Chapter 51: Pangalawang Pagkakataon

10.1K 346 47
                                    



Takot at kaba.

Iyon ang unang naramdaman ko pagkabanggit ni Lady V na pupunta kami ngayon sa Simeria. Napabuntong hininga na lang ako. Napakatagal na nang aksidenteng mapadpad ako doon. Masakit din ang naging karanasan ko doon at ayaw ko na sana 'yong balikan.

Sa buong buhay ko, hindi ko inakalang makakabalik pa akong muli sa Simeria. Noon kasing umalis ako sa Simeria ay nangako ako sa sarili ko na hinding hindi na ako babalik. Ayoko nang muling pagdaanan ang mapait na sinapit ko sa hari. Pero ngayon, bakit parang isa akong masunuring bata na nakabuntot kay Lady habang binabagtas namin ang malawak na masyon papunta sa likod ng bahay kung saan naroon ang lagusan.

Nakita kong inilapag ng driver si Axel sa kanyang maliit na higaan. Halatang inantok siya sa byahe pero parang nagmamakaawa siyang nakatingin sa akin habang palayo ako. Ewan ko ba, 'pag nakikita ko si Axel mas lalo kong nami-miss si Pio. Mahal na mahal niya kasi si Axel.

Bakit nga ba ako ipinatawag ng reyna? Para ba parusahan ako? Hindi ba nagparaya na ako. Isinuko ko na si Pio sa kanila. Ano pa kaya ang kailangan nila? At no'ng tinanong ko si Lady V kung okay na si Pio sabi niya hindi. Pinaparusahan pa rin ba siya ng hari hanggang ngayon?

Malamig na ang gabi, mabuti na lang talaga at naisipan kong mag-jacket. Kahit nga si Lady V ay nakasuot na rin ng Cardigan at scarf sa leeg niya. Panay ang tingin ko sa kanya ngunit wala siyang kibo. Parang malalim ang iniisip niya.

Mula sa likod bahay ay natatanaw ko na ang linawag na nagmumula sa lagusan. Sigurado ako na galing 'yon doon, walang iba. Sinimulan namin ang paglalakad papunta sa lagusan habang nakaalalay ako kay Lady V. Madilim kasi dito pero sapat na ang liwanag na binibigay ng lagusan para makita namin ang daan.

Habang papunta kami doon ay naisipan kong mag-iwan ng text message kan Simon: I might be gone for a few days. I'll explain when I get back. Please cover for me. Hindi ko sigurado kung mababasa niya ito ngayon dahil malamang nasa gimikan 'yon pero ang importante malaman niya na okay ako. Kahit kasi loko-loko 'yon ay alam kong nagmamalasakit sa akin 'yon at mag-aalala sa kapag matagal akong nawala ng walang pasabi.

Ibinubulsa ko ang cellphone ko nang may marinig akong kaluskos. Mahina lamang iyon pero nararamdaman kong may sumusunod sa amin. Nasundan ba kami? Ang alam ko ay imposibleng may makapasok na ibang tao dito dahil sa higpit ng seguridad. Kinabahan ako at sa tingin ko narinig rin yata ni Lady V kaya pareho kaming lumingon para hanapin ang pinanggagalingan ng tunog.

Nagulat na lang kami nang makita namin si Axel na nakasunod sa amin.

"Axel?" Sabay naming sabi ni Lady V at nagkatinginan kami. Gusto kong mainis pero hindi ko magawa. Ang amo-amo kasi ng mukha niya. "Sandali lang po, iuuwi ko muna si Axel." Paalam ko kay Lady V at agad kong kinarga si Axel para sana ay iuwi siya sa mansyon.

"No. Bring him along. The portal will not stay open for long." Sagot ni Lady V.

"Ha? Isasama natin siya? Sigurado po kayo?" Tanong ko kay Lady V.

"Yes." Sagot niya na walang sinasayang na oras.

"Sige po tuloy ." Sagot ko. "Hala. Ikaw kasi. Bahala ka, magugutom ka do'n." Bulong ko sa aso na tahimik lang at parang nagi-guilty rin sa ginawa niya.

Ano kaya ang madaratnan namin doon? Ano ba ang binabalak ng reyna? Alam kaya ito ng hari? Alam kaya ni Pio na darating ako? Ito ang mga tanong sa isip ko habang papalapit kami sa lagusan. Kamangha-mangha pa rin talagang pagmasdan ang lagusan. Isa itong malaking hiwaga. Ang mundo sa kabila nito ay isang malaking kababalaghan.

Sumunod na ako kay Lady V sa pagpasok sa lagusan. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Naghalo-halo ang pagkamangha, takot, kaba at pagkasabik ang nararamdaman ko. Humawak ako sa kamay ni Lady V at hinigpitan niya naman ang hawak sa akin. Sa isang iglap ay nakarating kami sa malaking bulwagan na hanggang ngayon ay pamilyar pa rin sa akin na parang kahapon lang nang huling makapunta ako dito.

Ang Boyfriend Kong Engkanto (Published by Bookware)Where stories live. Discover now