01-The Heiress-

4K 64 4
                                    

Kabanata Isa

The Heiress

"K! Ano'ng petsa na? Wala ka ba talagang balak bumangon d'yan?"

Nagising si Kisses sa malakas na boses ng kababata niyang si Diane. Naramdaman niya rin ang pagyugyog nito sa kama. Ang hyper din talaga nito kahit kailan.

"Hmmm. Inaantok pa ako, D," reklamo niya kasabay ng pagtatalukbong ng kumot sa kanyang mukha.

Nang hindi nakuntento ay hinila ni Diane ang pobreng kumot palayo.

"Diane, naman, e!" maktol niya ngunit humalakhak lamang ang kaibigan. Iminulat ni Kisses ang kanyang mga mata pero kaagad ding pumikit nang masilaw sa liwanag mula sa bintana.

Ano kayang oras na?

"Alas otso na po, Mahal na Prinsesa," sarkastikong sabi ni Diane pagkatapos ay umirap. Sinapak niya tuloy.

Ganoon ang senaryo sa umaga ng bawat araw. Naging responsibilidad na yata ni Diane ang gisingin siya. Malaki ang pasasalamat niya rito. Kung wala ang kanyang best friend, tiyak na lagot na naman siya.

"Ano'ng oras ka ba natulog, Kisses?" tanong nito habang tumutulong sa pagliligpit ng higaan.

Ikinibit ni Kisses ang mga balikat bilang tugon.

Umiling si Diane. Siguradong alam nito ang isasagot sa sariling tanong. Sanay na naman ito na madaling araw na siya nakakauwi.

Kung tutuusin, hindi naman talaga dapat ganoon ang sitwasiyon. Hindi siya dapat pumapasok sa trabahong pang-gabi... ngunit dahil walang magawang matino ang kapalaran ay napili nitong pagtrip-an ang buhay niya.

"Kapag nalaman ng daddy mo ang mga pinaggagagawa mo, patay ka," pagbabanta ni Diane. Bilang ganti ay binato niya ito ng unan, mabilis itong umilag.

"Hindi ko siya tatay," malamig niyang tugon saka pinagpatuloy ang ginagawa. "Foster father ko lamang siya." Mariin ang bigkas ni Kisses ng bawat salita. Pilit niyang itinago ang totoong nararamdaman.

"Kahit kailan ay hindi ko siya magiging tatay. Kahit pa magunaw ang mundo," halos mabasag ang boses niya. Ang malamig na ekspresiyon sa kanyang mukha ay napalitan ng lungkot. Nanginginig ang mga kamay at halos magusot ang kumot na tinutupi.

"Okay ka lamang ba, Ateng?"

Nanginginig pa rin ang kanyang kalamnan. Hindi niya magawang tumugon.

"I'm sorry, Kisses."

"Don't be. Okay lang ako."

Tinangka ni Diane na humakbang. Umiling si Kisses. "I'm fine."

Sino ba talaga ang niloloko ko? Ang sarili ko o si Diane? Hindi ako okay at kahit kailan hindi ako magiging okay hangga't hindi ako nakakawala sa poder ng mga walanghiya.

Binalingan niya ang kunot-noong kaibigan, hindi ito nakumbinsi.

Huminga siya nang malalim at pilit pinigilan ang mga nagbabadyang luha. Kumalabog ang puso niya sa lungkot at unti-unting pagbalik ng mga alaala. Nag-init ang ilalim ng kanyang mga mata.

Hindi siya maaaring umiyak ngayon. Hindi siya mahina. Hindi siya puwedeng maging malambot.

Tuluyan nang lumapit si Diane at ikinulong siya sa mga bisig. Nabitiwan niya ang kumot na hawak. Alam niyang guilty ito dahil alam nitong ayaw niyang napag-uusapan ang tungkol sa kanyang sitwasiyon.

"I'm really sorry, Ateng."

Kumalas siya sa pagkakayakap at bahagyang ngumiti.

Muling umiling si Diane. Siguro nga ay matagal na silang magkasama kaya nababasa nito ang bawat kilos niya, kahit pagngiti ay alam nito kung alin ang totoo at hindi.

Pero ngumiti pa rin siya. Hilaw at pilit ang pagkakakurba ng kanyang labi. "Ano ka ba, Ateng? Okay lang ako. Ako pa! It's just that..." nahinto siya, kumurap at kumurap ulit para pigilan ang luhang gustong tumakas.

"Namimiss ko lang si Papa."

Hinawakan nito ang magkabila niyang braso. "You'll get through this. Malapit ka nang mag-eighteen."

"Yeah, mawawala na ang sumpa sa eighteenth birthday ko."

"Tama! Dalawang buwan na lamang, magigising ka na mula sa iyong masalimuot na bangungot, Cinderella."

Tumikwas ang kilay ni Kisses. Seriously?

"Ang epic ng mukha mo, Kisses, kung makikita mo lang ang hitsura mo," humalakhak ulit si Diane. Sinapak uli ni Kisses pagkatapos ay ngumiti.

Nakangiti siya dahil hindi na niya mahintay ang pagdating ng kaarawan pero sa tuwing naaalala ang mga dahilan kung bakit umabot sa ganoong sitwasiyon ay muling bumabangon ang lungkot at iritasiyon sa kanyang kalooban.

"Mauna ka na sa kusina. Susunod na lang ako."

Itinulak niya si Diane palabas ng silid. Hindi na ito nagprotesta, marahil ay maraming gagawin.

Ayaw niya ring makita nito ang papabagsak niyang luha. Akala niya ay napigilan niya, pero may gusto pa ring tumakas.

Umupo siya sa gilid ng kama at lumingon sa picture frame na nakadisplay sa lamiseta sa gilid nito.

"Papa, kaunting tiis na lang. Mababawi ko rin kung ano'ng sa atin. Ikaw naman kasi e! Ang adik lang ng mga kondisiyon mo sa last will and testaments."

Hindi niya napigilan ang nag-uunahang mga butil ng luha. Pinalis niya ang pagkabasa ng kanyang pisngi ngunit patuloy ang pagdaloy ng likido. Nakatingin lamang siya sa larawan. Maglalabinlimang-taon na mula nang mawala ang ama sa buhay niya.

Tatlong taong gulang si Kisses noong namatay ang kanyang ama sa isang plane crash accident. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung nasawi ba ito o nakaligtas. Basta, ang alam niya, wala kahit ang anino man lang nito sa loob nang mahigit labing-apat na taon. Binawian naman ng buhay ang kanyang ina noong ipinanganak siya.

Naiwan sa kanya ang lahat-lahat ng ari-arian ng mga magulang. Mga malalawak na lupain, bahay at ang plantasiyon ng mga bulaklak.

I, Kisses Constantino, am an heiress— tagapagmana ng maraming kayamanan.

Ngunit dahil sa kondisiyon sa last will ng mga magulang ay hindi niya maramdaman ang pagiging heredera.

Musmos pa siya noong tuluyang maulila. Paano nga ba patatakbuhin ng isang batang babae ang malaking kompanya at pamamahalaan ang mga assets nito? Isang bata na para sa iba ay wala pang alam sa mundo. Ano nga ba'ng alam ng isang three-year old sa bentahan sa stock market?

Simula noon ay nagpalipat-lipat siya sa mga kamag-anak ng ama. Wala siyang kilala sa mga kamag-anak ng kanyang Mama. Hindi na niya nakilala pa ang mga ito dahil busy ang ama sa trabaho at bitter sa pagkawala ng kanyang ina.

Pabago-bago ang pamilyang nag-alaga sa kanya. Walang nakakatagal sa pagiging spoiled brat niya. Sinisigurado niyang nakukuha niya ang lahat ng gusto. Kapag ayaw niya sa tagapangalaga ay madaling napapalitan. Gumagawa siya ng kung anu-anong dahilan para makawala.

Ngunit nahinto iyon noong napadpad siya sa mga Agustin. Pitong taon lamang siya nang nalaman na may kapatid ang kanyang Papa. Isang araw ay bigla na lamang itong sumulpot. Kahit gaano katigas ang ulo niya ay hindi niya ito nagawang pasukuin sa pangangalaga sa kanya. Dahil nga kapatid ng kanyang ama ang bagong guardian ay hindi na talaga siya nakawala.

The rest was history.

Kailangan niyang hintayin ang pagdating ng ika-labing walong kaarawan upang makuha ang legal rights sa kanyang inheritance at para mawala na rin sa buhay niya ang pamilyang nagpapahirap sa kanya sa loob ng sampung taon.

Hindi na siya makapaghintay. Kaunting tiis na lang, makakalaya rin siya.

Captivated By Your KissTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon