FRANCHESKA
Bumangon ako nang marinig kong may kumakatok sa pinto ng kwarto ko. Dahan-dahan akong tumayo mula sa pagkakahiga—medyo gumaan na rin naman ang pakiramdam ko dahil kahit papaano ay nakapagpahinga ako.
"Teka lang po..."
Inayos ko muna ang suot kong hoody at tumingin sa malaking salamin sa gilid ng aparador. Medyo namamaga pa rin ang mga mata ko mula sa pag-iyak , at maputla pa rin ang mga labi ko. Pinunasan ko ng marahan ang ilalim ng mata ko bago lumabas ng kwarto.
Pagbukas ko ng pinto, nadatnan ko si Tita na nakatayo sa labas, halatang may pag-aalala sa mga mata niya.
"Nak, ayos ka lang ba?" tanong niya sa akin.
Tumango lang ako at pinilit ngumiti. Hinaplos ni Tita ang buhok ko ng marahan, saka ako inalalayan papunta sa kusina para kumain. Tahimik lang siya habang naglalakad kami—wala ni isang salita mula sa kanya.
Pagdating sa kusina, inilapag niya ang pagkain sa lamesa. Ilang sandali pa'y bigla akong niyakap ni Chissa mula sa likuran, saka nagsalita sa malumanay pero nag-aalalang tinig.
"Ate, are you okay?" tanong niya habang namumuo ang luha sa gilid ng kanyang mga mata. Parang sandali na lang at iiyak na siya.
"Yes, ChiChi, okay lang si Ate," sagot ko habang hinahaplos ang buhok niya at pinilit na ngumiti.
"But you look like you're crying, Ate..."
Hinaplos ko ang pisngi niya bago muling sumagot.
"I'm okay, Chi. Napagod lang si Ate at medyo kulang sa tulog."
Ang lambot talaga ng puso ko para sa mga bata. Wala kasi akong kapatid. Only child ako, at lumaki sa isang broken family. Iniwan ng tatay ko si Nanay dahil ayaw ng pamilya niya kay Nanay—dahil daw matapobre kami.
Lumaki akong walang ama. Si Nanay lang ang nagpalaki sa akin, kasi duwag ang tatay ko... at wala na rin naman akong magagawa pa ro’n.
Sa probinsya pa ako ng Negros Oriental nakatira noon, bago ako napadpad dito sa Maynila. Kinuha ako ni Tita matapos kong mag-graduate ng high school. Isa pa sa dahilan kung bakit ako lumuwas ay dahil iniwan na rin ako ni Nanay... iniwan na niya ako nang tuluyan.
Matagal na siyang may sakit, pero hindi niya sinabi sa akin. Pati kay Tita, na kaisa-isang kapatid niya, wala siyang binanggit. Wala kasi kaming pera para sa gamutan, kaya tiniis niya lahat mag-isa. Hanggang sa isang araw, wala na siya.
"Gusto mo bang dalhin kita sa ospital para sa malinaw na check-up, anak? Mukhang napapadalas na iyang panic attack mo. Nag-aalala na ako," ani ni Tita habang tinititigan ako ng may pag-aalala.
Oo nga eh, napapadalas na nga ata.
Noong 1st to 3rd year ko, bihira lang akong atakihin. Pero ngayon, parang na-trigger ako noong humarap ako sa madla. Kaya rin ako sumali sa Theater Arts Club, para ma-overcome ko 'yong takot ko. Pero hindi pa rin. Hanggang ngayon, backstage crew pa rin ako o di kaya'y extra sa mga eksena—kasi ayoko talagang sumalang sa stage.
Kaya nga noong pinakanta ako ni Manager sa stage, nag-mask at naka-cap ako. Dahil sobrang daming tao. Ayoko talaga ng masyadong atensyon. Siguro, dala na rin ito ng sakit ko.
Hindi naman ako takot sa tao. Nakikipag-usap pa rin naman ako, nakikihalubilo. Pero hindi na tulad ng dati. Ngayon, takot akong mahawakan ng tao—lalo na ng mga lalaki.
Maliban na lang dun sa isa…
Si Kenneth.
Noong first year kami, inaya niya akong kumain sa labas. Tumanggi ako, pero bigla niya akong hinatak palabas ng campus. Sa gulat ko, hindi nag-react 'yong sakit ko. As in wala.
Hindi ako makatulog buong gabi pagkatapos no’n. Pero hindi dahil sa takot—kundi dahil sobrang gaan ng pakiramdam ko sa kanya.
Siguro dahil bakla siya. Kaya hindi ako natakot.
"Okay na po ako, Tita," sabi ko sa kanya sabay pilit na ngiti.
KAMU SEDANG MEMBACA
Behind the Script
Romansa"Totoo nga ang sabi nila... masakit magkagusto sa taong pareho rin ang kasarian na gusto." Hindi sinasadya ni Francheska na mahulog sa best friend niyang si Kenneth- mabait, maalaga, at laging nandiyan para sa kanya. Akala niya, may 'something' din...
