Chapter 10.1

1.1K 40 0
                                    

Sakay ni Pashnar ay pinangunahan ni Azrael at heneral Zadkiel ang mga mandirigma ng buong Terra Incognita. Nakarating na sa kaniya na binuksan ni Elyana ang Ellora upang maibigay sa mga Dalaketnon si Jewel at ngayon ay nangangamba siyang makapasok ang mga kaaway sa kanilang kaharian.

At hindi nga siya nagkamali. Mula sa himpapawid ay kitang-kita niya ang paglusob ng napakaraming Dalaketnon. Ito ang pinakamaraming Dalaketnon na nakita niya sa buong buhay niya.

"Napakalaki ng puwersa nila, Azrael," wika ni heneral Zadkiel na kaagapay niya habang sakay sa isang malaking armadillo.

"Alam ko," tugon niya. "Pero alam mong isang daang Dalaketnon ang kayang patumbahin ng isang Piritay sa labanan."

"Tama ka. Pero kulang ang ating mga mandirigma. Halos ikatlo ng kanilang bilang ay may karamdaman."

Nakaramdam ng panlulumo si Azrael sa narinig. "Nasa panig natin ang kabutihan. Hindi tayo pababayaan ni Bathala."

Sa wakas ay nagkaharap ang dalawang hukbo. Umangil ang mga sandata. Napuno nang nakapangingilabot na hiyawan ang buong kaharian. Nabasa ng magkahalong dugo ng mga Piritay at mga Dalaketnon ang lupain ng Terra Incognita.

Buong giting na ipinagtanggol ng mga Piritay ang kanilang kaharian sa pangunguna ni Azrael at ni Zadkiel. Pinanday ng napakahabang panahon at napakaraming labanan ang dalawang mandirigma kung kaya ilang daang Dalaketnon ang agad nilang napatumba. Sa isang iglap ay dehado ang mga kaaway sa labanan na labis na ipinag-alala ni heneral Maalik.

"Iminumungkahi kong tawagin mo na ang mga engkantong kaalyado natin, prinsipe Yurik, bago pa tayo maubos rito."

"Harah!" mura ni Yurik. Pagkuwa'y isang matinis na paswit ang pinakawalan nito.

"Ano iyon?" maang na tanong ni Azrael na abala pa rin sa pakikipaglaban.

"Tinatawag ni Yurik ang mga masasamang engkantong kaalyado nila," nag-aalalang tugon ni Zadkiel.

Napasigaw si Azrael. "Ang Ellora! Naiwang bukas ang Ellora."

"Huli na, Azrael," sigaw rin ni heneral Zadkiel. "Paparating na sila!"

Biglang nagdilim ang kalangitan sa pagkalat ng mga lumilipad na manananggal at wakwak. Dumagundong naman ang kalupaan sa pagdating ng hukbo ng mga tikbalang, kapre, sigbin, aswang at mga tiyanak.

Agad na pinalipad ni Azrael si Pashnar upang salubungin sa himpapawid ang mga lumilipad na kalaban. Pinalipad na rin ni Zadkiel ang kaniyang higanteng armadillo upang tulungan siya.

"Dehado ang ating mga mandirigma sa lupa kung pareho tayong lalaban sa himpapawid, Zadkiel. Mas marami ang kalaban sa ibaba."

"Alam ko, Azrael. Ngunit hindi dapat makarating sa pamayanan ang mga lumilipad na mga nilalang na ito."

"Bathala, tulungan mo kami." Napausal na lamang ng dasal si Azrael.

Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon