Chapter Eight

321 17 1
                                    

MAAGA akong pumunta ng Supreme Court ng Planium para sa paglilitis na magaganap. Nag-file kasi ang mga empleyadong sinibak ko noon ng illegal dismissal. Ang natanggap kong sulat kahapon isang sub poena, sulat kung saan sina-summon ako ng Korte para sa paglilitis.

"Maiwan na muna kita," sabi ko kay Clem noong nasa tapat na kami ng isang pinto. Tumango naman ito sa akin.

Humarap ako sa pintong nasa tapat namin. Sumandal naman si Clem sa pader na katapat din ng pinto. Kumatok ako ng tatlong beses.

"Come in."

Pumasok ako sa loob ng kwarto. Nabungaran ko ang isang lalaking nagbabasa ng mga papeles sa mesa nito. Nang isara ko ang pinto ay saka lamang ito nag-angat ng tingin sa akin.

"Why Marion, take a sit," nakangiting aya nito sa akin. Prenteng sumandal ito sa kanyang upuan habang ako naman ay umupo sa tapat nito.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa," panimula ko habang matamang nakatingin sa kanya. "Gusto kong ipanalo mo ako mamaya."

Tumawa ito sa aking tinuran. "At ano naman ang makukuha ko rito, Marion? Alam mong hindi ako nagbibigay ng walang kapalit," nakangiting sagot nito sa akin.

"Doon ko na lang ibibigay sa opisina ko. Hindi pwede rito."

Ngumiti ito sa akin at saka tumango.

"Mauna na ako sa Court room, Henry," paalam ko rito.

Lumabas ako ng opisina nito at dumiretso na sa Court room kung saan gaganapin ang hearing ng kaso. Sumunod naman agad sa akin si Clem.

Halatang may gustong sabihin si Clem dahil sa pasulyap-sulyap nito sa akin. Pero kita rin sa kanya ang pag-aalangang magsalita. Nang hindi na ako makatiis ay tumigil ako sa paglakad at hinarap ito.

"May gusto ka bang sabihin?" tanong ko rito.

"Ah, eh..." Pinaglaruan nito ang laylayan ng suot nitong damit marahil dahil sa kaba. Tinaasan ko naman ito ng kilay na ikinalunok nito.

"Kung ayaw mong magsalita, mauna na ako," sabi ko rito at tinalikuran na ito.

Nang matapat ako sa pinto ng Court room ay nakasabay ko pa ang mga nagrereklamo sa akin, ang mga dati kong empleyado sa pangunguna ng tumatayong lider ng kanilang union, si Marcus.

Mataman kaming nagkatinginan. Napakaseryoso ng mukha nito, na biglang nagusot nang ngisihan ko ito. Ako na rin ang pumutol ng nag-iinit naming tinginan at binuksan na ang pinto.

Bumungad sa amin na naroon na ang abogado ng bawat kampo at ang mga taong interesado makita at marinig kung ano ang kahahantungan ng kasong ito.

Dumiretso ako sa upuang para sa akin katabi ng abogado kong si Nile at sa kanan ko naman umupo si Clem.

"Lahat tayo ay tumayo at magbigay-pugay kay Judge Henry Soliman."

Tumayo nga ang lahat at yumuko nang pumasok ang hukom sa loob ng Korte. Dire-diretso itong pumunta sa mesa nito.

"Umpisahan natin ang paglilitis sa pangunguna ng mga nagsakdal."

Tumayo si Marcus at pumunta sa upuan para sa mga magsasalita ng kanilang panig. Sumunod naman rito ang abogado nito.

"Paano ba nag-umpisa ang lahat, Mister Jerusalem, bago kayo humantong sa korteng ito?" paunang tanong ng abogado nito.

"Nag-umpisa lahat sa MAC Hotel," sagot ni Marcus. "Ako, kasama ang mga kasapi ng unyon, ay dating trabahador ng MAC Hotel. Noong una ay masaya kami at masasabing nagyayabang dahil dito. Sino bang hindi? Sa isang sikat na hotel kami ng tatrabaho. Naging maayos din naman ang mga unang taon namin sa serbisyo hanggang sa isang pangyayari. Tumaas ang bilihin, nagmahal ang transportasyon, ipinanukala na rin ang pagtaas ng sweldo pero ang amin ay hindi nagbago." Tumingin sa akin si Marcus. "Akala namin ay nahuli lang ang abiso kay Mister Cervantes kaya naghintay na lang kami. Hindi namin akalaing isang taon na ang lumilipas ay hindi pa rin nagtataas ang mga sweldo namin."

"Ano naman ang mga hakbang na ginawa mo dahil sa isyu?" tanong uli ng abogado na ikinatingin dito ni Marcus.

"Nagbigay kami sa kanya ng imbitasyon para sa isang collective bargaining. Pero hindi niya kami tinugon. Nagbigay uli kami sa kanya hanggang sa kami na lang rin ang napagod. Nagresulta ito sa isang strike."

"Strike? Nag-strike kayo sa anong kadahilanan?"

"Unfair labor practice. Hindi kami pinapasweldo ng tama. Tumataas ang mga bilihin at hindi na sumasapat para sa mga pamilya namin ang sinusuweldo namin. Akala namin kaya namin tiisin pero hindi pala."

"Paanong umabot kayo sa korteng ito?"

"Dahil sa illegal dismissal! Pagkatapos naming magwelga sa tapat ng hotel nito ay sinibak kaming lahat ng taong iyan!" sigaw ni Marcus na napatayo pa sa upuan nito habang nakaturo sa akin. Tinitigan ko lang naman ito. "Hindi lang union busting ang naganap, lahat kami ay nawalan ng trabaho!"

"Iyon lang po ang maitatanong ko sa nagsakdal, your Honor," sabi ng abogado nito habang nakayuko kay Henry. "Malinaw na isinaad ng kampo ng nagsakdal na isang unfair labor practice ang naganap kaya sila nagwelga laban sa may-ari ng hotel, your Honor."

Tumango naman si Henry rito. Lumingon naman ito sa gawi namin. "Hayaan naman nating tanungin ng nasasakdal ang mga nagsakdal."

Tumayo ang abogado at lumapit kay Marcus.

"Isa lang naman ang tanong ko," paumpisa ni Nile. "Legal ba ang pagsasagawa niyo ng strike?"

Nanlalaki ang mga matang napatingin si Marcus rito at parang pinagpawisan. Napangisi naman ako. Yumuko ito at halatang pinagpapawisan pero hindi pa rin ito sumasagot.

"Your Honor," tawag ni Nile sa atensyon ni Henry. "Bago natin alamin ang lahat ng dahilan ng mga taong ito para magwelga, alamin muna natin kung sila ba ay pinahintulutan na magwelga. Base sa aking imbestigasyon ay hindi nag-undergo ng tamang proseso ang strike ng unyong ito. Wala silang kaukulang permiso mula sa Department of Labor para magwelga. Para saan nga ba ang permisong ito? Ito ay para payagan ang unyon na magwelga at para maabisuhan din ang employer na magkakaroon din ng welga. This way, magiging aware ang employer at maari pa siyang gumawa ng remedy para hindi matuloy ang strike. Dahil sa ginawa ng unyong ito ay nawalan ng milyong kita ang hotel."

"May katibayan ka ba na wala silang papeles?" tanong ni Henry.

Binigay naman rito ni Nile ang isang envelope. "Nasa loob niyan, your Honor, ang sulat mula sa Department of Labor na hindi dumaan sa proseso ang strike ng unyong ito." Lumingon si Nile kay Marcus. "Bilang isang lider ng unyon, Mister Jerusalem, dapat ay alam mo ang proseso ng pagwewelga."

Napayuko naman lalo si Marcus sa tinuran ni Nile. Napangisi naman ako. Hindi ko akalaing makakahanap ng butas si Nile sa kasong ito. Kung alam ko lang ay hindi na sana ako magbabayad kay Henry.

Seven Deadly Sins: SuperbiaWhere stories live. Discover now