Operation: 'MJ' (1 to 4)

Start from the beginning
                                        

“Oo, kasama si Sec. Lumiwag.”

“Salamat po.” At saka lamang nagpatuloy ang dalaga sa kanyang paglakad.

Wala doon ang sekretarya ng Pangulo kaya si Maribeth na ang kumatok sa pinto ng opisina bago niya iyon binuksan. Natanaw niya ang Pangulo sa kanyang upuan at si Sec. Lumiwag sa harap ng mesa nakaupo.

“Pasok ka,” narinig niyang anyaya ni Sec. Lumiwag.

Pumasok ang dalaga at naupo sa silyang itinuro sa kanya.

“Bibigyan ka namin ng dalawampung minuto,” patuloy na wika ng sekretaryo, “sa panayam na ito. Ikinalulungkot naming ‘yon lamang ang oras na maibibigay sa iyo. Alam mo na, masyadong abala ang Pangulo sa maraming bagay. Kaya kailangang maging mabilis ka sa iyong pagtatanong.”

Nginitian ni Maribeth ang kanyang kausap. “Baka nga po hindi umabot sa ganoong oras ang mga bagay na gusto kong itanong kay Pangulo.”

“Mabuti kung ganoon.” Muling wika ni Sec. Lumiwag. “Sige, simulan mo na.”

Inayos ni Maribeth ang kanyang pagkakaupo. “Ang unang bagay na gusto kong malaman ay kung may special project kayong ibinigay sa Vice President?” Tanong niya.

“Wala naman maliban doon sa pamamahala ng mga housing project para sa mga mahihirap at sa relocation ng mga squater mula sa lunsod.”

“Alam nating ang karamihan sa mga squater na ito ay tutol na malayo sa kanilang mga pinagkakakitaan, sa palagay ninyo ay isang dahilan ito para maglagay sa panganib sa ating Vice President?”

“Hindi ko alam, pero maaari, kung isasaalang-alang ang pagtutol ng ibang nauuwi sa pananakit.”

“Sa haba ng panahong nagkasama kayo, alam kong magkaiba kayo ng partido, pero alam ko ring kapwa kayo naging kongresista at senador. Sa haba ng panahong iyon, may masasabi ba kayong nagawa niya na maaaring naging dahilan ng pagtatangka sa kanyang buhay?”

Ngumiti ang Pangulo. “Wala ako sa posisyon para sabihin iyan sa iyo.” Wika niya sa dalaga. “Pero bilang congressman at senador, ay mayroong mga bagay na nagagawa ka ng hindi sinasadya na nakakasugat pala sa damdamin ng iba.”

“Tulad ng?”

“Nasa record namang lahat iyan, maaari mong malaman kung maghahalungkat ka.”

Sa sinabing iyon ng Pangulo ay napangiti si Maribeth. “Huling tanong ko na lamang,” aniya, “alam ng lahat na kayo at ang Pangalawang Pangulo ay mula sa magkalabang partido. Ito po bang pangyayaring ito ay hindi naging dahilan para maglihim ang isa’t-isa sa inyo?”

Napatingin ang Pangulo kay Sec. Lumiwag na noon ay nakatayo lamang at nakikinig sa bawa’t salita ng dalawa sa panayam.

“Ang mga ginagawa ng Pangulo ay nababasa sa lahat ng pahayagan.” Ang sekretaryo ang sumagot. “Kaya sa palagay ko ay walang ano mang nalilihim kay Vice President. Ang hindi ko masasagot ay kung may lihim ang Bise sa ating Pangulo.”

Natawa ang dalaga sa narinig na tinuran ng sekretaryo. Tumayo siya at bago tuluyang tumalikod ay nagwika. “Nasalubong ko si Dr, Atienza sa pasilyo.” Wika niya na hindi bumanggit kung bakit niya nasabi ang tungkol doon.

“Oo,” mabilis na wika ni Sec. Lumiwag, “lagi naman siya dito para sa routine check-up ng Pangulo.”

Hindi pinansin ng dalaga ang tinuran ng sekretaryo. “Magpapaalam na po ako at maraming salamat sa oras na ibinigay ninyo sa akin. Alam naman ninyong gagamitin ko ito sa aking isusulat.”

“Alam namin.”

Kauupo pa lamang ni Ramir sa kanyang opisina nang bumukas ang pinto at sumulpot si Det. Sgt. Rey Ignacio. Ang Sarhento ang pinaka-kanang-kamay niya kaya’t nagagawa nitong maglabas-pasok sa kanyang silid nang hindi na kailangan pang humingi ng pahintulot.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now