Chapter 4.2

1.3K 39 1
                                    

"Hindi ko kailangang mamili. Buo na ang pasya ko. Mananatili siya sa Terra Incognita hanggang lipulin ni Magaul ang lahat ng Dalaketnon. Kapag wala na ni isang Dalaketnon sa daigdig ng mga engkanto ay saka ko lamang siya ibabalik sa daigdig ng mga tao."

"Mauubos rin tayo, Azrael. Papatayin tayong lahat ng lason na taglay ng kaniyang laway."

"Paumanhin ngunit hindi na magbabago ang pasya ko. Isa akong prinsipe at nararapat lang na igalang ninyo ang aking kagustuhan," matatag na wika ni Azrael.

"Hindi kami makikipagsapalaran." Galit na tumayo mula sa pagkakaupo ang hari. "Hindi mo ba naiintindihan, Azrael? Kailangang manatiling umiiral ang lahi natin sa mundong ito upang patuloy na masagip ito mula sa pagkasira. Hangal ang mga tao. Sinisira nila ang kalikasan samantalang tayo naman ang nagsasaayos nito. Walang habas nilang pinuputol ang mga punongkahoy sa kagubatan. Hinuhukay at pinapatag ang mga kabundukan. Gumagawa ng mga sasakyan at kagamitan na nagbubuga ng maruming hangin na nagdudulot ng maraming sakit. Kung mawawala ang mga Piritay, sino ang magbabalanse sa kalikasan? Sino ang magliligtas sa mundong ito mula sa tuluyang pagkasira?"

"Kung ganoon ay mag-iisip ako ng ibang paraan. Basta't mananatili si Jewel sa ating kaharian hangga't hindi inuubos ni Magaul ang mga Dalaketnon."

"Bakit mo itataya ang buhay ng iyong mga kalahi dahil lang sa babaeng iyan, Azrael?" Hindi nakatiis na tanong ng reyna.

Hindi nakakibo si Azrael. Makahulugan itong tumingin sa kanya. Maging siya man ay gusto niyang itanong dito kung bakit kailangan siya nitong protektahan.

"Umiibig ka ba sa kanya, Azrael?" dugtong ng reyna.

"Na hindi dapat. Mula nang sinapit ng iyong prinsipeng ama ang masaklap na kamatayan dahil sa sakit na dulot ng laway ng mortal mong ina ay mahigpit nang ipinagbawal ng ating batas ang pakikipag-ibigan sa mga tao," susog ng hari.

"Samakatuwid ba ay inuulit mo ang pagkakamali ng iyong ama, Azrael?" tanong ng isang lalaking Piritay.

"Ang babaeng iyan ay magdadala ng kamalasan o higit pa sa ating lahat. Digmaan laban sa mga Dalaketnon at mga kaalyado nila at sakit at kamatayan mula sa laway niya," ayuda naman ng isang babaeng Piritay.

Marahas na napabuntong-hininga ang hari. "Sa loob ng napakahabang panahon ay pinagsikapan ng ating mga ninuno na magkaroon tayo ng tahimik at maunlad na pamayanan, malayo sa kaguluhan, sakit at kamatayan. Hindi kami makakapayag na sa isang iglap ay maglaho ang lahat ng iyon dahil sa pagiging makasarili mo, Azrael. Kung kaya bukas na bukas din, pagsikat ng araw ay ihahatid ang babaeng iyan sa lugar kung saan mo siya natagpuan."

"Bakit ipagpapabukas pa, mahal na hari?" sabat ng isang Piritay. Bakit hindi ngayon na? Sigurado ako na nagpaplano na sa kasalukuyan ang mga Dalaketnon ng isang digmaan laban sa atin."

"Gabi na ngayon. Mas malakas ang mga Dalaketnon gamit ang karimlan. Ayokong isugal ang buhay ng ating mga mandirigma sa isang walang kuwentang laban." Bumaling ang hari sa isang tagapaglingkod. "Elisha, dalhin ang panauhin sa isang tirahang malayo sa palasyo at sa mga mamamayan. Pakainin at ibigay ang mga kailangan niya ngunit manatili kang malayo sa kanya. Takpan din ng tela ang kanyang bibig upang hindi sumama sa hangin ang virus mula sa laway niya."

Napasigaw si Azrael. "Bevakasha! Hindi n'yo ito puwedeng gawin sa kanya. Isa siyang panauhin sa kahariang ito. Hindi tamang tratuhin siya nang ganito."

Ngunit tumayo na ang hari at reyna. "Zaila Tov," wika ng mga ito.

"Zaila Tov," tugon naman ng iba pang mga Piritay at saka walang kibong nag-alisan na ang mga ito.

Habang sumasakit ang ulo ni Jewel dahil sa pagkalito ay lumapit naman sa kaniya ang tinawag na Elisha. Maganda ito at sa tingin niya ay parang kasing-edad ng mama niya base sa itsura. Ngumiti ito pagkatapos ay dahan-dahang tinakpan ang kanyang bibig gamit ang isang malinis na puting tela. Ibinuhol nito ang magkabilang dulo ng tela sa likod ng ulo niya.

"Ihahatid na kita sa tutulugan mo ngayong gabi," mahinahon nitong wika.


Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon