Operation: 'MJ' (1 to 4)

Start from the beginning
                                        

“Salbahe ka.” Nawika ng binata. “Pero seriously speaking, may palagay akong nasa mga letrang iyan ang susi sa misteryong ito.”

“Sorry ha,” sabi ng dalaga at inihilig ang kanyang ulo sa balikat ni Ramir, “gusto ko lamang kasing mawala ang pormal mong itsura.”

“Alam ko.” Wika ni Ramir at hinimas sa balikat ang dalaga. “Mabuti pa siguro ay kumain na tayo. Limutin muna natin ang tungkol sa kasong ito.”

“Mabuti pa nga!” At tumayo si Maribeth para asikasuhin ang paghahanda ng kanilang hapunan.

Ilang sandali silang naging tahimik. Para bang nasa pagkain ang kanilang mga isipan, hanggang mabuksan ang tungkol sa gagawing panayam ng dalaga sa Pangulo ng bansa.

“Ano nga pala ang mga bagay na gusto mong malaman buhat sa Pangulo?” Tanong ni Maribeth.

“Gusto kong malaman kung mayroong special project na ipinagagawa sa Pangalawang Pangulo na maaaring pagmulan ng malalang alitan.” Sagot ni Ramir. “Mga bagay na alam niyang pwedeng maging batayan kung bakit gustong iligpit ang Bise Presidente. May kinalaman ba ang pagkakaiba ng kanilang political party? Mga ganong bagay.”

“Bukas na kasi ang tipanan namin para sa interview, kaya gusto kong maihanda ang aking mga tanong ngayong gabi bago matulog.”

4

Unang pinag-ukulan ng pansin ni Ramir ang kanyang ‘in box’ sa ibabaw ng kanyang hapag nang siya ay dumating ng umagang iyon. Dinampot niya ang mga papeles doon at isa-isang tinunghayan.

Ang nasa ibabaw na papel ay buhat sa kanilang laboratoryo na nagsasabing ang balang pumatay kay Pepe at kay Lery ay buhat sa iisang baril. Na nagpapatotoo na hindi ligaw na bala ang pumatay kay Pepe, at ang kamatayan nito at ni Lery ay magkaugnay.

Sa report naman ni Benji tungkol sa sinundang pulang kotse na may plakang otso, ay nalaman niyang matapos maghatid ng batang nag-aaral sa Lycium University ay bumalik ang nasabing sasakyan at pumasok sa isang bakuran sa Oroqueta Street. Inilista doon ang address na 73 Oroqueta, Sta. Cruz, Manila.

Ang sinundan ni Roland, na kotseng pula rin na may plakang otso, ay huminto sa Manila Hotel. Sinundan niya ang lalaking pumasok sa hotel. Nagtungo iyon sa ‘eat all you can’ restaurant at habang kumukuha ng pagkain ay may kausap na isang may edad ng babae. Hindi ito tumitingin sa kausap kung kaya’t inisip niyang ayaw nitong malaman ng kahit na sino na sila ay magkakilala. Tumigil ito roon hanggang sa matapos ang kanyang pagkain. Lumabas ito pagkatapos at nagtuloy sa 73 Oroqueta Street, Sta. Cruz, Manila.

Muling kinuha ni Ramir ang report ni Benji. At hindi siya nagkamali. Ang address na nakatala sa dalawang report ay iisa.

Ang sumunod na tinunghayan niya ay ang fax na mula sa LTO. Sinasabi doon na ang numero ng plakang ibinigay niya ay numero ng kotseng na-carnap. Onorio Santos ang pangalan ng tunay na may-ari at naninirahan ito sa Paranaque.

Patungo noon si Maribeth sa tanggapan ng Pangulo nang masalubong niya si Dr. Mario Atienza sa pasilyo. Nagbigay galang siya sa manggagamot at sandaling huminto para magtanong.

“Kumusta kayo?” Wika niyang nakangiti.

“Maayos.., maayos! Eh, ikaw, kumusta ka?”

“Mabuti po..,” anang dalaga at saka idinuktong ang, “tila nagpa-check si President sa inyo?”

“Routine check lamang,” wika ng duktor, “alam mo na, kailangang nasa kanyang perfect health ang Presidente.”

“’Yun nga po ang dapat..., nasa opisina pa po ba ang Pangulo?” Tanong ng dalaga.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now