“Tapos na ba ang mga ipinagawa ko sa iyo?” Tanong ni Ramir matapos maupo ang Sarhento.
“Oo, tapos na.” Wika ng Sarhento. “Ang dalawang heneral ay kapwa nagretiro na. Ang isa ay nasa over-seas at ang isa naman ay nasa Mindanao, inaasikaso ang maliit niyang bakahan doon. Ang logger naman ay wala na dito, bumalik na sa Malaysia, isinara na ang kanyang operation dito sa atin. Kaya sa palagay ko ay zero tayo sa anggulong ito.”
“Okay lang,” wika naman ni Ramir, “ang mahalaga ay na-check natin ang anggulo. Ngayon ang gusto kong gawin mo ay alamin kung sino ang nakatira sa 73 Oroqueta Street sa Sta Cruz. Alamin mo ang pangalan, trabaho at lahat tungkol sa taong ito. Sa palagay ko’y may malaki siyang nalalaman tungkol sa pagkapatay kay Jose Martires ang lighter repairman at Det.Lery Montes.”
“May kinalaman sa pagkakapatay kay Lery, ha?” Ulit ng Sarhento. “Bayaan mo, aalamin ko.”
“At saka, kung magagawa mo ay gusto kong malaman kung ang kotse doon ay aircon o’ hindi.” Pahabol na bilin ni Ramir.
Bilang sagot ay nag-thumbs-up ang Sarhento.
Ipinarada ni Det. Sgt. Rey Ignacio ang kanyang sasakyan sa paradahan sa dulo ng City Hall. Nilakad niya ang distansiya mula sa paradahan hanggang sa mga bintanilya ng treasury department kung saan nagbabayad ang mga tao ng kanilang obligasyon sa gobyerno. Lumapit siya sa bintanilyang may karatulang nagsasaad ng ‘real property tax’.
Hinintay niyang matapos pagsilbihan ang dalawang tao na nauna sa pila. At nang siya na ang nasa harap ay dinukot ang wallet at ipinakita ang kanyang tsapa.
“Meron akong iniimbistigahang kaso,” wika niya sa babaing nasa bintanilya, “at gusto kong malaman ang pangalan ng taong may-ari ng bahay sa 73 Oroqueta Street sa Sta Cruz.”
Matapos titigan ang tsapang ipinakita ay saka lamang nagsalita ang babae. “Sandali lamang,” anito at ilang sandaling pumindot sa kaharap na keyboard. Inimpreta ang lumabas sa monitor at matapos kunin ay iniabot sa Sarhento.
Sandaling tinunghayan ni Rey Ignacio ang iniabot na papel sa kanya bago nagpasalamat at lumakad na pabalik sa kanyang sasakyan. Doon niya tinapos ang pagbabasa sa hawak na papel. Solidad Salitre ang pangalang nakatala doon.
Nasa kanya na ang pangalan ng taong may-ari ng bahay sa Oroqueta. Kilala niya ang pangalang iyon, siya ang maybahay ni Speaker Salitre. Ang kailangan niya ay pangalan ng isang lalaki at iba pang impormasyong ibig na malaman ni Ramir. Kung paano niya gagawin iyon ay hindi pa niya alam.
Pinatakbo niya ang sasakyan patungo sa Oroqueta. Pagdating sa malapit sa numero 73 ay inihinto niya iyon sa tapat ng isang maliit na tindahan. Bumili siya ng soft drinks at habang umiinom ay kinausap niya ang babaing nagbigay sa kanya ng inumin.
“Hinahanap ko ang bahay ni Solidad Salitre,” wika niya, “alam ba ninyo kung saan siya nakatira?”
Tumingin ang babae. “’Yung bahay na ‘yon na may gate na itim.” Tugon ng babae. “Pero hindi siya d’yan nakatira.., ang namamahay d’yan ay si Alipio Coronel.”
Ngumiti si Rey Ignacio. “Hindi siya d’yan nakatira, pero may kotseng otso ang plaka sa loob, di po ba?”
Tumawa ang babae sa kanyang narinig. “Tama po kayo,” wika sa pag-itan ng pagtawa, “kasi po si Alipio at isa sa mga katulong na lalaki ang nagmamaneho. Hindi ko nga alam kung bakit dalawa pa ang driver gan’ung wala namang masyadong ginagawa.., patambay-tambay nga lamang, eh.”
“Gan’un ho ba? Kung gan’un ay baka siya nga ang hinahanap ko. Salamat ho.” At ibinalik ni Rey Ignacio ang boteng wala ng laman bago nagbalik sa kanyang kotse.
Minaneho ni Rey ang kanyang sasakyan hanggang sa marating ang itim na gate. Nakita niya na nakapinta sa gate ang numero 73. Bumaba siya at saka tumimbre. Di nagtagal ay nabuksan ang maliit na pinto sa tabi ng gate. Sumungaw ang isang may matipunong pangangatawan.
“May kailangan ka ba?” Tanong ng lalaki sa kanya at tumingin sa kanyang likuran at sa loob ng kotseng nakaparada na tila tinitiyak kung siya ay may kasama.
“Repairman ako ng car aircon,” wika ni Rey, “may tawag sa akin ilang araw ang nakaraan, pero ngayon lang ako nagkapanahon.”
Habang nagsasalita ay nakasilip ang Sarhento sa loob ng bakuran. Doon ay tanaw niya ang dalawang kotse na kapwa pula ang kulay. Parehong may plakang otso ang numero.
“Sorry,” sabi ng lalaki, “napagawa na ang nasirang aircon.., noon pa nga yatang mga nakaraang linggo. Tatawagan ka na lang kung masira uli.”
“Salamat.” Wika ni Det. Sgt. Rey Ignacio at bumalik sa kanyang kotse.
Hapon na nang i-park ng Sarhento ang sinasakyan sa parking area ng headquarters. Natuwa siya nang makita ang kotse ni Ramir sa paradahan. Doon siya tutuloy sa
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (1 to 4)
Start from the beginning
