Chapter 11.1

1.2K 45 1
                                    

Kahit ano'ng pagpipiglas ni Jewel ay hindi siya makawala sa mahigpit na pagkakatali sa kaniya. Nakahiga siya sa isang malapad na bato na nasa loob ng napakalaking templong bato habang magkahiwalay ang mga paa at kamay. Pinalitan ng mga Dalaketnon ng magandang kasuotan ang damit niya. Nilagyan din ng mga ito ng tintang kulay itim ang kaniyang mukha.

Nagtipon-tipon ang lahat ng mga Dalaketnon sa loob ng templong bato. Sa gitna ng mga awit at dasal ay ilang ulit niyang narinig ang pangalan ng diyos ng mga ito na si Magaul. Sa ulunan ay nakita niya ang malaking estatwa ng itinuturing na diyos ng mga Dalaketnon.

Kahit balot ng takot ang buong katauhan ay pinilit niyang magpakatatag. Alam niyang hindi siya pababayaan ng Diyos kung kaya walang tigil ang pag-usal niya ng panalangin hindi lang para sa sarili niya kundi para rin sa buong Terra Incognita na iniwan niya kanina sa gitna ng digmaan.

Isang babaylan ang lumapit sa kaniya at nag-usal ng dasal na hindi niya maunawaan. Maya-maya ay lumapit din ang tila hari ng mga Dalaketnon. Bahagyang nagkagulo nang biglang dumating ang isa pang Dalaketnon, si Yurik.

"Gawin nating mabilis ang pag-aalay, amang hari. Anumang sandali ay darating na si Azrael upang agawin muli ang mutya."

Itinaas ng hari ang hawak na punyal sa tapat ng dibdib niya. Napapikit na lamang siya nang mariin habang hinihintay ang paparating na kamatayan. Sa gitna ng kawalang pag-asa ay mukha ng isang nilalang ang nangingibabaw.

Si Azrael...

Biglang nagkagulo sa loob ng templo dahil sa pagpasok nang lumilipad na higanteng usa sakay ang prinsipe ng mga Piritay. Napasigaw siya pagkakita kay Azrael. Buong tapang nitong nilabanan ang bawat Dalaketnon na nagtangkang humarang dito. Maging si Pashnar ay nakipaghamok na rin. Tumitilapon ang bawat Dalaketnon na tinatamaan ng mga tadyak nito. Noon lamang niya nakitang ganoon kabangis ang dati ay maamong usa.

"Itarak mo na ang punyal sa dibdib niya, amang hari," utos ni Yurik.

"Hindi maaari, Yurik. Hindi pa lumilitaw ang bughaw na buwan. Ilang minuto pa ang hihintayin natin bago natin isakatuparan ang pag-aalay..." Hindi na natapos ni haring Balik ang sasabihin nang humahaginit na tumarak sa batok nito ang espada ni Azrael. Dumiretso ito sa lalamunan ng hari na naging dahilan ng agad nitong pagkamatay.

Ngayon ay palapit na si Azrael habang sakay ni Pashnar. Agad na pinulot ni Yurik ang punyal upang itarak sa dibdib ni Jewel. Ngunit biglang bumagsak sa batong kinahihigaan niya si Azrael at tinadyakan si Yurik. Tumilapon ito. Ilang minutong nagsukatan ng lakas ang dalawang prinsipe. Sa malas ay nananaig sa labanan si Azrael bagama't sugatan na rin ito. Ilang suntok at tadyak pa ang ibinigay ng binatang Piritay na nagpabagsak kay Yurik.

Biglang naghiyawan ang mga Dalaketnon sa loob at labas ng templo nang unti-unting lumitaw ang bughaw na buwan sa madilim na kalangitan. Mabilis na hinugot ni Azrael ang espada sa batok ng hari at tinaga ang mga tali niya. Binuhat siya nito at mabilis na isinakay sa naghihintay na si Pashnar.

"Dadalhin ka ni Pashnar sa ilog na kinaroroonan nina Dana at Lira. Mula roon ay ilalangoy ka nila patungo sa ilog ng Binintian kung saan kita natagpuan. Makakauwi ka na, Jewel."

"Paano ka, Azrael? Bakit hindi ka na lang sumama sa akin paalis sa lugar na ito?" nag-aalalang tanong niya.

"Hindi pa tapos ang laban, Jewel. Hindi ako maaaring umalis dito hangga't hindi natitiyak na ubos na ang lahi ng mga Dalaketnon. Ilang saglit na lang at lilipulin na sila ni Magaul dahil sa pagkabigong ialay ka kung kaya gagawin nila ang lahat upang makuha ka at kailangan kong hadlangan iyon. Kailangang makaalis ka na agad rito."

"Azrael..."

Ginagap ni Azrael ang dalawa niyang kamay at masuyong hinalikan. "Anuman ang mangyari sa akin ay gusto kong malaman mo na iniibig kita, Jewel. Minahal na kita agad noong una pa man kitang makita mula sa ilog ng aming lupain. Alam kong hindi ito ang tamang oras para sabihin ko ito ngunit alam kong wala na akong ibang pagkakataon. Mahal kita, Jewel. Mahal na mahal."

"Azrael..." Nanlabo ang kaniyang paningin dahil sa mga luhang nag-uunahan sa pagpatak. Sa isang iglap ay gusto niyang bumaba kay Pashnar upang mayakap ang binatang ginawa ang lahat upang maprotektahan siya.

Nang biglang nakita niya ang pagtayo ni Yurik at paglapit nito sa likuran ng binatang Piritay hawak ang isang palakol. Ganoon na lang ang gulat niya nang makita ang kakaibang anyo nito. Natutuyot ang balat nito at tila ilang daang taon itong tumanda. Sumigaw siya upang bigyan ng babala ang binata ngunit huli na. Naitaga na ni Yurik ang palakol sa gulugod ni Azrael.

"Azraeeeel!" Binalot ng sindak ang buong katauhan niya.

Parang kandilang unti-unting naupos ang binata. Ngunit nagawa pa rin nitong utusan si Pashnar na umalis na ng templo. Nang lumapit sa kaniya si Yurik ay mabilis na umangat sa lupa si Pashnar at buong tulin na lumipad palabas ng templo. Wala siyang nagawa kundi tawagin na lang nang paulit-ulit ang pangalan ng lalaking minamahal.

Sa labas ng templo ay litaw na litaw na ang bughaw na buwan sa kalangitan. Malamlam ang kulay nito na tila nagbabadya ng kamatayan. Nang tingnan niya sa ibaba ang mga Dalaketnon ay nakita niyang isa-isang bumabagsak ang mga ito sa lupa tanda ng pagwawakas ng lahi ng mga ito sa mundo. Nililipol na ni Magaul ang mga Dalaketnon dahil sa kabiguang maialay siya. Napasigaw siya nang makitang unti-unting gumuguho ang templong bato na kinaroroonan ni Azrael.

Sa himpapawid ay nakita niya ang padating na si Zadkiel sakay ng higanteng armadillo. Sa pagitan ng mga hagulhol ay hiniling niya sa heneral na iligtas si Azrael na naiwan sa loob ng gumuguhong templo. 

Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon