Chapter 19

16.9K 506 17
                                    


DALAWANG araw nang nasa bahay ng mga Rivas si Ella, isang araw namang hindi nakauwi si Devey. Inaasikaso daw nito ang nasasakupan at sinisimulan na nito ang pagtukoy sa kinaroroonan ng mama niya. Dalawang gabi na siyang hindi nakakatulog ng maayos dahil sa pag-aalala sa mama niya.

Lunes ng umaga, alas-otso na siya nagising dahil mag-uumaga na siya nakatulog kagabi. Pagtingin niya sa mga inipon niyang labahin ay nagulat siya nang wala na roon sa banyo. Nagmadali siyang naligo at bumaba. Nadatnan niya si Derek sa sala at nanonood ng telebisyon, habang pumapapak ng hinog na papaya.

"Good morning, ate Ella!" bati nito sa kanya.

"Morning! Si mommy?" aniya.

"Nandoon sa laundry room naglalaba," tugon naman nito.

"Salamat." Pagkuwa'y nagtungo siya sa laudry room.

Napamata siya nang mamataang kinukusot ni Martina ang damit niya. Naunahan na siya ng hiya kaya hindi niya ito kaagad nabati.

"Oh, mabuti gising ka na. May niluto akong almusal sa kusina, kumain ka na," ani Martina, nang mapansin siya.

"Ah, mommy, nakakahiya naman po. Sana hindi n'yo na lang isinama sa mga labahin n'yo ang mga damit namin ni Devey," naiilang na sabi niya.

"Nako, ayos lang. Alam ko namang stress ka. Isa pa, hindi ka dapat napapagod. Kaunti lang naman itong labahan ko, kayang-kaya ko ito. May washing machine naman," anito.

Napangiwi siya. Kaunti pa raw ang limang planggana na puno ng mga labahin, meron pa itong kinukusot at may iniikot pa sa loob ng malaking washing machine. "Eh ang dami po niyan," aniya.

"Okay lang, sanay na ako. Hindi pa ito nangalahati sa mga labahan ko noong kargo pa namin si Devey at may pasok sa eskuwela si Derek. Magagastos kasi sa damit ang mga anak ko, lalo na ang asawa ko. Manang-mana talaga sa ama ang mga iyon. Si Dario? Nako, sa isang araw halos sampung beses magbihis. Araw-araw nga ako naglalaba. Mabuti na lang ngayon dahil nag-asawa na si Devey, segunda iyon kay Dario na magastos sa damit."

"Oo nga po. Magastos sa damit si Devey, pero minsan siya naman ang naglalaba," aniya.

"Aba, lokong bata 'yon, ah. Noong narito pa siya sa amin, ni minsan hindi iyon naglaba kahit isang perasong brief niya. Malaking bagay pala talaga ang pag-aasawa sa mga lalaki ano? Antimanong magbago."

Napangiti siya. Proud naman siya sa asawa.

"Sige na, Ella, mag-almusal ka na bago pa itago ni Derek ang mga pagkain. Ang batang iyon kapag nakitang nakatiwangwang ang mga pagkain sa mesa pinagsisilid niya sa ref."

"Sige po. Kakain muna ako pagkatapos tutulungan ko po kayo," aniya.

Tumango lang si Martina.

Pagdating niya sa dining room ay naroon na si Derek at namumulot ng buto ng papaya na nagkalat sa ibabaw ng mesa. Namangha siya, may binalatan na naman itong hinog na papaya. Ibig sabihin naubos na nito ang kinakain nito kaninang isang platong hiniwang papaya?

"Kain ka na po," sabi nito sa kanya.

Umupo naman siya sa silya na nasa dulo kung saan nakalagay lahat ng pagkain. Marami siyang pagpipiliang ulam. Merong fried chiken, ginisang sayote, pritong itlog at pritong isda. Gulay at pritong isda ang kinuha niya. Maya't-maya ang sulyap niya kay Derek, habang naghihiwa ito ng hinog na papaya. Naglagay ito ng tatlong hiwa sa isang plato. Mamaya'y nagulat siya nang ibigay nito sa kanya ang itinabi nitong tatlong hiwa.

"Dessert po, ate. Naubos ko kasi ang isang buo kanina kaya binalatan ko itong isa pa. Ang iba rito ay para kay mommy, kay ate Denniel at kuya Devey," anito.

...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon