Tumango-tango si Ramir sa narinig mula sa kausap. “Sa palagay po ba ninyo ay kayo ang target sa ginawang pamamaril kahapon?” Muli niyang tanong.
“Malamang,” sagot na kanyang narinig, “kasi’y tiyak kong walang magtatangka sa aking kaibigang Amerikano dahil kilala ko siyang patas na tao, walang kagalit.”
“Salamat po, Vice President Lanuza,” pawakas na sabi ni Ramir, “malaking tulong po ang nalaman ko mula sa inyo.”
“Salamat din,” ani VP Lanuza, “sana’y maaga ninyong mahuli kung sino man ang pasimuno ng pangyayaring ito.”
“Gagawin po namin ang lahat.” Wika ni Ramir at saka nagpaalam.
Bumalik si Ramir sa kanyang opisina. Bago pumasok sa kanyang silid ay tinawag si Det. Sgt Rey Ignacio na isa sa kanyang mga tauhan. Mabilis namang tumalima ang Sarhento. Sumunod ito sa kanyangt boss.
“Kausap ko ang Bise Presidente.” Wika ni Ramir matapos silang maupong magkaharap. “Nasabi niyang noon daw na nasa Senado siya ay miyembro siya ng blue ribbon committee at dahil sa mga imbistigasyong kanilang ginawa ay maaaring may mga nagalit sa kanya. Isa raw doon ay ang kuntratista ng logging sa Mindoro. At ikalawa ay yaong mga General sa army na nabintangan ng kurapsyon. Gusto kong alamin mo kung ang mga ito ay may kinalaman sa nangyaring pagtambang sa kanya.”
“Wala bang pangalang binanggit sa iyo?” Tanong ng Sarhento.
“Wala,” tugon ni Ramir, “malalaman mo naman kung kailan nangyari ang imbistigasyon sa record ng Senado. At doon mo rin malalaman ang mga pangalang kailangan mo.”
“Alam ko,” nakangiting sabi ng Sarhento, “pero mas madadali sana kung may pangalan siyang nabanggit. ‘Yun lang ba?” Tanong nito at nang makitang tumango si Ramir ay tumayo at nagpaalam.
Sumandal si Ramir sa kanyang upuan nang makalabas na ng silid ang Sarhento. Sa isip, ay isa-isa niyang inihanay ang mga bagay na nalaman niya tungkol sa kaso. Una ay ang pagkamatay ni Pepe, na sinasabing dahil sa ligaw na bala, ang pagpapaputok ng nakamutor na wala namang iniwan na marka sa mga gusali sa Rizal Avenue, kaya inakala niyang blankong bala ang ginamit. Ang pagkamatay ni Lery na binaril sa isang restaurant, samantalang kausap si Ben. Ang spy machine ni Pepe kung saan narinig ang tungkol sa operation mj. Ang isinulat ni Pepe na numero otso at salitang pula. Ang tangkang pagpatay sa Pangalawang Pangulo, na naging sanhi ng pagkamatay ng isang negosyanteng Amerikano. Alam niyang ang mga bagay na iyon ay mayroong pag-uugnay-ugnay, pero hindi niya makita.
“Siguro’y nasa mga letrang ‘mj’ ang kasagutan ng lahat ng ito.” Naibulong niya sa sarili. “Pero ano ang ibig sabihin ng ‘mj’? Wala siyang maisagot sa katanungang iyon.
Tulad ng mga nakaraang araw, sa apartment ni Maribeth nagtungo si Ramir matapos ang kanyang gawain sa opisina. Tiniyak niyang walang bumubuntot sa kanya bago ipinarada ang kanyang sasakyan. Umibis siya at matapos i-lock ang kotse ay tumuloy sa tirahan ng dalaga.
“Mukha yatang ang isip mo ay wala dito.” Puna ng dalaga nang makitang tila may malalim na iniisip si Ramir. “May problema ba?”
Pumihit ang binata at tumingin sa magandang mukha ng kaharap. “Iniisip ko lamang kung ano ang ibig sabihin ng mga letrang ‘mj’.” Ani Ramir. “Blanko ang isip ko pagdating sa dalawang letrang ‘yan. Ikaw, gusto mo bang humula?”
“Mj.., mj..,ito ba ang sinasabi mong ibinulong sa iyo ni Lery bago siya binawian ng buhay?” Tanong ng dalaga.
“’Yun nga.” Ani Ramir na hindi pa rin nawawala ang aburidong anyo ng mukha.
“Mj.., mj,” bulong ni Maribeth. “Baka Michael Jackson?” Wika nito at saka sinabayan ng malakas na tawa.
Natawa rin si Ramir sa kanyang narinig.
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (1 to 4)
Start from the beginning
