Episode 15: A Father's Desire

629 14 3
                                    

Episode 15: A Father’s Desire

Agad na napalingon si Tristan nang maramdamang may humawak sa kaniyang balikat. Laking gulat pa niya nang makilala ito.

“Papa?”

“Ako nga… anak,” nagdadalawang-isip na wika ng ama niya. Hindi kasi nito mawari kung dapat pa niya itong tawaging anak matapos mawala ng ilang taon. “Pwede ba tayong mag-usap?”

Magkahalong inis at pagtataka ang naramdaman ni Tristan. “Kayo? Kayo ang sinasabi ni Sakura na makikipagkita sa akin?” Mararamdaman ang galit sa tono ng pananalita ng binata. “Ano ba ang ginawa niyo sa kaniya at napapayag niyo siyang tulungan kayo?”

Hindi alam ni Tristan kung bakit ito ginagawa ni Sakura. Hindi naman pwedeng sinuhulan ito ng ama dahil alam niyang mayaman ang dalaga. Kaya nitong bilihin ang kahit anong anime stuff na magustuhan. Pakiramdam tuloy niya’y trinaydor siya ng kaibigan.

“Nawalan na rin ako ng pag-asang makaka-usap ka,” wika ni Mr. Anderson “pero ang dalagang iyon, napakabuti niya. Nagmamalasakit siya sa’yo, anak. Marahil gusto niyang maayos ang pamilyang ito.”

“Si mama na lang ang pamilya ko!” sigaw ni Tristan. “At kahit kailan hindi na maayos ang pamilyang ito!” Narinig pa ni Mr. Anderson ang malalim na buntong-hininga ng anak bago ito muling nagsalita. “Pero papayag na akong makipag-usap sa inyo.”

“T-talaga anak?” hindi makapaniwalang tanong nito sa binata.

“Ngunit hindi ko ito gagawin para sa inyo. Makikipag-usap ako dahil ayokong masayang ang lahat nang ginawa ni Sakura para maging posible ito.”

UMUPO sila sa isa sa mga bench na nasa park. Nasa lilim sila ng anino ng isang malaking puno ng Cherry Blossom.

“Anak, salamat talaga at pumayag kang kausapin ako!”
“Una sa lahat, h’wag mo akong tawaging anak!” matigas na wika ni Tristan. “At pangalwa, h’wag kang magpasalamat. Hindi naman kita pinatawad. Ginagawan ko lang kayo ng pabor!”

Biglang napalitan ng lungkot ang saglit na galak na naramdaman ni Mr. Anderson. “Alam kong marami akong pagkukulang sa’yo,” wika nito, “ ngunit sa loob ng ilang taon na hindi kita nakasama, kahit kailan, hindi ka nawala sa puso’t isipan ko.”

Tila palaso ang mga salitang iyon na siyang tumarak sa puso ni Tristan ng ilang ulit.

“Hindi ko lang maintindihan kung bakit kinailangan mo kaming iwan ni mama noon!” Hindi na napigilan pa ni Tristan ang kaniyang emosyon. “Nawala ka noong mga panahong kailangan kita –kailangan ka namin!” Minabuti niyang ipaling ang paningin sa ibang direksyon upang iwasan ang ama.

“Maraming dahilan, anak,” mahinang tugon ni Mr. Asura. “Hindi pa kami kasal ng mama mo noong nagsama kami. Masaya ang buhay kahit simple lang, pero nang malaman ng lolo mo ang tungkol sa inyo ng ina mo, pinagbantaan niya akong ipagdadamot ang manang makukuha ko.”

Lalong nagtiim-bagang si Tristan. “At mas pinili niyo pa ang yaman niyo! Mas matimbang ba ang karangyaan kaysa sa amin?” Pakiramdam ni Tristan ay napakawalang kwenta ng kaniyang ama upang maging gahaman sa pera at titulo.

“Hindi mo ako naiintindihan, anak!” awat ng kaniyang ama. “Naisip ko na kung makukuha ko ang mana ko, makakabalik na ako sa inyo ni Tracy, na maibibigay ko na sa inyo ang buhay na pinapangarap ko para sa atin.”

“Ngunit ang narinig ko noo’y sumama kayo sa ibang babae.”

Muling nagbitaw ng isang malalim na buntong-hininga ang ama niya. “Hindi ko maitatanggi iyan,” panimula nito. “Ngunit isang arrange marriage ang naganap. Alam namin ng babaeng iyon na hindi talaga namin gusto ang isa’t isa kaya ilang buwan matapos ang kasal, nagpasya rin kaming maghiwalay.”

Nakuyom na lang ng binata ang mag kamao. “Huli na ang lahat para sa mga paliwanag, papa. Hindi na kita kayang tanggapin pa!” sigaw ni Tristan. “Hindi na maibabalik pa ang mga oras  na nasayang noong mga panahong wala ka. Kinamumuhian kita!”

Tumayo na si Tristan at akmang ihahakbang ang mga paa upang umalis ngunit agad siyang nahawakan ng ama sa balikat.

“Alam kong hindi ako naging mabuting ama sa iyo, Tristan!” wika ng ama niyang nangingilid na ang mga luha. “Hindi ko kayang pawiin ang poot at lumbay mula sa puso mo.”
Tila may kung anong  kumurot sa puso ng binata nang makita ang lagay ng ama niya. Napahinto ito, hindi makapagsalita. Hinihintay niya ang ama sa kung ano pa ang nais nitong sabihin.

“Papa?”

“Kung hindi mo ako kayang patawarin ay handa na akong umalis. Sana ay h’wag mong pabayaan ang mama mo,” mahinang wika ni Mr. Asura. “Mahal na mahal ko kayo at hindi ako mangungulila ng ilang taon kung hindi iyon totoo.”

Tila ilang libong patalim ang tumusok sa puso ni Tristan nang marinig ang mga katagang iyon mula sa kaniyang ama. Simula noon, pinanatili niyang sarado ang puso’t isip ukol sa pagpapatawad rito. Ngunit hindi niya inaasahan na ang ginawa niyang pader ay tila magigiba nang makita ang pagsisisi ng ama.

“Pinapatawad na kita… p-papa!”  nauutal pang wika ni Tristan.
“T-talaga?” tanong ng ama niya na ngayon nga’y hindi na napigilan ang pagluha.
“Siguro nga ay tama ang mga kaibigan ko,” bulong pa ng binata. Muli na naman niyang naalala ang mga sinabi nina Ken at Sakura.

“Pero, Tristan! Siya ang papa mo! Blood is thicker than water!”

“Pero higit kanino man, ikaw dapat ang nakaka-alam ng salitang ‘sakripisyo ng magulang para sa anak’.”

“Saka kung kayang tiisin ng mga anak ang kanilang mga magulang, kabaliktaran naman ang kanilang nararamdaman.”

“Ama pa rin kita. Utang ko sa iyo ang buhay ko,” muli niyang wika. “Maaaring hindi tama ang mga ginawa niyo noon ngunit sino ba ako upang humusga? Hindi kaya ng konsensya ko.”

Unti-unti namang lumapit si Mr. Anderson sa anak upang yakapin ito. Mabuti na lamang at walang ibang tao sa park, nakakahiya para sa binata kung may makakakita sa kanila sa ganoong estado. Gusto man niyang bumitaw mula sa pagkakayakap na iyon ay hindi niya magawa. Aminado siya na matagal niya itong inasam –ang yakap ng isang ama.

Tinapik pa niya ang likod nito bago kumalas sa pagkakayap.

“Alam kong hindi mo pa ako lubusang napapatawad pero salamat, Tristan,” sabi ni Mr. Anderson habang nakatitig sa kaniya. “Salamat, anak ko!”

“Ayoko lang talagang usigin ako ng konesnsya ko,” wika ni Tristan na tila nagpapanggap na hindi apektado. “Minsan, may isang kaibigan na nagsabing “sins are forgiven yet never will be forgotten”. Pinatawad ko man kayo, hindi ko pa rin makakalimutan kung anong ginawa niyo sa nakaraan.”

Tumalikod na si Tristan at nagsimula nang maglakad. Tingin niya’y tapos na ang kanilang pag-uusap. Narinig na niya ang paliwanag ng ama. Nasabi na niya rito ang nais niyang sabihin. Sapat na siguro sa ngayon ang unti-unting pagpapatawad at pagtanggap.

“Masaya ako at naka-usap ulit kita, anak!” narinig niyang sigaw ito mula sa malayo. “Mag-iingat ka!”

Hindi lumingon ang binata. Itinaas lang niya ang kanang kamay sa ere at iwinagayway ito. “Mag-iingat din kayo, papa,” bulong pa niya.

*****

HAPON na rin nang maka-uwi si Sakura mula sa arcade. Tila na-enjoy talaga niya ang paglalaro. Naisip pa niya na sana ay maayos rin ang naging pag-uusap ni Tristan at ng ama nito.

Kasalukuyan siyang nakahiga sa sariling kama nang marinig ang mahinang pagkatok sa pinto ng silid. Alam niyang si Tristani yon.

Dali-dali siyang nagtungo sa may pintuan upang pagbuksan ito. Nagulat pa siya sa mga sumunod na ginawa ng binata.

Niyakap siya nito. Hindi nakapagsalita si Sakura. Pakiramdam niya ay mas malakas pa ang tibok ng puso niya kaysa sa mga kuliglig sa labas ng bahay.

“Salamat, Sakura.

“Wala ‘yun, Tristan.” Yayakapin din sana niya ito pabalik ngunit mabilis itong kumalas at pumanaog sa hagdan.

Napangiti na lang si Sakura. Hindi rin niya mawari kung mahiyain din ang kaibigan o likas lang na masungit ito kaya’t hindi gustong nagpapakita ng emosyon.

She's an Otaku [Completed]Where stories live. Discover now