Episode 3: Papers and Origami

1.1K 18 18
                                    

Episode 3: Papers and Origami

Maagang nagising si Tristan. Sa katunayan ay naunahan pa niya ang pagtunog ng kaniyang alarm clock. Nanaog na siya pababa sa hagdaan ngunit hindi niya inaasahan na matatagpuan niya si Sakura na nakaupo sa may hapag.

Paano ako naunahan ng isang ito? Nagtatakang tanong niya sa isipan.

Umupo na lamang siya sa bakanteng upuan, katapat ni Sakura. Hinihintay nilang matapos sa pagluluto si Tracy na kasalukuyang nasa kusina.

"Pssst!" narinig ni Tristan ang mahinang pagsitsit ni Sakura ngunit hindi niya ito pinansin.

"Oyyy!" narinig niyang bulong nito ngunit pinili niyang huwag magbigay atensyon.

Hindi na nakapagpigil pa si Sakura. Alam nitong mas mabuti pang magbiro sa lasing, huwag lang sa bagong gising ngunit kung hindi talaga siya papansinin ng kausap, mapipilitan siyang kunin ang atensyon nito.

Nilukot ni Sakura ang hawak na papel at ginawa itong bola. Mabilis nitong ibinato sa mukha ni Tristan na tumama naman sa noo.

Matalim siyang tinitigan ng binata. "Agang-aga, may sapak na naman 'yang utak mo. Ano'ng kailangan mo?"

Sa wakas, nakuha na rin nito ang atensyon ni Tristan. Gumuhit ang ngiti sa labi ni Sakura sabay abot ng papel sa binata. "Gawa mo naman ako ng origami!" wika nito.

Sumimangot lang siya. "Ayoko!" malamig na tanggi ni Tristan.

"Sige na! Please?" muling pangungulit ni Sakura na hinaluan pa niya ng beautiful eyes.

Hindi sinasadyang napalakas ang pagkakadabog ni Tristan nang ibagsak niya sa lamesa ang kaniyang kamao. "Hindi ka ba nakakaintindi? Ayoko sabi!"

Tila nagulat naman si Sakura nang masigawan siya ng binata. Agad siyang yumuko at nanatiling tahimik hanggang sa magsimula na ang almusal. Maging si Tristan ay minabuting manahimik na lang rin. Alam niyang hindi tama ang ginawa niyang pagsigaw ngunit nabigla lang rin siya sa mga naganap.

Matapos ang agahan, nauna nang lumabas ng pinto si Sakura upang pumasok sa school. Pakiramdam ni Tristan ay talagang nagtampo ang dalaga dahil sa ginawa niya. Sabagay, kung siya man ang nasa katayuan nito'y hindi na siya magtataka. Hindi rin naman niya ito masisisi dahil batid niyang mali din ang naging asal niya rito.

"Anak!" narinig niyang tawag ng kaniyang ina. "Pagpasensyahan mo na sana si Sakura."

Bakas sa mukha ng kaniyang ina ang labis na pag-aalala at sensiridad. Hindi na nagawa pang makasagot ni Tristan. Tumango na lamang siya at pilit na nagbigay ng isang ngiti.

*****

NASA loob na sila ng class room pero hindi pa rin siya pinapansin ng dalaga. Nais niya itong kausapin ngunit hindi niya magawa. Tila umiiwas si Sakura dahil nakipagpalit siya ng upuan sa kaklase nilang nakaupo sa unahan ni Ken. Mas lalong lumayo ang distansiya nito kay Tristan.

Hindi na nakatiis pa si Ken. Kahit nasa kalagitnaan sila ng klase ay bigla siyang lumingon sa kaibigan at nagtanong. "Oy, bro! Anong problema ni Sakura? Bakit dito 'yun naka-upo?" bulong nito.

Alanganin pang tumugon ng ngiti si Tristan bago sumagot. "Kasalanan ko," tipid pa nitong sagot. Tila may bumbilya namang umilaw sa taas ng ulo ng binata. "Sandali, pwede bang humingi ng pabor?"

"O, ano 'yun?" tanong ulit ni Ken. Hindi na sumagot pa si Tristan. Bagkus ay iniabot nito sa kaibigan ang isang maliit na piraso ng papel at sinenyasan itong iabot kay Sakura na naka-upo sa unahan.

Kinalbit ni Ken si Sakura at agad naman nitong tinanggap ang papel. Binuksan niya ito at binasa pero agad ding itinago. Naghintay ng sagot si Tristan ngunit wala siyang napala. Kumunot ang noo niya at muling nagsulat ng mensahe.

She's an Otaku [Completed]Where stories live. Discover now