“Hindi basta nakakapanayam ang Pangulo. Kailangang may maganda kang katwiran o’ pakay para mabigyan ka ng oras. Ano ang idadahilan ko?”
“Sabihin mong gusto mong sumulat ng artikulo tungkol sa tankang pagpatay sa Pangalawang Pangulo at gusto mo siyang makapanayam ng tungkol doon.” Paliwanag ni Ramir sa dalaga.
“Pwede nga siguro ang ganoon. Bayaan mo’t susubukin ko.”
Ibinaba ni Ramir ang telepono at saka lumabas ng kanyang opisina. Balak niyang magpunta sa opisina ng Vice President para magtanong ng tungkol sa nangyaring pagtatangka sa buhay nito.
Nang dumating siya sa opisinang sinadya ay marami siyang dinatnang imbistigador ng NBI. Nagpakilala siya sa namumunong imbistigador.
“Ang kasong ito ay tungkol sa tangkang pagpatay sa Vice President,” wika ni Special Agent Mirasol. “Kaya kami ang naririto dahil sa ito’y may kinalaman sa isang national officer.”
“Alam ko ‘yon.” Ani Ramir naman. “Pero gusto kong malaman mo na ito’y nangyari dito sa Maynila, at dahil ako’y sa homicide section ng Manila police, ay mayroon din kaming karapatan sa kaso.”
Nagkibit ng balikat si Mirasol. “Wala akong objection kung magkasama nating imbistigahan ang kasong ito. Siguro nga ay makabubuting magkaroon din kayo ng bahagi dito, basta ba malalaman ng dalawang panig ang lahat tungkol sa kaso.”
“Areglado, walang lihiman.” Wika ni Ramir. “Sa ngayon ay wala akong gusto kundi ang makausap ang Vice President. Bibigyan kita ng kopya ng aking naging panayam sa kanya.”
“Thank you,” ani Mirasol, “at ganoon din, magbibigay kami ng ulat sa iyo sa kinalabasan ng aming imbistigasyon.”
“Thank you rin.” Ani Ramir at pumasok sa loob ng opisina kung saan naroon ang bise Presidente.
“Magandang araw po,” bigay galang ni Ramir sa Pangalawang Pangulo. “Ako po’y buhat sa homicide section ng Manila Police. Det. Lt. Ramir dela Serna po.”
“Good morning,” wika ng Bise Presidente, “hindi ba’t ang NBI ang nag-iimbistiga?”
“Nagkausap na po kami ni Special Agent Mirasol,” ani Ramir, “at nakuha ko na po ang kanyang pagsang-ayon. Narito ako para liwanagin ang ilang bagay mula sa inyo.”
“Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ang Manila homicide ay nag-iimbistiga rin samantalang ang bagay na ito ay maituturing na national incident”. Giit pa rin ng Pangalawang Pangulo.
“Kasi po ay may kaso iniimbistiga ang isa naming tauhan tungkol sa narinig na usapang pagpatay sa isang mataas na pinuno ng gobyerno. At ang tauhan naming iyon ay napatay. Gusto naming alamin kung ang ginawang ito ay kaugnay sa nasabing kaso.” Paliwanag ni Ramir.
“Kung gan’un ay go ahead.”
“Gusto lamang pong malaman kung mayroong mga pagbabanta kayong natatanggap sa inyong buhay bago pa mangyari ito?” Tanong ni Ramir.
“Wala, wala akong natatanggap.”
“Pero alam ninyong mayroong mga taong galit sa inyo?”
“Hindi ko masabi...,” anang Pangalawang Pangulo, “pero noong ako’y Senador pa ay miyembro ako ng blue ribbon committee.., na alam mo namang ang pangunahing gawain ay ang mag-imbistiga ng mga anumalya sa gobyerno. Maaaring dahil doon ay maraming galit sa akin.”
“Masasabi po ba ninyo kung aling partikular na imbistigayon may pinaghihinalaan kayong nagalit sa inyo?”
“Siguro’y sa logging,” nag-iisip na wika ng Bise Presidente, “nalimutan ko ang pangalan ng kumpanya, pero sa Mindoro sila pumuputol ng kahoy. Iginigiit ko kasing dapat na alisan sila ng permit sa pagla-logging dahil sa hindi nila pagtupad sa mga patakaran ng gobyerno. Isa pa ang ilang opisyal ng army na kinasuhan ko ng corruption dahil sa pagbili ng kasangkapan ng hukbo na hindi dumaan sa bidding.”
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (1 to 4)
Start from the beginning
