating si Ramir. Mahigit ng isang oras ito sa recovery room nang siya ay dumating. Hinintay niyang mailabas at madala ang pasyente sa kanyang silid, at matapos makaalis ang mga hospital aide na tumulak sa kama at ang nurse na nag-ayos ng mga instrumento, ay saka siya lumapit..

“Kumusta ka?” Mahinang tanong ni Ramir.

Nagmulat ng mga mata si Lery at nang makilala ang nagtanong ay nagsalita ito. Mahina ang boses kaya’t kinailangan pang ilapit ni Ramir ang kanyang taynga sa bibig ng pasyente.

“Operation mj..., operatio..” Nawala ang boses ni Lery. Tumunog ang nakakabit na instrumento.

Napasigaw ng malakas si Ramir. “Dok..,” Tawag niya. “Dok ang pasyente!”

Nabuksan ang pinto at patakbong sumugod ang isang duktor at ilang nurse. Agad na nagsikilos ang mga iyon para sagipin ang pasyente sa kamatayan. Pero matapos ang ilang sandali ay nagsihinto sila. Wala ng buhay si Lery. Ni hindi na nahintay nito ang pagdating ng kanyang asawa.

Malungkot na nilisan ng Tenyente ang silid na kinalalagyan ni Lery. Sa labas ay nasalubong niya ang asawang lumuluha. Alam niyang ang pagluhang iyon ay dahil sa tinanggap na balitang nabaril si Lery. Ano kaya ang mangayayari kung malaman niyang ang asawa ay wala ng buhay. Ayaw niyang sa kanya manggaling ang balita at lalong hindi niya gustong makita kung ano ang gagawin ni Mercy.

Hindi niya binati si Mercy, nagkunwa siyang hindi ito nakita. Patuloy siyang lumakad papalayo sa silid na kinalalagyan ni Lery. Pumasok doon ang asawang si Mercy, at hindi nagtagal ay narinig ni Det. Lt. Ramir ang palahaw ng isang babae.

Hinintay ni Det. Lt. Ramir dela Serna na madala sa huling hantungan ang bangkay ni Lery bago niya dinalaw ang asawa nitong si Mercy. Nalaman niya mula kay Ben kung bakit sila nagkita ni Lery sa restaurant. At dahil doon, ay ibig niyang malaman kung may alam si Mercy ng tungkol sa assasination plot.

“Tuloy ka,” anyaya ni Mercy ng dumimbre si Ramir. “Nadalaw ka?”

“Oo,” sagot ng Tenyete at sumunod sa paglakad ni Mercy papasok ng bahay. “May ilang bagay kasi akong gustong itanong sa iyo.”

“Dito tayo sa sala.” Anang asawa ni Lery. “Maupo ka.”

Matapos maupo ay hinarap ni Ramir si Mercy. “May alam ka ba kung bakit nakipagkita si Lery kay Ben?” Tanong niya.

“Siguro ay dahil doon sa sinabi sa kanya ni Pepe.” Sagot ni Mercy.

“Sinong Pepe?” Muling tanong ni Ramir.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezDonde viven las historias. Descúbrelo ahora