Chapter 9.1

1.1K 43 0
                                    

Pagkagaling sa bahay-pagamutan ay niyaya ni Elisha si Jewel na pumunta sa kanilang templo. Katulad ng palasyo ng mga Piritay, maluwang at elegante rin ang bahay-panalanginan ng mga ito.

"Dito ako pumupunta kapag kailangan ko ang tulong at gabay ni Bathala," wika ni Elisha habang umuupo sila sa harap ng altar. "Wala pa akong hiniling na hindi niya ibinigay . Umaasa akong ipagkakaloob niya ang lunas sa karamdaman ng aking anak."

Napangiti siya sa mga tinuran ni Elisha. Walang pagkakaiba ang babaeng Piritay na ito sa isang taong ina na gagawin ang lahat para sa anak.

Tahimik na nanalangin si Elisha habang tahimik lang siya na nagmasid sa buong templo. Nang matapos ito ay saka niya itinanong dito kung sino-sino ang tatlong estatwa ng magagandang babae na nasa gitna ng altar.

"Sila ang tatlong anak ni Bathala. Si Tala ang diyosa ng pagsilang, si Mayari ang diyosa ng kamatayan at si Hanan ang diyosa ng muling pagkabuhay," paliwanag ni Elisha.

"Ano ang ibig sabihin ng muling pagkabuhay sa inyong mga Piritay?" maang na tanong niya.

"Bawat Piritay ay may kalayaang mabuhay muli pagkatapos ng isang kamatayan kung aming nanaisin. Ngunit iyon ay bilang isang tao at hindi bilang isang Piritay. Ibig sabihin, sa pangalawang buhay namin ay hindi na namin tataglayin ang mga kakayahan ng isang engkanto. At tulad ng tao ay makakaranas kami ng pagtanda, pagkakasakit at ikalawang kamatayan.

"Lahat ba ng Piritay na namatay ay nakaranas ng pagkabuhay muli?"

"Hindi. Tulad ng sinabi ko, depende iyon kung gugustuhin namin at nakasalalay iyon sa pagpapasya ni Hanan. Ngunit sa sobrang haba ng buhay naming mga Piritay, bihira ang nagnanais pa ng ikalawang buhay, hindi katulad ninyong mga tao. Naniniwala kaming kung namuhay nang maayos ang isang nilalang, ang isa ay sapat na."

Natahimik si Jewel. Muli na naman siyang namangha sa pagkakaiba ng tao at ng mga Piritay. "Isa pang tanong, Elisha."

"Naghihintay ako," tugon nito.

"Naniniwala ka bang ako ang dahilan ng pagkakasakit ng mga bata sa Terra Incognita tulad ng ibinibintang ni Elyana?"

"Hindi, Jewel. Tulad ng nasabi ko sa iyo noon, naililipat lamang ang lason sa iyong laway sa pamamagitan ng halik. Ngunit hindi ko puwedeng sabihin iyon sa kanila. Wala ako sa posisyon upang magsabi ng isang bagay na pinakaiingatan ng aming mga ninuno."

"Salamat, Elisha."

"Para saan?"

"Nagluwag ang aking dibdib sa kaalamang hindi ako ang dahilan ng sakit ni Kael at ng iba pa."

Ngumiti ang butihing Piritay. "Sana'y sabihin ng hari ang totoo nang sa ganoon ay magbago ang tingin sa iyo ng ibang Piritay sa kahariang ito."

"Sana nga, Elisha. Sana nga..."

Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng Mga Engkantong Pula) PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon