#29 Naghihintay by Jacob

26.1K 748 31
                                    

Ayoko sa bus. Gusto ko ng jeep.

Ayoko sa iba. Gusto ko ikaw.

Ikaw na matagal ko ng hinihintay. Ikaw na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita. Siguro nga katangahan ang maghintay sa 'yo pero wala akong gustong iba kundi ikaw. Matagal na akong nakatambay dito sa tabi ng daan, hintay ng hintay ng jeep pauwi. Puro bus ang dumadaan. Nakakainggit minsan ang mga taong kay dali lang makahanap ng sasakyan. Nakakainggit 'yung ilan na ang dali lang makatagpo ng taong mamahalin nila habang buhay.

Habang sila nakasakay na... ako heto, naghihintay pa rin. Bakit ba kasi ang tagal mong dumating?

Halos isang oras na rin akong naghihintay ng jeep. Ilang taon na rin akong naghihintay sa 'yo.

Naisip ko na tigilan na ang walang kwenta kong paghihintay. Makakauwi rin naman ako kahit ano'ng sakyan ko. Pero... hindi ko maisip na makuntento sa kung sino lang ang dadaan. Wala akong ibang gusto kundi ikaw.

Baka mamaya, sumakay ako ng bus tapos biglang dumating 'yung jeep. Baka mamaya, kung kailan nagsawa na ako sa kahihintay sa 'yo, saka ka naman dumating.

Pero malalim na ang gabi, wala pa ring jeep na dumaraan. Siguro nga ay sa bus na lang ako sasakay. Hindi na ako bata. Matanda na ako. Sayang ang panahon na ginugugol ko kahihintay sa 'yo gayung mayroon namang iba dyan na handang magparamdam ng pagmamahal sa 'kin.

Sumakay ako ng bus. Binigyan ko sya ng pagkakataon. At alam mo ba ang nakakatawa? Nang akala ko'y kumportable na ako sa bus na sinasakyan ko, saka naman may dumaang jeep. Noong kumportable na ako sa kanya, saka ka naman dumating.

Inisip ko kung bababa pa ba ako at lilipat ng sasakyan. Inisip ko kung iiwan ko ba sya para sa 'yo. Ayaw ko sa bus, mahal ang pamasahe. Mas kumportable ako sa jeep. Hindi ko sya ganun kamahal pero ikaw... mahal kita.

Kaya lang naisip ko, paano kung bumaba ako sa bus para sumakay ng jeep tapos puno na? Paano kung iwanan ko sya para sumubok na mapasa'yo pero wala naman pala akong puwang sa buhay mo?

Baka masayang lang ang pamasahe ko. Masasayang lang ang pagmamahal ko.

Nang mapatapat ang jeep sa bintana ng bus na sinasakyan ko, napabuntong-hininga na lamang ako. Kakaunti ang sakay. May puwang pa para sa akin. Pero magbabayad ako ng panibago. Paano na lang kung kulang ang pera ko?

Hindi ako sumubok. 'Yun pala, may pagtingin ka rin. Nanghihinayang ako pero... panibagong sugal na naman ba? Panibagong pakiramdaman? Panibagong pagkailang?

Baka mamaya, masiraan pa 'yung jeep. Baka mamaya, hindi naman pala tayo magtatagal.

Makapaglakad pa ako pauwi. Maiwan pa akong luhaan at nag-iisa.

Sumandal ako sa backrest ng bus habang minamasdan ang pag-usad ng jeep. Umiba ito ng ruta. Hinayaan na lamang kita. Hindi na kita pinakialaman pa. Hindi kalaunan, nagkahiwalay tayo ng landas.

Ang tagal kasi ng jeep.

Ang tagal mong dumating.

---

AN: Bahala na kayong mag-figure out ng gusto kong iparating. Basta ako nakauwi. May jeep! Hahaha... Hashtag medyo lutang.

Music and Lyrics (one-shots)Where stories live. Discover now