45 | Paulit-ulit

121 10 0
                                    

45 | Paulit

______

Nanatili siyang nakatitig sa akin, blangko ang mukha.

“I-ilang beses kong sinubukang sabihin sa’yo. Pero . . .”

“Astrud . . .”

Umiling-iling ako at isang beses umatras. “H-hindi ko ginustong lokohin ka. Hindi ko rin alam na walang bisa. N-natakot ako . . .”

Natakot ako na baka ganito ka lang dahil wala kang mapagpipilian – na kasal ka sa akin kaya kailangan mo akong tratuhin nang tama.

Hindi siya nagsalita. Tiningnan ko siya at naabutan siyang tulala sa sahig na tila malalim ang iniisip.

“Kung galit ka, ‘wag kang mag-alala. M-maiintindihan ko . . .” paniniguro ko.

Muli ay hindi siya umimik. Pakiramdam ko ay sumabog ang puso ko sa sobrang sakit.

Kunsabagay. Anuman ang reaksyon niya, wala akong karapatang magreklamo. Dahil ako naman ang dahilan ng lahat.

Mabilis akong nagtungo sa kuwarto saka kinuha ang isa sa mga maleta ko. Kukunin ko na lang ang iba kapag kumalma na ako. Sa ngayon, kailangan ko munang umalis. Para sa kapayaan naming dalawa.

“Anong ginagawa mo?”

Sinulyapan ko siya. Mabagal ang lakad niya patungo sa akin. Blangko pa rin ang mukha.

Binuksan ko ang maletang nakapatong sa kama. “S-sa mansion muna ‘ko. Mag-usap tayo sa susunod.”

Walang salitang naupo siya sa kama. Hawak ang ilang damit ay nagdadalawang-isip ako kung lalapit ba ako o hindi. Ngunit sa huli ay isinalansan ko ang mga iyon sa maleta at nagmamadaling bumalik sa cabinet para kunin ang iba.

“Hindi mo kailangang umalis,” malamig na turan niya habang inaayos ko ang mga damit.

“Wala na ‘kong mukhang maihaharap sa’yo at sa pamilya mo,” sabi ko, pigil ang sariling sumambulat muli ang mga emosyon.

“Astrud . . .”

“Hiyang-hiya na ‘ko sainyo at sa sarili ko. Sobra-sobra na kung mananatili pa ‘ko rito. N-niloko ko kayong lahat—”

“Alam ko na noon pa.”

Natigilan ako at napatitig sa kanya.

Malakas siyang bumuntong-hininga at kinagat nang mariin ang ibabang labi. “Noong umalis ka, kumonsulta rin ako sa abogado. Sinabi niya rin sa’king . . . walang bisa ang naging kasal natin.”

Namilog ang mga mata ko.

Alam na niya? Noon pa?

“Hindi naman ako tanga para tanggapin lahat, ‘di ba?” mahina niyang patuloy habang hawak ang batok niya.

“P-pero bakit wala kang sinabi?”

“Ikaw ang nagdala sa’tin sa sitwasyong ‘to kaya akala ko alam mo.” Nag-iwas siya ng tingin. “At ‘tsaka . . . gusto ko ring gumanti.”

“Kaya no’ng nalaman mong ‘di ko alam, inaya mo ‘kong tumira sa’yo. Gano’n ba? Para makaganti?”

Ang galit ko sa sarili at takot sa reaksyon niya ay parang bulang nawala.

Buong akala ko ay ako lang ang naglalaro rito. Hindi ko alam na pinaglalaruan na rin pala ako.

“Hindi naman sa gano’n—”

“E di quits na pala tayo,” sansala ko sa kanya. “Ginago kita. Ginago mo ‘ko pabalik. Naggaguhan tayong dalawa.”

Alam kong hindi niya naman gagawin ‘yon kung hindi dahil sa panloloko ko. Pero sa ngayon ay naiirita ako. Hindi ako makapag-isip. Ayokong mag-isip!

“Astrud . . .” desperadong tawag niya nang ipagpatuloy ko ang pagkuha ng mga damit ko.

“Wala nang dahilan para magsama tayo. Walang bisa ang kasal. Nakaganti ka na.”

“Putang ina, Astrud. Hindi ko alam kung nagbubulag-bulagan ka lang o ang baba pa rin ng tingin mo sa’kin.”

Kumunot ang noo ko, hindi lubos maintindihan ang sinabi niya.

“Kahit kailan ba, hindi kita naabot?”

“R-Reiven . . .”

Ngumiti siya, punong-puno ng hinanakit. “Hinding-hindi na ba talaga kita maaabot?”

Muli ay wala akong masabi. Mas lalo niya yatang dinamdam iyon dahil namula ang mga mata niya.

“Isara mo na lang ang pinto pagkaalis mo,” paos niyang bilin bago ako tinalikuran at lumabas sa kuwarto.

Naiwan ako roong hawak ang ilang damit at gulong-gulo ang isip. Sinubukan kong kumalma ngunit sa huli ay sumuko rin at napaupo sa sahig.

Narito na rin naman kami sa sitwasyong ‘to. Walang makakasagot sa lahat ng tanong kundi kami ring dalawa.

Pagkalipas ng ilang minuto ay sumunod ako sa kanya. Naabutan ko siya sa kusina, nakaupo at nagtataktak sa ashtray. Nagtagpo ang mga mata namin. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin.

“May . . . isa pa pala ‘kong hindi nasasabi sa’yo.”

Hindi siya umimik.

“Noong nalaman kong kailangan kong magpakasal para makuha ang mana ko, hindi ko kinailangang mag-isip.”

Natigilan siya at hindi niya naituloy ang pagsindi sa bagong sigarilyo.

Ngumiti ako at inabot ang kanyang buhok saka hinaplos-haplos iyon. “Kahit sinong gustuhin ko, p’wede kong ayaing magpakasal. Hindi ko kailangang magmakaawa. Pero . . . lumuhod ako para sa’yo.”

Makasarili akong tao. Mukhampera. Oportunista. Sa harap ng pera, kayang pakasalan ang kahit sino.

Pero ikaw pa rin ang pinili kahit walang kasiguraduhan.

“Dahil ikaw lang ang kaya kong pakasalan, Reiven. Ikaw lang ang nakikita. Ikaw lang ang maaari,” garagal ang tinig na patuloy ko. “Ikaw lang, nang paulit-ulit.”

Matagal na panahong hindi ko inamin ang nararamdaman ko para sa kanya. Kahit sa sarili. Dahil hindi ko matanggap na habang inaabot ko ang langit ay nahuhulog ako sa lupa. Marami akong pangarap at kahit kailan ay hindi siya.

Pero tama nga sila.

Anumang nasa itaas, kailangang mahulog sa lupa.

Pigil ang mga luhang tumayo siya at niyakap ako nang mahigpit. Tumawa ako at niyakap siya pabalik.

“Aabutin kita habambuhay, Astrud,” bulong niya.

Ngumiti ako.

Hindi na kailangan.

Dahil noon pa man ay naabot mo na ako, Reiven.

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon