Chapter 12.1

1.3K 47 2
                                    

Mabilis na kumalat ang balita sa buong Batangas at Cavite ang tungkol sa pagkakatagpo kay Jewel Sta. Maria. Ang fresh graduate na nurse na ilang buwan nang nawawala nang pumunta ito sa mahiwagang Binintian river kasama ng mga kaibigan. Natagpuan siya ng mga tao sa pampang ng ilog na walang malay. Agad siyang dinala sa bahay ng kapitan ng baryo at ito na ang kumontak sa mga pulis upang maipagbigay-alam sa kaniyang mga magulang ang pagkakatagpo sa kaniya.

"Ang buong akala namin ay patay ka na, Jewel. Ano ba talaga ang nangyari sa iyo? " excited na tanong ng kaibigan niyang si Erika. Narito ngayon sa kanilang bahay ang mga kaibigan. Agad na sumugod ang mga ito nang mabalitaang nakauwi na siya. Magkakaumpok sila sa terrace ng bahay nila habang pinapapak ang paborito nilang cheese sticks.

"Saan ka ba talaga nagpunta? Bakit bigla ka na lang nawala?" singit ni Ella. Pati mga tanod, kagawad at pulis ay inabala namin sa paghahanap sa iyo. Hindi nga kami kinibo ng parents mo dahil kami ang sinisisi nila sa pagkawala mo."

"Oo nga. Sino ba naman ang mag-aakalang mabubuhay ka pa sa gitna ng gubat na iyon sa loob ng ilang buwan?" susog naman ni Jessica.

Napabuntong-hininga siya. "Ano ba kayo? Sabi ng ilang araw lang akong nawala."

"Ows?" si Marlon naman. "Huwag mong sabihing iba ang kalendayo sa lugar na napuntahan mo?"

"Oo nga, Jewel. Sige na, magkuwento ka naman," pangungulit naman ni Erika.

"Kung ikukuwento ko ba, maniniwala ba kayo?" nangingiting tanong niya.

"Oo naman," nag-chorus pa ang mga kaibigan niya sa pagsagot.

Muli niyang binalikan ang kakaibang karanasan niya sa mundo ng mga engkanto sa pamamagitan ng paglalahad nito sa mga kaibigan. Ikalawang beses na niyang pagkukuwento ito, ang una ay sa pamilya niya. At tulad nang reaksiyon ng kaniyang mga mahal sa buhay, hindi rin makapaniwala ang mga kaibigan niya na nakarating siya sa kabilang dimensiyon. Ngunit isang matibay na katibayan ang suot niyang kuwintas na ibinigay sa kaniya ni reyna Elfira.

"Naaalala ninyo ang lesson natin dati sa World Literature? Iyong The Lost Horizon na sinulat ni James Hilton? Alam ba ninyo na nag-wish ako na sana ay makarating din ako sa isang lost world o unknown world? At iyon nga, aksidenteng napunta ako sa Terra Incognita, ang nakatagong daigdig ng mga Piritay."

"Amazing, Jewel. To think na may dugong maharlika ka pala courtesy of your ancestor na isang datu na siyang dahilan kung bakit gusto kang ialay ng mga Dalaketnon," namamangha pa ring wika ni Jessica.

"Tapos may isang prinsipe ng mga Piritay na buong giting na ipinagtanggol ka laban sa mga Dalaketnon kaya nga lang ay namatay siya," dugtong naman ni Ella.

"Tapos ay na-in love siya sa iyo at ikaw naman ay ganoon din sa kaniya?" Hindi rin nagpatalo si Erika.

"Ano ba kayo?" tila inis na wika ni Marlon. "Inuulit n'yo lang iyong ikinuwento ni Jewel, ah."

Nagkatawanan silang lahat. Maya-maya ay isa-isang yumakap sa kaniya ang mga kaibigan tanda ng kaligayahan sa pagbabalik niya.

Napangiti siya. Normal na muli ang lahat sa buhay niya. Kapiling niyang muli ang kaniyang minamahal na pamilya at mga kaibigan. Maaari na rin siyang maghanap ng trabaho upang tuparin ang kaniyang tungkulin bilang isang nurse. Ngunit alam niyang mananatiling hungkag ang isang bahagi ng puso niya. Sapagkat ang lugar na iyon ay para lamang sa iisang nilalang.

Para kay Azrael...

Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon