06

169 10 3
                                    

CHAPTER SIX

“AY, SHIT!” Bigla na lang napigtas ang suot na bracelet ni Cookie. Bigay iyon sa kanya ni Mrs. Da Silva noong samahan niyang mag‑shopping. Gawa sa mga bilog na crystals at itinuturing niyang lucky charm. Kaya naman kandatuwad siya sa paghahanap ng mga crystal beads na gumulong sa sahig.

Hindi niya namalayan na nasa kabilang silid si Roger, kasama si Gerry. Narinig niya ang katok sa pinto but she was too busy trying to reach her crystals under the sofa.

“Bukas ‘yan!” sigaw niya habang kinakapa ang ilalim ng sofa.

Itinulak ni Roger ang pinto. Natigilan ito sa nakita. “Constance—”

Si Gerry naman ay hindi napigil ang sarili. “W-­wa-­wow, boteng umiilaw!”

“Constance,” tawag ulit ni Roger.

Nahagip na niya ang isang bead, the rest could wait. Hindi naman siguro mawawala dahil nasa sahig lang ang mga iyon. Ang mahalaga, naroon si Roger. Napangiti siya at tumindig. Pagharap kay Roger ay binago ang facial expression. Namaywang.

“Ano’ng ginagawa mo rito, lalaking talipandas?” tanong niya, pinaigkas ang kilay.

Napatingin si Gerry kay Roger. Nagtatanong din ang mga mata habang hindi makapaniwala ang mukha, ngunit tila ibig tumawa. Shocked din si Roger ngunit agad nakabawi.

“Ikaw ang ano ang ginagawa rito sa hotel ko?” balik-­tanong nito.

“Apartment ito ng kapatid ko kaya puwede akong tumira dito,” wika ni Cookie.

“Nasaan si Constance?” tanong nito.

“Hindi siya si Constance?” tanong naman ni Gerry, hindi maalis ang mga mata sa legs ni Cookie. Bukod sa maiksi ang shorts na low-­waist, nakabuhol sa bandang pusod niya ang puting polo. Tinalo niya si Amy Austria noong Tondo Girl pa ito kung bansagan.

Paismid na sumagot si Roger. “Unfortunately, this gremlin here is Constance’s sister.”

“Aba, kapag ganyan ang gremlin, iuuwi ko. Ako si Gerry.” Inilahad nito ang kanang kamay at nginitian siya.

Tinanggap niya iyon. “I’m Cookie.”

Inis naman si Roger sa nakitang paghanga ng kaibigan sa babae. “Nasaan si Constance?” tanong ulit nito.

Lumabi si Cookie. “Ewan ko ba sa kapatid ko kung ano ang gustong mangyari sa buhay. Hindi ko malaman kung pangarap maging tourist guide o GRO.”

“Where is she?” gigil na tanong ni Roger.

“Sinamahang mag-­dinner sa Japanese restaurant si Mr. Nube. Mamaya pa babalik ‘yon. Bakit ka ba naririto?”

Si Gerry ang sumagot. “Yayayain sana namin sa bar ang kapatid mo. Sa Brewery, maganda roon. Pero yaman din lamang na wala siya, ikaw na lang ang yayayain namin.”

Nagprotesta kaagad si Roger. “Wala akong balak isama ang babaeng ‘yan. Tara na, pare.”

“Teka muna. Kung ayaw mo, kaming dalawa na lang ni Miss Cookie ang magna-­nightlife. Payag ka ba?” Nagpapungay pa ito ng mga mata sa kanya.

Hindi naman tahasang masasabing guwapo si Gerry, ngunit may presensiya rin dahil halos kasintaas ni Roger at matipuno rin ang katawan. Maganda ring magdala ng damit at marunong magpa-­cute.

Napangiti siya. “E, hindi pa naman kita masyadong kilala. Magagalit ang kapatid ko kapag umalis ako. Hindi ako puwedeng basta sumama sa iyo.”

Tumingin si Gerry kay Roger. Nangungusap ang mga mata. “Pare, kahit bawasan mo ang PF ko, sumama ka lang, para at least, hindi naman masabi ni Constance na walang guardian si Cookie. Kilala ka naman ni Constance, may tiwala yun sa iyo. Samahan mo na kami. Sagot ko lahat, pati gasolina ng auto mo.”

Fortune Cookie | ROSE TANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon