Chapter 16 (Unedited)

15.7K 482 7
                                    



DALAWANG araw na sila Ella sa safe house. Naroon ang papa niya kaya okay lang kahit doon na muna sila. Bahala nang magpaliwanag si Devey kay Jero tungkol sa pagliban niya sa trabaho. Maya't-maya niya binibisita ang papa niya at sa bawat dalaw niya ay may improvement na. Nagagawa na nitong ngumiti sa tuwing nginingitian niya.

Marami nang nagawa sa maghapon si Ella, pero si Devey ay hindi pa lumalabas ng laboratory. Nakahanda na ang hapunan. Nang hindi pa rin lumalabas si Devey ay pinuntahan na niya ito sa laboratory pero hindi siya makapasok. Hindi kasi rehistrado ang finger print niya sa machine para mabuksan niya ang pinto. Nagkasya na lamang siyang sinisilip sa labas si Devey buhat sa salaming binata.

Nakasuot ng laboratory gown si Devey, may suot na mask at hairnet. May ginagawa itong mga likido na naglilikha ng bughaw na usok. Ngayon lamang siya humanga ng husto sa asawa. Kung tutuusin, wala siya sa kalingkingan ng talino nito. Kaya tama ang sabi ng iba na inulanan siya ng swerte.

Hindi niya maaabala si Devey kaya nauna na siyang kumain. Kanina pa kasi siya nagugutom. Dinalahan din niya ng pagkain ang papa niya. Pagkatapos ng hapunan ay pumanhik na siya sa kuwarto at naghugas ng katawan.

Kung kailan nakahanda na siyang matulog ay saka naman niya naramdaman ang pag-init ng batok niya. Pilit niyang tinitingnan ang sinasabi ni Devey na marka sa batok niya. Kumuha siya ng isa pang salamin na kasama sa face powder niya, saka humarap siya sa malaking salamin. Itinaas niya ang kanyang buhok saka sinilip sa salaming magkaharap ang batok niya. Nakita niya sa wakas ang itim na laso. Ngayon lamang niya iyon napansin. Pero imposibleng hindi iyon napansin ng mama niya noon, eh madalas naman mama niya ang gumugupit ng buhok niya at nag-aayos sa kanya.

Sinunod niya ang payo ni Devey, na kapag ganoong umiinit ang batok niya ay lapatan niya iyon ng yelo na nakasilid sa ice bag. Nang kumalma ang init ay humiga na siya sa kama. Dagli siyang ginupo ng antok.

NAGISING si Ella nang sumpungin na naman ng init ang batok niya. Bumangon siya at bumaba. Natunaw na kasi ang yelo na dinala niya kanina sa kuwarto. Ala-una na ng madaling araw. Hindi niya makita si Devey kaya pumunta na naman siya sa laboratory, habang nilalapatan niya ng yelo ang batok niya.

Pagdating sa tapat ng laboratory ay sumilip siya sa salaming bintanang bilog. Nagulat siya nang makita niya si Devey na pinagbabasag ang mga test tube na ginagamit nito. Iritang-irita ito at alam niya nagsisigaw kahit hindi niya naririnig. May kung anong kumukurot sa puso niya, habang pinagmamasdan ang nagwawalang asawa. Hindi naman siguro dahil sa expiremento nito ang dahilan ng inis nito. Napapansin niya ang luha sa pisngi nito, habang nakaluklok na ito sa sahig at sinasambunutan ang sariling buhok.

Pinukpok niya ang salaming binata upang makuha ang atensiyon nito, ngunit hindi siya naririnig. Nag-aalala na siya. Naghanap siya ng mga tauhan pero wala siyang makita. Pagbalik niya ay ganoon na lang ang gimbal niya nang mamataan niya si Devey na may nakakakilabot na anyo. Nagkaroon ito ng mahahabang pangil. Kinakagat nito ang sariling braso nito. Ang dugong lumabas sa balat nito ay lumiyab nang pumatak sa inipon nitong ginupit-gupit na papel.

Nangatala ang buong katawan niya. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Paano siya tumanggap ng lalaking hindi niya kauri? Isang lalaking halimaw na kinakatakutan ng lahat. Ang pag-aalala niya kay Devey ay nahalinhan ng takot. Lumayo siya sa lugar na iyon at tumakbo pabalik sa kuwarto nila.

Hinagilap niya ang cell phone niya sa kanyang bag ngunit hindi niya makuha-kuha buhat sa labis na panginginig ng katawan niya. Ibinuhos na lang niya ang laman ng bag. Subalit sa halip na cell phone ang dadamputin niya ay ang antic na coin ang umagaw sa pansin niya na biglang kuminang. Kinuha niya ito. Habang matagal niyang hawak ang coin ay umiinit ito.

...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon