PROLOGUE

8 0 0
                                        

Sampung taong gulang ako nang matutunan ko ang pinakaimportanteng leksyon sa buhay ko.

Hindi sa school. Hindi sa libro. Kundi sa marmol na sahig ng isang mansion sa Forbes Park, habang nakatingin ako sa nanay kong nakaluhod, kinukuskos ang parehong parte ng sahig sa ikatlong beses dahil sabi ng señora, "may mantsa pa rin."

Wala namang mantsa. Nakita ko. Ang linis-linis na nun. Kita ko pa nga ang repleksyon ng chandelier sa ibabaw nito, yung chandelier na hugis mga bituing nahuhulog, daan-daang kristal na parang langit na binili lang nila at isinabit sa kisame.

Naalala ko, tinitigan ko ang mga bituing kristal na yun habang kinukuskos ni Nanay ang sahig sa ilalim nila. Naisip ko pa noon, ang yaman naman ng mga taong ito. Pati bituin, kaya nilang ariin.

Pero hindi umimik si Nanay. Ngumiti lang siya, yumuko, at kinuskos ulit. At doon ko naintindihan na may mga tao palang kayang bilhin kahit ang dangal mo. Hindi dahil binenta mo, kundi dahil kailangan mong kumain.

Isa pa ang naalala ko sa bahay na yun, kahit hindi ko naintindihan noon. May isang pakpak ng mansion na laging nakasara, yung mga pinto, bago at makintab, mas bago kaysa sa lahat. Tinanong ko ang isang katulong kung bakit walang pumapasok doon. Hinawakan niya ang braso ko, mahigpit, at sabi niya, "Huwag na huwag mong babanggitin yan dito. Lalo na sa señora."

Amoy bagong pintura ang hanging galing doon. Ngayon ko lang naisip, pagkatapos ng maraming taon, kung ano ang tinatakpan ng bagong pintura.
Pagkauwi namin, habang hinihilot ko ang namamagang tuhod ni Nanay, sinabi niya sa akin ang isang bagay na hindi ko makakalimutan hanggang ngayon.

"Bituin, anak. Makinig ka. Kapag lumaki ka, huwag na huwag kang iibig sa taong kayang bilhin ang buhay mo. Kasi ang mga taong sanay bumili, hindi marunong mag-alaga. Alam lang nila kung paano magmay-ari."
Tumango ako noon kahit hindi ko pa fully gets.

Eleven years later, gets na gets ko na.

Kaya nga ngayon, habang nakatayo ako sa harap ng Vermosa Grand Hotel, dalawampu't dalawang palapag ng salamin at ilaw, ang pinakamalaking gusaling papasukan ko sa buong buhay ko, isa lang ang promise ko sa sarili ko:

Papasok ako. Maglilinis ako. Susweldo ako.

At kahit anong mangyari, hinding-hindi ako iibig sa kahit sinong nakatira sa taas ng gusaling ito.

Piece of cake.

...Di ba?

His Tuesday GirlHistorias para obsesionarse. Descúbrelo ahora