Prologue

22.6K 639 37
                                    


UMUGONG ang kampana ng simbahan na hindi pa natatapos ang seremonya para sa mga mag-aaral ng St. Sebastian High School. Kasalukuyang nagaganap ang communion ng mga estudyante. Nagtatakbuhan na palabas ang ilang estudiyante matapos edeklara na may naglabasang malalaking ahas sa loob ng simbahan.

Dahil sa takot ay hindi na nabitbit ni Ella ang shoulder bag niya, basta na lang siya tumakbo palabas ng simbahan. Hindi na niya mahagilap ang mga kaklase niya. Nagsiksikan na ang mga estudiyante sa gate sa kagustuhang makalabas kaagad. Nang makita niya ang malaking ahas sa kanyang likuran ay bigla siyang nanigas. Hindi na niya maihakbang ang kanyang mga paa.

"Papa!" tanging naisigaw niya, ngunit lalong papalapit sa kanya ang ahas.

Manilaw-nilaw ang kulay ng ahas at mataba ang katawan. Bilugan ang ulo nito. Ipinikit niya ang kanyang mga mata nang pakiwari niya'y tutuklawin na siya ng ahas, subakit may malakas na brasong namulupot sa baywang niya at tinangay siya palayo sa ahas. Hindi na niya maramdaman ang sahig, nakangat na kasi siya. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay dibdib ng isang lalaki ang namataan niya, at umagaw sa pansin niya ang suot nitong pendant na nakasabit sa gold necklace nito. Tumatakbo ang lalaki hayang karga siya, kaya hindi niya masipat ang mukha nito. Nakasubsob na ang mukha niya sa dibdib nito. Ang lakas nito, mabilis tumakbo kaya nahihilo siya sa lakas ng pag-alog ng katawan niya.

Nakatitig pa rin siya sa pendant na suot ng kanyang superman, isang simbulo ng agela na pinuluputan ng itim na ahas, at hawak din ng mga kamay ng agela ang katawan ng ahas. At sa itaas ng simbulo ay may nakaukit na litang 'J' at 'H'.

Mamaya ay bigla siyang nabitawan ng lalaki matapos itong bungguin ng kung sino. Pero mabuti na lang sa mayabong na damuhan siya nito nailaglag. Ang alam niya malayo na sila sa simbahan dahil iilan na lang ang mga taong nagtatakbuhan. Nang mahimasmasan ay tumayo siya. Hinagilap niya ang lalaking tumulong sa kanya.

"Ella!"

Marahas siyang pumihit sa kanyang likuran. Nagningning ang mga mata niya nang makita si Jero, suot nito ang bughaw na sport jacket na palagi nitong suot sa campus. Bughaw ang damit ng lalaki na bumuhat sa kanya. At walang ibang lalaki sa paligid niya kundi si Jero. Halos magkanda-dapa siya sa pagtakbo palapit sa binatilyo.

"Salamat, Jero. Ano, nasaktan ka ba?" sabi niya rito nang mahkaharap na sila.

Hindi siya sinagot ni Jero, "Ano'ng ginagawa mo rito?" sa halip ay tanong nito.

"Ha?" maang niya.

"Bakit hindi ka pa tumatakbo at umuwi sa inyo? Sino pang inaasahan mo na susundo sa iyo? Nagkakagulo na sa buong bayan!" sermon pa nito sa kanya.

Hindi niya ito maintindihan. "M-mag-aabang na ako ng sasakyan. Pero salamat sa pagsagip sa akin, ah?" sabi na lamang niya.

Hindi lamang umimik si Jero.

Habang lulan siya ng jeep ay panay ang tawag niya sa papa niya gamit ang kanyang cellphone. Hindi pa rin siya nito sinasagot, kahit ang mama niya, wala ring sagot. Pagdating niya sa bahay nila ay nagtataka siya bakit inilalabas ng mga tao ang mga gamit nila.

"Manong, ano pong nangyayari?" tanong niya sa lalaki na nagmamando sa mga kalalakihan.

"Binabawi na po ng bangko itong bahay ninyo. Ilang buwan na kasing hindi nagbabayad si Mr. Kim sa housing loan niya," tugon ng lalaki.

Bigla siyang nanlumo. Saan na sila titira? Pinuntahan na niya sa opisina nito ang papa niya. At isang masamang balita ang tuluyang gumuho sa masayang mundo niya. Nadatnan niyang humahagulgol ang mama niya habang isinisiwalat ang nangyari sa papa niya. Dinampot umano ng mga kalalakihan ang papa niya. Hindi niya nailuha ang kanyang emosyon, sa halip ay nanigas ang puso niya. Tulalang nakatitig lamang siya sa kanyang ina. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman.

...Where stories live. Discover now