Chapter Nine

8.6K 304 48
                                    


"MISS ALACANTARA, why are you still here?"

Pakiramdam ni Kayla ay nalunok niya ang tinig niya at hindi niya nagawang makapagsalita kaagad at nakatitig lamang siya sa guidance councilor ng paaralan.

"Miss Alcantara?" pag-uulit ni Mrs. Isabel Montano. "Are you okay? Namumutla ka."

"I-I'm okay, ma'am," sa wakas ay natagpuan niya ang boses niya. Doon lamang siya napabitiw sa door knob. "May narinig lang po kasi ako. Pauwi na rin po ako at kukuhanin ko na lang iyong mga gamit ko sa locker."

Tinanguan siya nito. "Huwag nang magtagal pa, Miss Alcantara," anito bago siya lagpasan.

Pinagdaop ni Kayla ang mga palad niya nang maramdaman niya ang panginginig ng mga iyon. Hindi pa rin bumabalik sa normal na pintig ang puso niya. Tila ba tumakbo siya ng pagkalayu-layo.

Sandaling iniwanan niya ng sulyap ang janitor's room bago siya nagpatuloy sa locker. Hindi niya maipaliwanag ang nangyari at ang kakaibang takot na bumabalot sa dibdib niya. May masamang kutob siyang nararamdaman.

Tila ba may hindi magandang mangyayari.

Na meron bagay na parating pa.

Nakakatakot.

At masama.


ALAS NUEBE na nang gabi nang isakay si Gilbert ng taxi ng mga barkada niya. Hindi siya pinayagan ng mama niya na mag-overnight kina Rico. Naka-school uniform pa rin siya at noon pa lang siya uuwi simula nang maaga silang pauwiin kanina sa eskuwela dahil sa nangyari kay Mr. Barde.

Dahil sa nakainom ay bahagyang nakaidlip si Gilbert sa backseat ng taxi. Nagising ang diwa niya nang mag-ring ang cellphone niya. Dinukot niya iyon sa backpack at nakita niyang tinatawagan siya ni Irene. Nang mabalitaan kaagad ng mga magulang nito ang nangyari kay Mr. Barde ay kaagad itong sinundo sa campus at hindi na pinayagang makasama sa kanila kina Rico.

"O, Irine?" aniya nang sagutin niya ang tawag.

"Gilbert..." anito sa halos pabulong na tinig.

"May problema ba?"

Matagal na sandali ang lumipas bago ito sumagot. "Magkakasama pa ba kayong lahat?"

"Sina Kate at Brennen naiwan kina Rico. Pinauuwi na kasi ako sa bahay ni Mommy. Bakit?"

"Naguguluhan kasi ako at sunud-sunod na ang nangyayari. Tapos 'eto pang nangyari kay Mr. Barde..." Muli na namang natahimik ang kabilang linya ni Irene. "Teka, nasaan ka ba?"

"Nasa taxi ako."

"Bakit ang weird ng music d'yan? Kanina ko pa naririnig..."

"Ano bang pinagsasabi mo? Wala namang tumutugtog, e," natatawang paliwanag niya rito. "Nakapatay 'yong radyo ni manong."

"Gilbert, meron."

Sandaling inilayo niya ang cellphone sa tainga. 

Tahimik.

"Hindi mo ba naririnig? Ang lakas-lakas kaya..."

"Irene, walang tumutugtog," mariin niyang paliwanag dito. Hindi niya alam kung bakit nagsisimula na siyang kabahan. "Patay ang stereo sa taxi," pag-uulit pa niya.

Forget Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon