Hindi niya inakalang mage-enjoy siya sa pagiging independent. And being the good best friend that he is, hindi siya iniwan ni Amani at mukhang nage-enjoy din naman ito sa set-up nila. Sinusuportahan nila ang isa't-isa na animo magkadugo sila. Magkapatid na din naman kasi ang turingan nila dahil simula pa nang ipanganak sila ay palagi na silang magkasama.

Ang kaibahan nga lang, suportado si Amani ng parehong mga magulang nito habang siya ay ang ina lang ang kinakapitan. Pero ayos lang naman iyon kay Lia, hindi naman niya kailanman inisip na paluguran ang kanyang ama. Magmumukha siguro siyang walang pakialam pero sa ganoong pagpapalaki siya nasanay. Hindi hinayaan ng kanyang ama na ma-spoil sila ng mommy nila. Kaya nga naisipan niyang maging independent para hindi naman mahirapan ang mommy niya kung palagi itong sinasawata ng kanyang ama kapag kinakampihan siya nito o ang kapatid niya.

"Sabihin mo kung kailangan mo pa ng tulong bukas para madala kita sa training. Baka sakaling doon mo mahanap ang hinahanap mong nawawalang utak." wika ni Amani nang papunta na sila sa parking lot ng mall kung saan sila kumain.

"Whatever, Amani Manuel! Kung aasarin n'yo lang ako doon, hindi na lang ako pupunta. Pupunta na lang ako sa mga club kung saan maraming macho dancers at bading." matapang ngunit sarkastiko na sagot naman niya.

Narinig niya ang malakas na pagtawa ni Omid na nasa kabilang gilid niya. Hinarap niya ito, nginisihan at kinindatan.

"Subukan mo lang, Liandra. Sinasabi ko sa'yo, ipasusunog ko ang club na pupuntahan mo. Magtigil-tigil ka nga sa mga kalokohan mo, iposas kita sa kama mo para makita mo ang hinahanap mo." salubong ang mga kilay at halatang naiinis na banta naman ni Amani na lalo niyang ikinatawa.

"Ang OA mo naman, Lolo Amani. Para namang gagawin ko talaga ang sinabi ko. Kailan ba ako nagpunta sa mga ganoong lugar? Mas gusto ko pang pikunin ng mga kaibigan mo kaysa magpunta sa mga lugar na iyon 'no!" muli niyang hinarap si Omid na nakangiti lang na pinakikinggan ang paga-asaran nila ng kapre niyang kaibigan. "Saan ka nga pala namin ihahatid? Lubos-lubusin mo na ang pagiging mabait namin, bagong kaibigan ka naman eh."

"Kahit hanggang sa Cubao na lang. Magta-taxi na lang ako pagdating doon." nakangiting sagot naman nito.

Sinaluduhan niya ito. "Sureness."

KINABUKASAN ay hindi inasahan ni Lia ang magiging mga bisita niya. Dahil hindi naman siya pumapasok sa opisina, hawak niya ang oras niya. Kung anong oras siya gigising, anong oras siya kakain at kung gugustuhin niyang manatili sa bahay niya o lumabas para magliwaliw ay naka-depende sa magulong utak at mood niya.

Hindi siya nakatulog nang nagdaang-gabi dahil sa pakikipag-titigan sa MS Word. Nakapagdagdag naman siya sa nobelang sinusulat pero sa script na tina-trabaho niya, nganga siya kaya kailangan niyang bumawi sa araw na iyon. Hindi siya puwedeng matengga ng matagal kung gusto niyang magkaroon ng pera at madagdagan ang ipon niya.

Pero hindi pa man siya nakakatulog ng matagal ay may mga gumambala na sa kanya. Sina Iyah at Elyza na nakilala niya dahil sa panonood ng football ang mga bisita niya sa umagang iyon. Mga self-proclaimed friends niya ang mga ito dahil ang mga ito lang naman ang namimilit na close sila at magkakaibigan. At dahil hindi naman siya ganoon ka-walang puso ay hinahayaan na lang niya ang mga ito. Kaya heto't libre ang mga ito na guluhin siya anumang oras. Ginagamit pa ng mga ito madalas si Amani para makapasok sa apartment niya.

Kaya ngayon tuloy ay ang binata ang tumatanggap ng topak niya. "Alam mo naman na ayaw kong nagpapa-istorbo kapag ganitong kaaga. Isa't-kalahating oras pa lang akong nakakatulog, hindi mo ba alam kung gaano kasakit sa ulo iyon?" sawata niya dito nang mahila niya ito sa kusina. Ito ang nagbitbit ng mga dalang plastic bags ng mga 'kaibigan' niya.

Unexpected Love (Complete)Where stories live. Discover now