❝Kumpetisyon❞

2.8K 77 6
                                    

[ Ito ay inspirasyon mula sa isang Facebook post ni chisenpai patungkol sa isang dating matalik na kaibigan ]


Sa apat na sulok ng aking silid,

Habang hatinggabi 'y hinihintay na sumapit

Isa, dalawa, tatlo, sabay hinga ng malalim,

Inihanda ko ang sarili na ika 'y alalahanin.


Ang araw na iyon ay hindi ko maliligtaan,

Doon ako nag-umpisang maging isa sa karamihan

Ikaw pa nga ang nagpumilit na ako 'y mapabilang,

Dahil sa iyo hindi ko na natanggihan.


Sa mundong iyon pala ikaw ay kilala,

Naging isa pa nga ako sa libo-libo mong tagahanga

Sa lahat ng tao ika 'y ipinagmalaki ko,

Ang paghanga kong iyon ay sadyang totoo.


Ako 'y napahanga rin ng mga gawa ng iba,

Nakakatuwa na paminsa 'y mapansin ng tulad nila

Kahit sa gano'n lang ay masaya na ako,

Nang mga panahong iyon, ako ay kuntento.


Tatlong taon mula ngayon, aking binalikan,

Naaalala ko pa, iyon ay gabi ng kapaskuhan

Sinabi ko sa 'yo na ako ay susubok rin sa ganitong larangan,

Ikaw ay nagalak at ako 'y sinuportahan.


Kahit kakaunti ang tagahanga, ako pa rin ay masaya,

Dahil alam kong ikaw ang una kong tagabasa

Dumami man sila ay hindi ko alintana,

Ikaw naman talaga ang para sa akin ay mahalaga.


Ngunit taon na ang lumipas at ako ay nagtaka,

Bakit ba tila parang nagbago ka na?

Ni hindi mo na ako matignan sa mata,

Ni anino mo hindi ko na masilayan pa.


Isang araw, sa inyo ako ay dumalaw,

Subalit ang sabi 'y makausap ako ay ayaw

Mas pinili mong iba ang makasama,

Pagkakaibigan natin tila hindi na mahalaga.


Pero ako naman ay hindi pa rin sumuko,

Ninais kong malaman kung ano ang dahilan mo

Naghintay ako ng 'yong sagot hanggang kinabukasan,

Sakit pala imbes galak ang aking mararamdaman.


Ang sabi mo 'y sana noon hindi mo na ako pinilit,

Ngunit ang malamangan ka 'y 'di sumagi sa isip

Inakala mo na ako 'y nakikipagpaligsahan,

Ito pala ang dahilan kung bakit ka nagkaganyan.


Sa t'wing ikaw ay may naaabot,

Narito ako 't suportado sa iyong likod

Doon ko naintindihan na kapag ako naman,

Kahit kailan ay hindi ka nasiyahan.


Ganoon na lamang ba, aking kaibigan?

Isang kumpetisyon ang ating pinagsamahan?

Ni minsan ba ako 'y naging mahalaga sa 'yo?

Pagkakaibigan ba natin para sa 'yo ay laro?


Sa halip na magalit, inintindi na lang kita,

Kung iyon ang tingin mo, wala na akong magagawa

Iyo lamang pakantandaan, ikaw ay aking minahal,

Bilang kaibigan mo, ikaw ay aking pinahalagahan.


Kahit pa kakumpetisyon ang iyong tingin sa akin,

Kahit kailan hindi ako nagkimkim

Hanggang sa ngayon ito ang dalangin,

Ang mapabuti ka at malayo ang marating.

Lyrical Paradox | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon