XXX: History

1.1K 44 2
                                    

Kalagitnaan iyon ng tag init. Sa malalim ng gabi kung saan bilog ang buwan ay naglalakbay sa madilim na kalsada ang isang karwaheng patungo sa Esteryo.

"Zhamir, sigurado ka bang dadaan pa tayo ng Esteryo?"

"Ilang ulit ko bang kailangan sagutin iyang tanong mo Abel?" iritadong tugon ni Zhamir sa kaniyang kasamang si Abel na mas bata sa kaniya ng ilang taon.

"Eh ano naman ba kasing gagawin ng Heneral na tulad mo sa Esteryo? Maghahanap ng babae? Mas maraming maayos na babae sa Kapitolyo ano! Kung iyon lang pala ang hanap mo sana sinabi mo na lang sakin."

"Sira! May malalim na dahilan si Zhamir kung bakit gusto niya pumunta sa Esteryo." saad naman ni Kain, ang kakambal ni Abel.

"Huh? Ano naman iyon?"

"Hindi mo ba alam ang bali-balita noong nasa akademya pa lamang tayo? May babaeng iniibig si Zhamir na nakilala niya sa Esteryo. Iyon ang dahilan kung bakit ginusto niyang maging Heneral." paliwanag ni Kain sa kambal.

"Totoo ba iyon Zhamir?" hindi makapaniwalang tanong ni Abel.

Si Abel at si Kain, kambal na lalaki na nakilala ni Zhamir sa akademya na kaniyang pinasukan sa Kapitolyo. Mas bata sa kaniya ang mga ito ng tatlong taon. Kilalang kilala ang kambal sapagiging mapaglinlang. Madalas nilang ginagamit ang pagiging kambal nila upang makapang daya noong nag aaral pa lamang sila. Matagal na ang lumipas na taon nang sila'y magtapos ng pag aaral ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring trabaho ang kambal dahil sa kanilang katamaran.

"Manahimik na nga kayong dalawa." inis naman na saad ni Zhamir.

"Ngunit halos labing pitong taon na ang nakakalipas at hindi ba't ilang beses ka nang pumunta ng Esteryo at ni anino ng babaeng iyon ay hindi mo nakita?"

Napayuko si Zhamir dahil sa binigkas ni Kain dahil alam niyang isa iyong mapait na katotohanan.

"Grabe! Ang tagal na pala noon! Eh ano bang pangalan nitong babaeng nagpahulog sa ating Heneral?" tanong ni Abel.

"Ano nga ba iyon .. teka .. Alice? Arinian? Ano nga ba yun... Ali-ali---"

"Inia, Alinia ang buo niyang ngalan.." pagtatama ni Zhamir.

"Anong nangyari't hindi kayo nagkatuluyan?" tanong muli ni Abel.

" .....Ang sabi niya'y kailangang maging Heneral muna ako bago niya ako pakasalan."

"Iyon ang dahilan kung bakit pilit mong inagaw sa iyong kapatid ang pwestong Heneral na sa kaniya dapat ibibigay ng inyong ama." bigkas ni Kain. "Eh paano nga pala ang nais ng iyong ama?" dugtong pa nito.

"Ang tinutukoy mo ba ay ang nais niyang magpakasal na ako? Wala akong balak na sundin siya."

"Paano iyon? Sinong magmamana sa posisyon mo bilang Heneral balang araw? Alam mo naman na gusto ng iyong ama na manatili ang posisyong iyan sa inyong pamilya." tanong nanaman ni Abel.

"Hahayaan mo bang ang anak ng iyong kapatid ang magmana? Iyong bubwit na si Hemir?" dugtong pa ni Kain.

"Sa ngayon iyon ang nakikita kong posibleng mangyari ngunit hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari sa kinabukasan." Matapos niyang bigkasin iyon ay pumikat na si Zhamir, kunwari'y iidlip upang hindi na siya abalahin pa ng kambal. 

Si Zhamir Hans ay ang binatilyong nangako kay Alinia na babalikan niya ito at iaalis sa Esteryo. Ginawa ni Zhamir ang lahat ng kaniyang makakaya upang maging isang Heneral. Kinalaban niya ang sarili niyang Kuya para lamang sa posisyon na iyon. Dugo at pawis ang kaniyang nilaan, matupad lamang ang kaniyang pangako kay Alinia. Ngunit inabot ito ng sampung taon. Nang naging Heneral si Zhamir, agad siyang nagtungo sa Esteryo upang hanapin si Alinia pero wala na ito doon. Pilit niya itong ipinagtanong tanong ngunit ni isa ay walang nais na magsabi sa kaniya kung ano ang nangyari sa babaeng kaniyang mahal. Ilang beses siyang nagpabalik balik sa Esteryo, nagbabakasakaling makikita niya si Alinia na hanggang ngayo'y hindi niya pa rin alam kung nasaan.

EUTI: Treaty of PeaceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon