ii: minsan

53 1 0
                                    

──── ikalawang tagpo ────

kay bilis maglaho
ng kahapon
sana'y wag
kalimutan
ang ating mga
pinagsamahan

minsan,
eraserheads

──── ──── ──────


Animnapung araw.

Sulit naman ang bakasyon.

Kumbaga sa kunsumisyon,
walang kunsu; misyon lang.

Kabi-kabila ang bawat pangyayari kahit mistulang humawi lang ang mga 'yon sa iisang hibla ng oras. Noong Abril, isang linggo pagtapos ng victory party ng Sibol, umuwi kami ng Tatay Eli sa Zambales para kamustahin si Papa, at si Tito—ang birthday boy. Inaliw ko silang mga matatanda sa pakikipaglaliman sa usapan nila tuwing almusal, lumangoy at mag-surf sa katapat nilang dalampasigan, at makipagpalagayan ng loob sa anak ng mga kaibigan nilang dumadalaw sa bahay.

Binigla man ako ni Tito, wala akong nagawa kundi magbahagi rin ng sarili kong karanasan tungkol sa buhay ko bilang Kristiyano sa buong simbahan niya nang Linggo ring 'yon.

Lalong sulit.

Produktibo.

May outreach program rin kami sa Batangas dahil sa pagputok ng bulkang Taal no'ng Mayo. Maraming pamilya ang lubhang naapektuhan. Bilang may budget ang Sibol pagdating sa abot-kayang tulong, samahan pa ng mga mabubuting loob na nag-ambag sa fundraising na sinimulan ni Kuya Charles, ginayak ko ang sarili kong sumama sa pag-distribute.

Balak ko nga sanang ipagdasal na lang sila dahil ayokong maiwang mag-isa si Tatay sa Makati. E, siya na rin ang laging nagsasabing kumilos kung may magagawa naman, dahil 'yon ang tunay na pagtitiwala sa Diyos.

Bonus pang naudyok kong pasamahin si Ed kahit siya ang tunay na tinatamad. E, lugmok pa rin sa talo, kaya pinalampas ko nang nagpalibre sa 'kin ang bugok ng tatlong araw niyang gastos, tutal ay mas importante ang pagkakataong makita ang aliwalas ng mukha ng mga nasalantang Batangueno kaysa sa umiiyak kong bulsa. Kumpleto na rin ang araw na 'yon dahil nagawa kong maibahagi sa kanila ang mabuting balita ng Diyos.

Akala ko nga 'yon lang, e.

Kaso may humabol.

Gabi ng katapusan ng Mayo, hindi pa man nagsisimula ang termino niya, bumitaw sa pwesto si Ayesha bilang Public Relations Officer.

Paano ko nalaman?

Sa Cubao, sa condo'ng inuupahan ko para malapit sa pinapasukan kong public service para sa OJT, alas onse y medya nang gabi—sobra akong naalimpungatan kay Ed. Tawag siya nang tawag sa telepono. Buong araw akong pagod sa pagkausap ng mga humihingi ng tulong sa tanggapan para sa mga legal nilang reklamo, tapos ang tanging sinabi ng bugok: kung hindi siya nailuklok sa itinakbo niyang pwesto sa konseho, hindi pwedeng pati ako.

Nang-istorbo na nga, hindi man lang nangumbinsi nang maayos. Pinilit pa 'ka mo akong punan agad 'yong Google Forms para maunahan 'yong mga posibleng mag-apply. Ayoko man, makakapalag ba ako? E, wala sa bokabularyo ng bugok na 'yan ang magpatalo—gusto laging nasusunod.

Kaya ngayong Hunyo, mula rito sa likuran ng inuupuan kong tricycle, tinapunan ko lang siya ng tingin sa loob ng sala nila. Dinampot niya 'yong susi ng bahay nila sa patungan ng telepono nila.

"Auntie, sibat na 'ko!" nagmamadali niyang sigaw.

"Sige! 'Yong bilin ko, ha!"

Isinabit niya lang sa balikat ang dala niyang uniporme bago tuluyang sumalubong ang tingin kung saan ako nakagawi. Tumawa siya pagkalabas ng mababa nilang gate at walang pakundangang sumiksik sa 'min ng drayber.

reaching throughWhere stories live. Discover now