49 | Nagdilim

97 10 0
                                    

“Akala niya ‘ata ‘di ko siya papatulan. Pwes, laking-kanal ‘to! Pasalamat siya ‘di ko siya ginripuhan sa tagiliran!”

Maagang natapos ang family dinner dahil sa nangyari. Oo, sinampal ko si Chanel. Sa sobrang lakas, kamuntikan na siyang makipagpalit ng mukha sa sahig. Ngali-ngali ko na rin siyang tadyakan kung hindi lang pumagitna si Tita Thelma. Umiyak ang gaga at hawak-hawak ang pisngi. Bumakat din yata ang kamay ko sa mukha niya.

“Dapat mas naging mapagpasensya ka,” pangaral sa akin ni Reiven habang ibinaba ang zipper sa likod ng dress ko. “Inuna mo na naman init ng ulo mo.”

Hindi makapaniwalang hinarap ko siya. “Seryoso ka ba? Kinakampihan mo ang gagang ‘yon?”

Pagod siyang huminga nang malalim. “Hindi ko siya kinakampihan . . .”

“E ba’t parang galit ka? Ako ba, kinakampihan mo?”

“Parehas kayong mali. Hindi mo siya kinailangang sampalin.”

“Kahit ipinagtanggol lang naman kita? Kahit binabalahura ka ng babaeng ‘yon, gusto mong tumayo lang ako at manood?”

Kunsumidong ipinadaan niya ang mga daliri sa buhok. “Kung ‘di ka napigilan, ano sa tingin mo ang nagawa mo? Kilala kita. Baka mas napuruhan mo ‘yon.”

“Ano ba talagang ipinupunto mo? Galit ka ba na pinagtanggol kita?”

“May iba pang paraan para magawa mo ‘yon!”

“Hindi titigil ang babaeng ‘yon hangga’t ‘di nakakatikim ng sampal, Reiven. Kung kilala mo ‘ko, mas kilala ko rin ang babaeng ‘yon. Hindi mo alam kung anong mga katarantaduhan naranasan ko sa kanya.”

Nalukot ang kanyang mukha. “Bakit? Anong ginawa niya sa’yo?”

Pinaikutan ko siya ng mga mata at hindi siya sinagot. Kinulit pa niya ako na sabihin sa kanya kung anuman ang itinutukoy ko. Pero naiirita pa ako para pagbigyan siya. Hanggang sa sumuko na siya saka iritadong lumabas ng kuwarto.

Habang nagtu-toothbrush ay nakatitig ako sa cell phone. Ngayong kalmado na, na-realize ko nang medyo nakakahiya ang nangyari. Kahit na hindi ko pinagsisisihan ang pananampal sa babaeng ‘yon, okasyon iyon para maging matatag ang samahan naming pamilya.

Ano bang dapat kong sabihin kay Tita Thelma?

Pagkatapos kong magbihis, dala-dala ang cell phone na pumunta ako sa sala. Naabutan ko roon si Reiven, nanonood habang nakabukaka at nakadantay ang isang braso sa sofa. Napako agad ang tingin niya sa akin hanggang sa naupo ako sa tabi niya.

“Hindi ko pinagsisisihan ‘yong ginawa ko,” panimula ko. “Pero naiintindihan ko kung ba’t galit ka.”

Matunog siyang ngumisi saka isinandal ang ulo niya sa bumbunan ko. “Ikaw ‘yong tipo ng taong hindi magre-react hangga’t kaya mong magpasensya. Kung nagawa mo ‘yon, baka napuno ka na nga.”

“Galit ka pa?”

Umiling-iling siya habang nilalaro-laro ang buhok ko. “Ikaw?”

“Hindi na rin.” Humalukipkip ako at isinandal ang likod sa upuan. “Kaya kong magtiis para sa sarili ko. Pero kung idadamay ka na, ibang usapan na ‘yon.”

Hinawakan niya ang kamay ko. “Talaga?”

“Talagang-talaga. Ako lang ang may karapatang lait-laitin ka.”

Humalakhak siya at nakangiting pinagmasdan ko siyang naghahabol ng hininga. Pagkatapos ay niyakap niya ako nang mahigpit, kuntentong-kuntento.

“Dalawang kamag-anak mo na nasampal mo ngayong linggo. Hindi bale na. May mga sapak naman. Lalo na ‘yong Chanel,” bulong niya.

“O, ‘di ba? Sabi ko na sa’yo. Ano ba kasing nangyari?”

“Ewan ko sa babaeng ‘yon. Nag-uusap kami nang matino tapos bigla akong sinabuyan ng iniinom niya.”

“Demonyita talaga ‘yon si Chanel. Kaya sa susunod na mag-aya sila, hindi na tayo pupunta.”

Binitiwan niya ako saka lukot ang mukhang hinarap ako, “Hindi, hindi. Hindi tayo pinalaking bumabawi. Ventura ka rin. Kung hindi nila kaya mag-adjust, sa kanila na ‘yon.”

Natatawang sinamaan ko siya ng tingin saka ipinadaan ang palad sa mukha niya.

Kaya kong mabuhay mag-isa. Hindi problema sa akin kung mapag-iwanan ako ng panahon. Ganunpaman, mas gugustuhin kong lumipas ang mga araw na kasama siya. Hindi para buhatin ang mga problema ko. Kundi para ipakita sa akin na anuman ang mangyari, maganda pa rin ang mundo.

Maganda pa ring mabuhay.

“It was nice meeting you, Mrs. Aguirre,” nakangiting sabi sa akin ng matandang lalaki saka in-offer sa akin ang kamay niya na malugod ko namang tinanggap. “I hope we meet again and do another business together.”

Malapad akong ngumisi. “The pleasure is all mine. And, sure. I would love that.”

Nag-usap pa kami nang ilang segundo bago ako nagpaalam at dumiretso sa kotse. Mabilis kong hinubad ang coat saka hinalungkat ang bag para sa cell phone.

Dumalo ako sa assembly kasama ang matandang lalaking iyon. Isa siya sa mga director ng kumpanya kung saan ay stockholder ako. Nagkaroon kasi ng botohan kung magdi-distribute ba ng stock dividends ngayong taon kaya kinailangan ang presensya ko.

“Punta muna tayo sa shop ni Natasha,” utos ko sa driver habang nagti-text kay Reiven.

Dahil hindi pa namin nasubukang mag-date, naisipan naming kumain sa labas ngayong gabi. Wala pa akong napipiling restaurant kaya mas mabuting dalawin ko si Natasha dahil mas maalam ‘yon.

Ano kayang isusuot ko? Biglaan kasi kaya hindi ako nakapaghanda! Kunsabagay. Ganoon naman talaga ang buwisit na ‘yon. Spontaneous.

Abala ako sa pag-scroll sa internet sa paghahanap ng magandang restaurant nang biglang umalog ang sasakyan.

Isa.

Dalawa.

Paulit-ulit.

May sinisigaw ang driver ko pero hindi ko maintindihan.

Hanggang sa naramdaman kong humampas kami at biglang nagdilim ang lahat.

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon